"Ms. Junica?"

Saktong kasasarado ko lang ng zipper ng bag ko. Wala sa loob na bigla kong naabot ang malaking gunting sa ibabaw ng ref at mahigpit ko iyong hinawakan nang marinig ko ang boses ni Kristine mula sa likuran. Napalunok ako ng laway, tumagaktak na ang pawis sa noo ko at parang lalabas na mula sa dibdib ko ang puso ko dahil sa lakas ng kaba nito.

"Bakit ka nandito?"

Lumunok muna ako ng laway at mas lalong humigpit ang hawak ko sa gunting. Pinilit kong ngumiti bago humarap kay Kristine. "Oh, hi Kristine."

"Hi din... Anong ginagawa mo d'yan sa may ref?"

"Ah... Ano... Uhm, kinuha ko lang 'tong gunting kasi may kailangan akong gupitin sa kwarto ko," nauutal na sagot ko bago itinaas ang hawak kong gunting at pinakita sa kanya. Pinigilan ko ang panginginig ng kamay ko. Lalo na ang pangangatal ng mga labi ko. "O-Okay lang ba kung hihiramin ko 'to?"

Mula sa seryoso at nagtatakang mukha ay ngumiti na rin si Kristine. "Oo naman, siyempre okay lang."

Muli akong lumunok ng laway upang malunok ko rin ang kaba ko. Tumango ako sa kanya. "Ayun, sige... Salamat." Sabi ko bago nagsimulang maglakad palabas ng kusina.

"Ms. Junica."

Napahinto ulit ako sa paglalakad, suminghap bago lumingon kay Kristine. Ngumiti ako. "Ano 'yon?"

"Ibalik mo kaagad ha? Baka kasi hanapin 'yan ni Momnmy."

Kaagad akong tumango bago nagpatuloy sa paglalakad ng mas mabilis. 'Yung tipo na kung kaya ko lang liparin ang daan pabalik sa kwarto ay ginawa ko na. Nang makarating ako sa may pinto ng kwarto ko ay nataranta pa ako at nahirapan na ipasok ang susi. Nalaglag pa iyon ng ilang ulit at kailangan ko pang hampasin ang isang kamay ko matigil lang ang panginginig nito.

Habol ang hininga ko nang makapasok na ako sa loob. Halos manikip din ang dibdib ko dahil sa mabilis matinding kaba na nararamdaman ko. Kaagad kong isinarado at inilock ang pinto, tumigil pa ako sa likod nito at nakiramdam kung may sumunod ba sa akin na nasa labas ng kwarto ko... Pero mukhang wala naman dahil tahimik lang ang lahat.

Naglakad na ako palapit sa may lamesa kung nasaan ang laptop ko. Inalis ko na sa may likuran ang back pack ko at dahan-dahan iyong binuksan. Makailang beses yata akong napalunok ng laway at kumurap-kurap habang tinititigan ang putol na kamay na hawak ko.

Hindi pa rin ako makapaniwala. Totoo ang lahat ng sinabi ni Myra sa akin... Mga demonyo nga ang nakatira sa apartelle na 'to.

****

'Nasaan na kaya si Yana?'

Kanina pa ako inip na inip sa kinauupuan ko sa plaza kung saan kami dapat magkikita ni Yana para sa sinasabi niya na dinner namin pero hanggang ngayon ay wala pa rin siya. Sinubukan ko siyang tawagan pero hindi naman siya sumasagot kahit sa text man lang.

'Nasaan na ba kasi 'yun.' Naiinis na muling bulong ko. Iniwanan ko muna ang putol na kamay ni Carla sa loob ng mini ref ko. Oo, sigurado ako na kamay 'yun ni Carla at ayokong dalhin iyon sa kung saan ako pupunta. Gusto kong makausap muna si Yana para maipakita ito sa kanya. Kailangan kong makahanap ng ibang taao na pwedeng makatulong sa akin para iligtas sina Myra at Tony mula sa kapahamakan na gusto nilang takasan. Kung bakit naman kasi napakahirap hagilapin ni Ivan sa mga ganitong klase ng pagkakataon.

'Bahala na nga... Hahanapin ko na lang siya at baka na-lowbat lang 'yun.' Tumayo na ako at nagsimulang maglakad. Iikutin ko na lang 'tong plaza at baka magkasalubong pa kami ni Yana.

Nagsimula na akong maglakad-lakad, inuna kong puntahan ang mga kainan na narinig kong binaggit noon ni Yan. Wala siya doon. Pinuntahan ko rin ang mga pamilihan na sinasabi niyang dadaanan namin, wala din siya doon.

May mahigit sampung pinuto na akong mabilis na naglalakad., nakakapagod pero ayokong tumigil. Mabilis din kasi ang takbo ng oras at wala akong dapat na sayangin kahit isang minute lang.

"Hi Ms. Junica!"

Napahinto ako sa biglang pagulpot ni Kristine sa harapan ko. Malapad ang ngiti sa mg labi niya at diretsong nakatingin sa mga mata ko. "H-Hi Kristine."

"Nandito ka rin pala sa plaza, may kasama ka ba? Gusto mo samahan kitang maglibot dito? Marami akong alam na pwedeng pasyalan na mga espesyal na lugar," aniya. Nakakatakot ang mga ngiti niya. Hindi ko maintindihan pero may kilabot na hatid sa akin. O dahil alam ko nang totoong baliw siya?

"Uhm... May kasama ako, si Yana," kaagad na sagot ko. Ayoko na kasing pahabain pa ang pag-uusap namin dahil baka mahalata niyang hindi na ako komporatble na kaharap siya.

"Ah, 'yung vlogger?"

"Oo, siya nga."

"Alam mo, gustung-gusto ni Lola 'yun eh. Kwela kasi kausap saka... Maganda 'yung mga kamay niya. Parang mga kamay mo rin."

Pinigilan kong pumait ang reaksyon ng mukha ko dahil sa sinabi niya. Naalala ko kasi ang kwento ni Yana dati, na gustung-gusto rin ni Lola Harlie ang mga kamay niya. Naglaway pa raw no'n ang matanda habang hawak ang mga kamay niya... Gano'n na gano'n ang hitsura ni Lola Harlie noong bago mawala si Carla. "Sige, Kristine... mauna na muna ako. Baka kasi kanina pa naghihintay si Yana sa akin."

"Okay sige."

Ramdam ko ang nakasunod niyang mga tingin nang magsimula na akong maglakad palayo sa kanya. Alam ko na dapat tumawag na ako ng pulis o pumunta sa barangay, pero paano ko malalaman kung hindi sila kakamapi nina Kristine? Paano ko masisigurado na hindi mababaligtad ang sitwasyon? Sarili ko lang ang pwede kong asahan sa ngayon... Sarili ko lang at alinman kayna Yana at Ivan.

'Ayun si Yana!' sambit ko nang makita ko si Yana na nakatigil sa may harap ng simbahan, hawak ang kanyang kamera na nakaharap sa kanya at nakangiti siyang nagsasalita na parang nagku-kwento. Mas binilisan ko ang lakad ko palapit sa kanya.

"Uy, yana! Kanina pa kita hinahanap," sabi ko. Nakita ko ang pagkagulat sa mukha niya at pagbaba niya ng hawak niya na kamera.

"J-Junica..."

""Bakit hindi ka nagre-reply sa mga text ko?" Medyo inis nang tanong ko. Pasimple akong nagpapalinga-linga para tingnan kung nasa paligid lang ba si Kristine o alinman sa pamilya nila ng mga baliw.

" S-Sorry, ano kasi... Naubusan kasi ako ng load."

Napabuga ako ng hangin. Kahit paano kasi ay alam ko na ngayon na walang nangyaring kahit na anong masama sa kanya. "Halika, may ipapakita ako sa 'yo. May gusto akong malaman –"

"Ano ba?! Bitawan mo nga ako!"

Medyo nagulat ako sa biglang pagtaas ng boses niya at malakas na pagbawi ng kamay niya mula sa akin. Umatras din siya at para bang iwas na iwas sa akin. "Uy? Anong problema mo, Yana? Okay ka lang ba?"

"O-oo... Sorry ano lang... Uhmm. May iba kasi akong kailangan puntahan ngayon..." Malikot ang tingin ng mga mata ni Yana. Bakas ang takot sa kanya na pilit niyang tinatago sa akin.

"Pero may kailangan nga akong ipakita sa 'yo!" giit ko. Kung bakit kasi hindi ko pa nilagay sa backpack na dala ko ang putol na kamay ni Carla. "Yana –"

"Sabi nang h'wag mo akong lalapitan eh!" halos sigaw niya bago muling napaatras.

Ramdam kong nakukuha na namin ang atensyon ng ibang tao dito sa plaza.

"S-Sige na Junica, sorry but I have to go. Text na lang kita kapag nakapag-charge na ako. Bye!" Wala na siyang sumunod na sinabi bago tumalikod at naglakad palayo sa akin. Mabilis ang mga lakad niya na para bang gusto niyang makalayo kaaagad sa akin.

Naiwan akong nakatulala sa kanya na nilamon na ng dilim. Sino na bang dapat kong kausapin at puntahan ngayon? Dapat na ba akong magpunta sa mga pulis? Paano ako makakabalik sa lungga ng mga baliw kung malaki ang posibilidad na may naghihintay na panganib sa akin? Paano ko ba matatakasan ang kamatayan na ito?

Recursionحيث تعيش القصص. اكتشف الآن