Sumadsad ako sa pagkakasandal. Ang aking mga bisig ay nakapatong sa aking magkabilang tuhod. Sa sandali, hinayaan kong mawala ang pagod sa aking katawan.

Mahinang hangin ang sumipol sa payapang gubat at ang mga dahon ay humagitgit. Ako'y napatingala. Sa ilang puwang na hindi natatakpan ng mga sanga ay natanaw ko ang malamlam na bahagi ng kalangitan. Ang ulap ay manipis lamang, at ang liwanag ng buwan, malapit sa gitna ng kalangitan, ay tumatagos rito (dahilan upang masilayan ko ang mga paumbok na anyo ng ulap, at ang mabagal nitong pag-usad). Ilang sandali ako'y nanatili. Nabighani. Napaibig.

Ibinaba ko ang aking mukha at ipinukaw ang aking atensyon sa babae na ngayo'y malamlam na nagliliwanag.

Bagaman hindi na kasing-tindi ng kanina ang kanya ngayong liwanag, umalab pa rin sa aking alaala ang kanyang mga ipinamalas.

At ang aking sigaw.

Nasaksihan ko kung paano nya itigil ang kanyang pagkontrol sa liwanag nang marinig nya ang aking mga angil. Kanya agad inalis ang kontrol, pinakawalan ang enerhiya. Ginawa nya iyon ng walang kahit kaunting pag-aatubili. Tila ba sa tagpong iyon ako'y nalulunod. Tanging kamay ko na lamang ang nakaangat mula sa tubig, ang aking baga ay sasabog na. At inabot ako ng isang kamay. Ang lahat ng deliryo ay naglaho.

Ngayon, habang aking tinititigan ang walang laban at walang malay na babae, hindi ko mapigilang magkaroon ng guwang sa aking kalooban (isang malawak at malalim na butas ang bumaon sa aking puso).

Siya ang babae sa aking misyon, paalala ko sa aking isipan. Kailangan ko siya upang maibalik sina Inay at Danil.

Bumagsak ang aking mukha, at ilan sa aking paalong buhok ay mabigat na sumayad sa aking pisngi. Pinipigilan ko ang pag-alingawngaw ng mga salitang hindi ko nais marinig.

Subalit ang mga ito ay bumaon sa aking isipan, at lumaganap. Mga bagay na, dulot ng aking desperasyon, ay hindi na sumibol sa aking isipan bago pa man.

Paano ko magagawang ipagkalulo ang isang inosenteng babae?

Paano ko kakayaning ilagay ang isang dalisay na nilalang sa kamay ng kadiliman?

Ipinikit ko ang aking mga mata, piniga ito sa mahigpit na pagkakasara. Nakakapasong init ang tumitibok sa loob ng aking utak. Malamig na patalim ang dahan-dahang humihiwa sa aking puso.

Ano ang dahilan upang gawin ko ang ganitong pagtataksil sa babaeng nagtitiwala sa akin?

Paano ako humantong sa pagiging makasarili?

Sa tagpong ito, hindi ko inaasahang magdadalawang-isip ako sa aking ginagawa. Sa aking misyon.

Naglaho ang kasiguraduhan sa aking isipan, at nabalot ng kawalang-damdamin ang aking kalooban. Nangamba ako. Tila ba ako'y hindi na makakaalis pa sa karimlang ito.


◖◖◗◗


Bumukas ang aking mga mata sa pag-angat ng mahinang halinghing.

Walang puting liwanag ang sumalubong sa akin, bagkos ay isang babae lamang na marahang umaangat sa pag-upo.

Daglian akong tumayo at tumungo sa kanya. Kasabay no'n ay inalis ko ang mga itim na usok at mahikang nakapalibot sa akin.

Nang marating ko siya ay inabot ko ang kanyang mga braso at inalalayan siya sa pag-upo. Ang aking isang tuhod ay nakaluhod sa lupa, isa kong kamay ay nakasuporta sa kanyang likuran.

LUMINOUS (Fantasy Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon