Chapter 19

1.7K 124 16
                                    

Judgments


Maya't maya ang naging pagsulyap ko kay Tadeo sa tuwing lumuluwag ang kalsada at may pagkakataon ako. At sa bawat sulyap na ginagawa ko ay palala lang nang palala ang nakikita kong pagpapawis sa noo niya kahit na malamig naman sa loob ng sasakyan. Maging ang ilang beses niyang paglunok at pagpikit ng mariin ay nasundan ko rin ng tingin.

Naging ganoon ang gawain ko sa loob ng buong biyahe na hindi ko na madetermina kung mabilis pa ba o mabagal dahil ang tanging laman na lang ng isip ko ay ang lagay ni Tadeo. Isang malalim na hininga ang hinugot ko matapos ay marahang pinakawalan matapos apakan ang preno ng sasakyan nang sa wakas ay narating na namin ang destinasyon naming dalawa.

Rinig na rinig ko ang pagbuntong-hininga ni Tadeo at kahit na hindi ko siya tingnan, ramdam na ramdam ko ang kaba niya. Ayoko mang maramdaman din ang bagay na iyon, hindi ko maiwasan dahil ito ang unang pagkakataon na muli siyang haharap sa maraming tao. Gawin ko man normal ang akto ko, natutuliro pa rin ako.

"Kaya mo ba?" nag-aalalang tanong ko sa kaniya.

"Kaya ko ba?" malayo ang tingin na tanong niya sa akin. O mas tamang sabihin na tanong niya sa sarili niya.

Humugot ako ng isang malalim na hininga matapos ay lumabas na sa sasakyan. Nilubos ko ang oras sa ginawa kong paglalakad palapit sa lugar niya para mabigyan ng oras ang pag-iisip ni Tadeo at pagpapalakas niya ng loob sa sarili niya.

Nang malapit na ako sa pintuan ng backseat ay siya namang pagdating ng estrangherong lalaking pormal ang pananamit. Isang tipikal na amerikana na siyang madalas na ginagamit ng mga kalalakihan tuwing pumapasok sa opisina.

Kaginhawaan ang nababasa ko sa mukha niya habang pasimpleng tinatanaw ang tinted na salamin ng sasakyan kung nasaan banda si Tadeo. Maski ang pansinin ako ay hindi na niya nagawa dahil nakatuon na ang atensyon niya sa loob. Nakita ko ang ginawa niyang pagtaas ng kamay upang sana ay katukin ang bintana subalit nauna na ang pagbukas ng pinto na iyon.

Ang mabigat na awra ni Tadeo ang una kong napansin bunsod ng pagkakayuko niya at ang pamumutla ng mukha. Magkahawak ang dalawang kamay niya sa harapan niya at mahigpit na pinipisil ng kanan ang kaliwa na para bang sa ganoong paraan niya hinahanapan nang pagkalma ang sarili.

"Tadeo..." nag-aalalang tawag ko sa kaniya.

"Good to finally see you here, Sir," magalang na pagbati ng lalaking kababakasan ng tuwa sa mukha nang sa wakas ay makita na ang lalaki.

Malalim siyang bumuntong-hininga at inihilamos ang dalawang kamay sa mukha. Mahina niya pang tinampal ang dalawa niyang pisngi at ilang ulit na ginawa iyon bago kami tuluyang hinarap ngunit ang tuluyang itago ang kaba ay hindi niya napagtagumpayan.

"Is everyone there, Daniel?" halata ang kaba na tanong niya sa katabi ko.

"Yes, Sir. Walang labis, walang kulang. Ikaw na lang ang hinihintay ng lahat, Sir," imporma ng lalaki.

Tumango si Tadeo at kinuha iyong senyales ni Daniel para pangunahan ang paglalakad papasok sa loob. Sa pagtalikod ng itinuturing niyang kanang kamay ay siya ring pag-aayos niya sa pormal na damit na suot niya.

Tinuwid niya ang tuwid namang suit at pinagpag ang slacks na suot bagaman wala namang dumi roon. At ginawa niya ang lahat ng iyon gamit ang nanginginig niyang kamay na larawan ng kabang nararamdaman niya.

Hindi ako nakialam maski ang magsalita man lang. Nanatili akong nakatayo kalahating metro ang layo mula sa kaniya at sa ganoong distansya siya pinanood. Hindi ko alam kung ano ba ang tamang gawin para panatagin ang loob niya dahil maging ako ay balisa na rin.

A Manacled Patient (Rare Disorder Series #2)Where stories live. Discover now