Pagdaan ng mga segundo ang mga tao'y sabay-sabay nang tumutungo palabas ng Resto.

"Anong nangyayari dito?"

Napaharap ako sa nagsalita at natagpuan ko ang aming boss—Sir Bacay.

"Iyon din ang ipinagtataka ko, Sir. Ang mga tao'y—"

"Excuse me, Sir." Napaharap ako at natagpuan ang aking Crew Mate. Bakas ang pagkagulantang sa kanyang mga bilog na mata, at nag-uunahan ang mga paghinga.

"What is it, Ms. Lazaro?"

"Kailangan nyo pong makita ang pinagkakaguluhan ng mga tao."

Sa puntong ito'y nahatak na ang aking atensyon. Lumabas ako ng Resto, kung saan ang mga tao ay nakaharap sa loob, subalit nakatingala sa kalangitan.

Binuksan ko ang pintuan at hinawakan ito hanggang sa makalabas ang aming boss. Nagpatuloy kami ng ilang metro sa bakanteng espasyo, tumabi sa kumpol ng mga tao, at walang-atubiling tumingala sa kalangitan.

Nang gawin ko iyon, awtomatikong bumugso palabas ang aking buntong hininga. Sa aking tabi ay narinig ko ang pagmura ng aking boss sa kanyang nakita.

Sa kulay abo-at-asul na kalangitan, isang malawak na bilog ng itim at makapal na ulap ang nakalatag sa parteng natatapat sa Resto. Sa kalangitan, alam kong higit pa itong malawak.

At ang mga itim na ulap, sa katangian ng dilim nito at labis na kapal, hindi ko mapigilang isipin na tila ito'y mula sa ibang mundo.

Sa aming paligid ay namamayani ang iba't ibang reaksyon ng lahat.

"Lumalawak siya. Lumalawak!"

"Jusmiyo!"

Dumiin ang atensyon ko sa itim na ulap, at sa paglawak nito.

Itim na ulap.

Itim na usok.

Sumibol sa aking alaala ang lalaki kagabi, at ang itim nyang mga umaaligid na usok. Tila bumagsak ang mabigat na hangin nang mahinuha kong ang nagaganap ngayon sa kalangitan ay kahalintulad din ng kanyang misteryo.

Mabilis akong nilamon ng sindak, at agad kong tinangkang bawiin ang aking tingin sa sentro ng itim na ulap. Subalit nanlaki lamang ang aking mga mata, at nanigas.

Hindi ko ito maalis.

Sindak ang dagliang pumulupot sa akin at pinilit kong kumawala. Ngunit habang aking pinupuwersa ang aking paggalaw ay lubos pa akong napaparalisa.

Hanggang sa maramdaman ko ang aking panghihina. Ang lakas at kontrol sa aking katawan ay nalalagas nang wala sa aking kontrol—gaanong paglaban man ang gawin ko rito.

Malayong boses ang aking narinig—o malapit lamang.

"Aris!"

Charles.

Naramdaman ko ang isang mahigpit na kamay na pumalibot sa aking pulso, at doon lamang, sa isang iglap, ang boses ay naging malakas—buo at malapit. Sa isang iglap ang mabigat na hinga ay bumulusok palabas sa akin, na para bang tubig na nakabara sa aking baga. Biglaan, nagawa kong gumalaw, at ang realidad ay mabilis na lumatag at sinakop ang aking kamalayan.

"Let's get out of here!" Sigaw mula kay Charles. Natagpuan ko na lamang ang sarili kong balisang naglalakad hawak-hawak niya. "Come on!"

Bumilis ang aking paglalakad, nagpasuray-suray ang aking mga binti halos ako'y matalisod.

Biglang gumala ang aking balisang mga mata sa paligid, at natagpuan ko ang mga nakatingalang tao. Bago ko muling ibalik ang aking tingin sa aming direksyon papasok sa Resto, nasulyapan ko ang mga nangingitim na mata ng mga ito, at maging ang pagguhit ng pulang likido sa kani-kanilang mga ilong . . . at ang kanilang pagmistulang istatwa.

LUMINOUS (Fantasy Novel)Where stories live. Discover now