12. The Sleepyhead ⏰

Start from the beginning
                                    

Bago matapos ang araw ay marami rin naman akong nagawa. Tulad nang pagpunta ko sa iba't ibang departamento ng FATE para sa signatories ng ilang projects ni Sir Aki. Bukod dito ay nagkaroon din ako ng pagkakataong ayusin at disenyuhan ang aking station. Nand'yan ang family picture naming nakakapit sa board ko at ang ilang paborito kong quotations. Nagdala rin ako ng ilang librong 'di ko pa nababasa na ipinatas ko sa aking desk.

Pero nang handa na akong umuwi para lubusin ang Friday night ay bigla naman akong tinawag ng antukin kong boss. H'wag niya lang sasabihin sa akin na may OT na naman ako.

"Ms. Santos, kailangan mo akong samahan bukas," sabi nito na mariin ang pagkakabigkas sa salitang kailangan.

"Sir Aki, Sabado naman bukas ah. May OT pa rin?"

"Of course, bayad ka ro'n, okay?"

"Good. Babalik ba tayo sa park?"

"How come you know that?"

"Hello sir, parang 'di naman ako ang pinag-present n'yo ng proposal n'yo, siyempre alam ko 'yon."

Natawa na naman siya sa akin, at kung p'wede kong pigilang mapangiti ay gagawin ko. Pero hindi, natutuwa talaga akong makipag-usap dito.

***

Para namang hindi halatang ayokong mag-OT ng Sabado. Maaga pa rin akong nagising kahit na sinabi na sa akin ni Sir Aki na half day lang kami, na 1pm niya ako dadaanan dito sa bahay.

Sinuot ko ang paborito kong dress na ipinares ko sa sandals na bigay sa'kin ni Ara. At hindi ko maintindihan kung bakit ba ako nababagalan sa oras bago sumapit ang ala una. "'Nak, bakit ba 'di ka mapakali?" tanong pa sa'kin ni mama.

Kaya naman nang may marinig akong papalapit na ugong ng sasakyan ay dali-dali akong lumabas ng bahay. Iba na naman ang dala nitong sasakyan.

Handa na ang mga mata kong makita ulit siya. Bumukas ang pintuan nito sa unahan at nabigla ako sa pagbaba ng isang lalaking 'di ko nakikilala.

"Ma'am, halika na raw po," bati nito.

"Teka-teka nasa'n si Sir Aki?" natataranta kong tanong.

Hindi agad nakasagot si kuyang driver. Akala ko ba ay ang boss ko mismo ang susundo sa akin. Kaya naman nang nagbukas ang pintuan nito sa may likuran ay nagulantang ang mundo ko sa pagbaba ng isang makisig na binatang kilala nating lahat sa pangalang Aki.

"Ikaw naman Ms. Santos, masyado ka namang nadismaya na hindi mo agad ako nakita. O heto na, nandito na ako," natatawang tudyo nito.

Wow ha. Hindi ko maintindihan kung sobrang yabang lang ba talaga nito o nakikipag-flirt na siya sa'kin. Ayokong umasa.

Gusto ko pa sanang patulan ang mga banat nito sa akin pero ayoko namang isipin niya na gusto ko siyang talaga. Gaya nga ng kuwento ko sa kanya kahapon, siya ang naghahabol sa'kin. Siya dapat. At kailangan ko 'yong panindigan.

Ngayon ay magkatabi na kami sa backseat ng kotse niya. Tinanong ko siya kung bakit ayaw na niyang magmaneho. "Minsan nakakapagod din ang mga bagay na paulit-ulit mong ginagawa," sagot nito. Hindi ko alam kung nasagot nito ang tanong ko pero nakasisiguro ako sa isang bagay, nagustuhan ko ang sagot niya.

"Pero lagi't laging hahanap-hanapin mo pa rin ito," dugtong ko sa sinabi niya.

***

Nang makarating kami sa Fate Enchanted ay agad kaming dumiretso sa isang bakanteng lote na malapit sa Lover's Maze & Chase. Dito kasi ipapatayo ni Sir Aki ang Memory Booth.

Tumayo siya sa gitna nito at pinagmasdan ang buong parke. "Noon ba pinangarap mo rin na magkaroon ng masasabi mong sa'yo?"

"Oo naman, sir. Dahil nga sa pangarap na 'yan kaya ako patuloy na nagsisikap. Ang baba-baba na nga lang ng pangarap ko, hindi pa matutupad. Ang daya naman 'pag gano'n, 'di ba?"

"Mali. Lagi mong tatandaan na sobrang laki ng mundo para sa isang maliit na pangarap. Kaya kung mangangarap ka na lang din, 'yung mas mataas na. 'Yung mas mahirap abutin. 'Yung paghihirapan at pagsisikapan mong mabuti, maabot mo lang."

"Tama ka naman d'yan. Libre nga lang, 'di ba? Pero tanggap ko na rin na may mga pangarap talagang hindi para sa'yo."

"Mali ka. 'Pag pangarap mo, sa'yong-sa'yo lang 'yon. Walang sinuman ang maaaring umagaw no'n sa'yo. Pangarap mo 'yon e. Ikaw ang bumuo no'n."

"Kahit pa 'di pabor sa'yo ang destiny?"

"Hindi ako naniniwala sa destiny."

"Bakit naman, sir?"

"Kasi naniniwala ako na tayo mismo ang nagsusulat ng sari-sarili nating istorya. Kaya lang kung lahat ng tao ay nagsusulat ng kanya-kanyang istorya, d'yan papasok ang mga 'di natin inaasahang pangyayari, ang mga bagay na 'di natin kontrolado, dahil ibang tao ang sumusulat nito. Hindi naman p'wedeng tayo lang ang nagsusulat, 'di ba? Pero hindi ibig sabihin noon ay titigil na tayong magsulat."

"May point ka d'yan, sir. Pero hanggang ngayon, wala pa rin akong masasabing sa'kin."

"Ako, p'wedeng maging sa'yo," biglang sabi nito. Kung alam lang niya, isa lang din naman siyang pangarap na 'di ko kayang abutin. Kaya bakit niya sinasabi ang mga bagay na ito? Sinubukan kong basahin ang bukas ng mukha niya. Kung nakakapagsalita lang ang mga mata ko, natanong na siguro ng mga ito ang boss ko kung seryoso siya sa sinabi niya. Pero hindi e. 'Di sana sinabihan na nila ang dila kong mag-reply dito. "Kala mo naman seryoso ako ro'n," dagdag niya. "Nahuli tuloy kita."

Muntik ko na siyang takasan pero 'di ko nagawa, dahil mas gusto ko na kasama ko siya.

"You lied to me, Mica. Ang sabi mo sa'kin kahapon, ako ang humahabol-habol sa'yo noon, ba't para namang ikaw?"

"Excuse me. Kailan kita hinabol, sir?" mariin kong protesta. "Wait. Don't tell me bumalik na ang lahat ng alaala mo?"

"Confirmed. Sadya talagang nahuhuli ang mga isda sa sarili nilang bibig."

"I'm not a fish." At natawa na lang kami sa naging usapan namin. Lalo ko tuloy siyang nagugustuhang kausapin. Kahit na minsan ay puro kayabangan lang ang sinasabi niya, marami sa mga ito ay may laman, 'yung tipong kukurot sa puso mo.

Pinag-usapan din namin ang mga plano niya sa Memory Booth, at kahit ako ay nae-excite sa kakalabasan nito. Nito ko na rin siya pinuri dahil sa magandang plano niya rito. Pero 'di agad siya nakasagot.

"Sir, seryoso ako. Napakaganda ng plano n'yo."

"Hindi ako ang gumawa niyan."

"E sino?"

"Hindi ko rin alam. Hindi ko na rin binalak pang alamin. O alalahanin."

One Day He Wrote My Name (PUBLISHED)Where stories live. Discover now