Chapter 68

5.9K 82 3
                                    

Kiel's POV Part 5

Kinabukasan ay tinanghali ako ng gising. Napabalikwas ako ng bangon nang makita ko na mataas na ang araw.

Mabilis akong nagtungo sa banyo saka na ako nagshower.

Matapos akong makapagbihis ay bumaba kaagad ako bitbit ang mga gamit ko sa pag-aakalang wala na si Tita Rina dahil may trabaho ito.

Nakababa na ako sa hagdan nang bigla siyang sumulpot galing sa kusina. Nagulat pa siya dahil nakabihis na ako at bitbit ko na ang dufflebag sa kanang kamay ko.

"Nagmamadali ka ba?" tanong niya.

Nang hindi ako sumagot ay dinugtungan niya iyon. "Kumain ka muna bago ka bumiyahe. Hindi ka kumain kagabi. Wag mong pabayaan ang sarili mo Kiel."

"Wag po kayong mag-alala. Hindi na ako masyadong sakitin ngayon. Di tulad noon na palagi na lamang akong nasa ospital." malumanay na sagot ko.

Binitawan ko sa gilid ng hagdan ang bag ko saka ako sumunod kay Tita Rina sa kusina.

Pagkapasok ko pa lamang ay naamoy ko na kaagad ang napakabangong niluluto niya. Bigla tuloy akong nakaramdam ng gutom.

Kaya nang maghain siya ng pagkain sa harapan ko ay gutom na gutom akong kumain. Sinabayan naman niya ako ngunit sa buong durasyon ng pagkain namin ay nakangiti lamang siya habang pinagmamasdan ako.

Beef steak at ginataang gulay ang inihanda niya. Pareho kong paborito iyon kaya iyon ang palagi niyang niluluto noong maliit pa ako.

Hindi ko tuloy maiwasan na hindi muling isipin ang nakaraan. Ngunit hindi kagaya kagabi ay magagandang alaala ang namayani sa isipan ko.

Mga alaala na magkasama kami ng babaeng nasa harapan ko ngayon.

Napahinto ako sa akma kong pagsubo nang makita ko ang masayang anyo ni Tita Rina habang pinagmamasdan niya ako.

"May problema po ba sa mukha ko?" painosenteng tanong ko.

Umiling naman siya habang nakangiti pa rin. "Wala. Hindi lang ako makapaniwala na kasama kita ngayon."

Hindi ko na lamang pinansin ang sinabi niya. Nagpatuloy na ako sa pagkain at nang makapagpahinga ako ay nagpaalam na ako sa kanya.

Sinabi ko na lamang na may importanteng dinaanan ako malapit dito sa lugar nila kaya ako napadaan.

Hindi ko na binanggit pa na hinahanap ko si Renz. Sigurado ako na sa mga sandaling ito ay wala pa siyang kaalam-alam sa mga nangyari sa bahay at hindi rin niya alam kung nasaan ang anak niya.

Nakalabas na kami sa gate nang muli niya akong tawagin. "Kiel!"

Napahinto naman ako sa paglalakad saka ako muling lumingon sa kanya.

"Pwede ba kitang mayakap kahit sandali lang?" nahihiyang sabi niya.

Bahagya naman akong ngumiti saka ako lumapit sa kanya. Ako na mismo ang yumakap at siya naman ay gumanti ng napakahigpit na yakap.

Nakadama ako ng kaunting saya dahil sa nakalipas na maraming taon ay ngayon ko lang muling nakayakap si Tita Rina.

Nang kumalas siya ay inabot niya ang mukha ko saka niya ako ginawaran ng isang masuyong halik sa pisngi.

Nagtataka man ako sa mga ikinikilos niya ay binalewala ko na lang ang mga iyon.

"Mag-iingat ka sa pagmamaneho." paalala pa niya.

Niyari ni Addy Series #1 - FlickerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon