Pinipigilan nya ako sa paglapit.

Maaaring balisa na ang isipan ko pagka't agad akong napaatras. Nanatili ang atensyon ko sa kanya, at patuloy akong umatras hanggang sa hindi na siya maabot ng aking liwanag.

Noong una ko siyang natagpuan ay hindi siya tinatablan ng aking liwanag, at marahil may dahilan sa bagay na iyon.

Sana . . . ay tama ang ginawa ko.

Mula sa aking kinatatayuan ay pinanood ko lamang ang kanyang silweta sa dilim—sa tulong ng dilim ng gabi ay tila ba nanumbalik siya sa kanyang pagiging anino sa aking paglayo.

Hindi ko magawang alisin ang paningin ko sa kanya, at sa mahabang oras ay pinanood ko lamang ang pagtaas at pagbaba ng kanyang dibdib dala ng mabibigat na paghinga.


Nanatili akong nakatayo sa hindi ko mabilang na minuto—o oras. Nagpatuloy ang mga pagkulog at pagkidlat sa kalangitan. Nang muli kong mapansin ang aking sarili, ako'y nakaupo na sa isang tuyong sanga sa lupa. Ang malakas na ulan ay unti-unti nang humuhupa, gayon din ang malalakas na hangin. Maya't maya'y hindi ko mapigilang manginig mula sa matalim na lamig ng ulang nakabalot sa aking buong katawan.

Gamit ang aking palad ay pinunasan ko pababa ang nakayakap na tubig sa aking mukha. Doon ko napuna ang aking kamay—at ang humihinang liwanag dito.

Gumala ang aking mga mata sa aking bisig. Ang tila manipis na puting film sa aking balat ay unti-unting nawawala kasabay ng paglamlam ng liwanag, mula sa aking mga kamay pababa sa aking mga paa.

Ito'y hinayaan ko lamang. Habang ang liwanag ay naglalaho sa aking balat, ito naman ay marahang sumisilay sa paligid. Ang makapal na dilim ay unti-unting nagninipis, at sa kagiliran, sa mga espasyong pumapatlang sa mga walang hanggang puno, ang unang pahiwatig ng paparating na bagong umaga ay sumisibol na—ang kalangitan mula rito ay unti-unti nang nagkukulay lila.

May parte sa akin na gusto nang umalis, ngunit hindi ko ito magawa. Nanatili lang ako sa aking pagkakaupo, pinanood ko lamang ang paglaho ng liwanag sa akin. Kalauna'y napapalingon ako sa lalaking patuloy na bagsak ilang metro ang layo sa akin, subalit sa karamihan ng oras, nakatitig lamang ako sa aking mga kamay, at ang aking isipan ay malalim sa mga kagulumihanan.

Nabawi ang atensyon ko pabalik sa realidad nang marinig ko ang manipis na lagitik mula sa kinaroronan ng lalaki.

Ang dilim ay hindi na sing-kapal ng mga nagdaang oras, at nagawa ko siyang maaninag nang walang kahirap-hirap. Natagpuan ko siyang nasa kalagitnaan ng kanyang pagbangon. Mahabang buntong hininga ang kumawala sa akin at sinundan iyon ng pagbagsak ng aking tensyonadong mga balikat.

Ligtas siya.

Halos ako'y mapatayo at agad tumungo sa kanya, ngunit naalala ko ang kanyang pagpigil. Sa halip ay pinanood ko na lamang siya sa marahan nyang pag-angat—ang maingat nyang pagkontrol sa kanyang nanunumbalik na lakas.

Sa ganap nyang pagtayo ay gumala ang kanyang mukha sa paligid—mayroong hinahagilap.

Hindi na ako magtatako kung bakit hindi nya ako kaagad natagpuan, dahil ang aking pagliwanag ay tuluyan na ring naglaho. Ako'y nagbalik na sa normal, ang aking buhok at basang kasuotan ay mahigpit sa aking balat. Bagaman tuluyan nang tumila ang ulan, iniwan pa rin nitong basa ang kagubatan. Ang mga dahon ay mabigat sa nakabalot na tubig sa mga ito, samu't saring banayad na tunog ang nabubuo sa mga pagpatak mula sa basang mga dahon tungo sa malabnaw na putik sa lupa.

Malamlam ang paligid at hindi ko na kailangan ng matinding liwanag upang akin itong mausisa.

Ilang metro sa aking kanan, ang kanina'y nag-aalab na mga sanga ay tanging umuusok na lamang. Labis-labis ang pagkawasak nito kumpara sa una kong inakala, at malaking bahagi ay naging maitim na uling na lamang.

LUMINOUS (Fantasy Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon