Lascivious Casanova 14

Start from the beginning
                                    

Natatandaan ko nga iyon. Pati ang pangalan niya, Elizabeth, kung tama ang pagkaka-alala ko. Wala siyang mapagtanungan ng maayos dahil nilalayuan siya ng mga estudyante sa takot na mapagtanungan. Ako lang ang lumapit sa kanya. Hinahanap niya ang office ng school chancellor kaya't sinamahan ko siya. Kahit kasi probinsiya'y malaki ang eskwelahan kaya mahirap hanapin ang kwarto kung hindi mo kabisado. May mga puno pa naman at pare pareho ang disenyo ng building kaya nakakalito.

"Last year ko na ito, Cathy. G-graduate na ako kaya bakit pa ako mag-aaral ulit? Hindi na ako qualified doon-"

"Bago magsimula ang pasukan may gusto kang course na wala dito! Pwede ka naman mag-aral ulit kung gusto mo. Doon marami kang pagpipilian!"

Tumango si Irene kay Cathy at siya naman ang nagsalita. Nagsasalitan lang sila.

"Nag-set sila ng ibang rules kaya nga kahit malapit na ang graduation pumipili pa rin sila ng estudyante rito! Kahit graduated na, basta nagustuhan nila ang grades, dadalhin nila sa ibang bansa!"

"Pagkakataon mo na, Clementine-"

"Tigilan niyo nga iyan. Imbis na hilingin niyo na makapasok na siya at matuloy siyang makaalis, iniisip niyo pa kung sino ang pwedeng pumalit sa kanya."

May idadagdag pa sana si Irene. Nakaawang na ang labi niya para sumabat na nauwi sa pag-nguso dahil sa sinabi ko. Itong mga ito, ipagdasal na lang kaya nila na gumaling na kung may sakit si Maya, hindi 'yung pag iisipan pa nila ng masama.

Iginilid ko ang ulo ko at pasimpleng tinignan si Jax sa likod. Nakikipagbiruan ito ng suntukan kay Peter. Tumatawa siya at walang bakas ng konsensya sa mukha. Kung nakarating na sa kanya na hindi nakakapasok si Maya, hindi man lang ba niya maiisip na maaaring siya ang dahilan? Hindi sadyang nakita ko silang mag away noon. Simula nang araw na iyon hindi na pumasok si Maya.

Matiwasay na natapos ang huling subject bago ang break. Sa discipline office ako dumiretso at pinagpaliban muna ang pagkain. Ang mga kaibigan ko ay nauna sa cafeteria lalo at kanina pa nagrereklamo si Irene na gutom na. Mula sa second floor natanaw kong palabas ng school ang grupo nila Jax. Hindi ako sigurado kung babalik pa ito. Narinig ko kasing may pupuntahan silang nakaaway ni Jigs na kasama nila sa grupo. Gagantihan nila? Tapos ano? Gagantihan ulit sila? Hindi matatapos ang isang gulo kapag ganyan.

"Good afternoon po, Mrs. Montemayor," bati ko pagkabalik sa discipline office, ganitong oras ang sinabi niya kaya ngayon ako pumunta.

Tinanong ako nila Irene kung saan ang punta ko. Dinahilan ko na lang na uuwi ako saglit. Hindi nila alam ang nangyari kaya hindi ko na rin ipinaalam ang tungkol sa ipinataw sa aming parusa. Mas marami lang silang magiging tanong kung malalaman nila.

"Mabuti at nandito na kayo! Paalis na ako!" tumingin siya sa aking likod, tumaas ang kanyang kilay at bumalik sa akin ang tingin. Yumuko ito at pailalim akong sinilip sa salamin niya. "Nasaan si Mr. Dawson?"

Maliit akong ngumiti. Mas pabor sa akin na wala si Jax. Hindi ko maiwasan ang mag-alala dahil alam kong makikipag-away siya, pero bukod doon makakahinga rin ako ng maluwag kung maglilinis akong mag isa.

"Ako na lang po-"

Naputol ang sasabihin ko sa mariing pag-iling niya. Sumunod sa paggalaw ng ulo nito ang taling nakalawit sa magkabilang gilid ng kanyang salamin. May disgusto sa paraan ng pagtingin nito.

"Hindi na maaari ang ginagawa niya! Ipapatawag ko si Mr. Dawson! Mauna ka na doon at hintayin mo siya!"

Galit akong itinaboy nito palabas. Noong una nagdadalawang isip pa akong iwan siya. Namumula kasi ito at baka atakihin. Kalaunan, umalis na rin ako dahil sa pagdating ng asawa niya. Sinundo yata, naalala kong nabanggit niya kanina na paalis na siya.

Lascivious Casanova (R-18) (Erotic Island Series #7)Where stories live. Discover now