Muli ay pinakawalan ko ang inipon kong enerhiya sa aking kaliwang, umaandap na kamay, at ibinato ito sa isa pang puno. Agad ko iyong sinundan ng mula sa aking kanan, hanggang sa ang dalawang kamay ay akin nang pinagsasabay.

Matapos ang ilan pang pagkawala ng puwersa ay binawi ko na ang aking enerhiya at ibinabang muli ang aking mga kamay, subalit ang dilaw na mga hibla ng liwanag sa ugat nito ay nanatili.

"Ano sa palagay mo?"

Sa mahabang sandali ay nanatili lamang ang kanyang mga gintong balintataw sa akin. At ito'y aking hinarap, palaging namamangha sa katangian ng mga ito. Hindi ko maipaliwanag subalit ang inosente nyang mga mata ay nagpapaalala sa akin kay Danil, dahilan kung bakit may mga pagkakataon na kusang napapako ang aking tingin sa kanya.

Hanggang sa magbukas ang kanyang mga mala-rosas na porselanang labi. Kung ano man ang mga salitang kanyang bibigkasin ay kanya itong sinusuri. "Ano pa ang kaya mong gawin?"

Maikling hininga ang bumulwak sa aking bibig (o maikling pagkaaliw). Kanina'y nagsaad siya ng kasunduan, na bago nya subukang palabasin ang kanyang mga kakayahan ay nais nyang ako muna ang mauna. Ngayo'y nakikita kong mainam nyang ginagamit kasunduan.

"Gaya ng sinambit ko sa iyo, may kakayahan akong basahin ang enerhiya ng isang tao, o ng bagay." Tiningnan ko ang munting sanga sa uluhan nya at itinapat dito ang aking kamay. Ipininukaw ko lamang ang aking atensyon (ang buong isipan) at hinayaang magdugtong ang aking enerhiya sa lakas ng sanga.

Sa aking paningin, ang pahabang bahagi ng puwang ay nag-alon, mula sa aking nakaangat na kamay tungo sa puno, sanhi ng pagdaloy ng enerhiya.

Dumaloy ito sa akin, ang kaaya-ayang taginting sa aking mga kamay tungo sa aking utak. Isang pakiramdam na punong-puno ng katiyakan.

Sa tagpong ito, walang espasyo sa aking enerhiya ang nakalaan sa pagduruda o pangamba. Kumapit ako sa kung ano ang isinasaad ng aking likas na kakayahan.

Aking pinakawalan ang enerhiyang makakapagpabagsak sa sanga.

Bulwak ng enerhiya. Pagsalpok ng dilaw na liwanag. Pagyugyog ng sanga at paghiwalay nito sa katawan ng puno.

Ang babae ay nataranta at agad napaatras, ngunit malawak ang parte ng sanga upang kanya itong magawang takasan.

Gamit ang itim na mahikang nananalaytay sa akin (na nagmula pa sa Dark Majesty), napabilis ko ang aking paggalaw.

Sing-bilis ng isang kurap, ako'y tumungo sa kanyang tabi. Hinila ko ang enerhiya palabas sa aking dalawang kamay at ninais ang pagpabilog ng dilaw na enerhiya sa amin.

Isa iyong dagliang pag-andap ng dilaw na liwanag. Isang simboryo. Isang panandaliang pagsakop nito sa amin. At ang sanga at mga parte nito ay nawasak at pumailangalang palayo sa amin, at tuluyang bumagsak ilang distansya mula sa amin.

Nang matagpuan ko ang mukha ng nagliliwanag na babae, ito'y nasasakluban ng pagkagimbal. Ang kanyang liwanag ay tumindi dahilan upang kailanganin ko nang umatras ng ilang hakbang sa kanya.

Iniwan ko ang gimbal sa kanyang mga mata at aking isinuot ang itim na mahika sa aking buong katawan.

Sa maikling sandali ay nagbago ang aking isipan. Nang tiyak akong ako'y naglaho na nang buo sa kanyang paningin (sa halip na lumayo at lumitaw ilang mahabang distansya mula sa kanya) ako'y nanatili.

Sa halip, siya'y aking walang-labang pinagmasdan.

Malawak ang kanyang mga mata, at dito'y mas nahatak ako sa kanyang mga gintong mata. Sa mga ito, hindi ko mapigilan ang pagsibol ng alaala ni Danil. Ang kanya ring mga mata ay nagiging ginto sa tuwing kanyang dinodoble ang kanyang enerhiya (ang kanyang angking kakayahan).

At sa kanyang mala-porselanang balat (banayad at dalisay), nasilayan ko si Inay . . . sa mga panahong si Itay ay nabubuhay pa, mga panahong siya'y bata pa, umiibig . . . at maligaya.

Dumako ang aking paningin sa kanyang mahabang buhok (puti at nagliliwanag). At naalala ko si Itay. Ang kanyang mahabang, tuwid na buhok. Sa mga pagkakataong kanya akong binubuhat, palagi akong napapahawak sa kanyang buhok, iniisip na ang itim na kulay ng aking buhok ay mula sa kanya, at ang bahagyang kulot nito ay mula kay Inay.

At . . . nakita ko ang babaeng aking kaharap. Ang babae sa aking misyon. Inosente at busilak. Sa kabila ng nagigimbal nyang mga tingin ay tila ba aking natanaw ang isang bagay na agad kumapit sa malalim na parte ng aking dibdib. Iyon ay ang tiwala.

Sa kanyang mga nababagabag na balintataw ay nasilayan ko ang aking sarili.

Gumuho ang kontrol sa aking isipan, at pinagdudahan ito. Marahil iyon ay akin lamang guniguni.

At ang kanyang mga mata'y kumurap . . .

At ako ay naglaho.

Nang biglaan, ang tanaw sa kanyang mga mata ay naalis sa malayo at nagpukaw sa isang bagay sa kanyang harapan. At makalipas ang ilang sandali, aking napagtantong ako ang kanyang tinitingnan.

Bago ko ito mahinuha, ang aming mga mata ay direkta nang nakapukaw sa isa't isa.

At doon ko tuluyang napagtanto: Ang itim na mahikang sumasaklob sa akin sa kanyang paningin . . . ay naglaho.


LUMINOUS (Fantasy Novel)Where stories live. Discover now