CHAPTER 18

2K 123 6
                                    

NAKANGITING pinanood niya ang mag-asawang palabas ng restaurant. Bagay na bagay ang mga ito at nakikita niyang mahal na mahal nila ang isa't isa.

Kanina pa sila nakatambay ng kapatid ng kanyang asawa roon sa restaurant kasama ang mga anak nito nang sunduin ito ni Mason.

Naalala pa niya noong una niyang makita ang asawa ni Niccola ay natulala siya rito. Iyon ang unang beses niyang makakita sa personal ng isang foreigner na may ganoong klaseng kulay ng mga mata. Kabaliktaran ni Niccola si Mason na palaging seryoso ang mukha at tahimik lang kadalasan.

Kinagigiliwan din niya ang dalawang anak ng mag-asawang Clarkson na sina Viviane and Stefan. Malapit na sa kanyang puso ang dalawang bata na parehong nakuha ang mga mata sa ama ng mga ito.

Natapos ang kanyang pag-iisip nang maramdaman ang paghila ni Maddie sa ilang hibla ng kanyang buhok.

"Pagod ka na ba?" tanong niya nang makitang hinihingal ito. Natural lang na hingalin ang may karamdaman katulad ng VSD, kagaya ni Maddie.

Ipinagpapasalamat nga niyang nadagdagan ang timbang nito simula nang manirahan sila sa bahay ng mga Villarama. Marahil ay dahil may sapat itong kinakain at nakakainom ng gatas mula sa kapatid ng kanyang asawa.

"Anong problema ha? Nauuhaw ka?" Kinuha niya ang feeding bottle nito at pinainom ito ng tubig.

Bigla ang pag-angat ng kanyang paningin nang marinig ang pagtikhim ng kung sino man sa kanyang harapan. Nang makita ang mga dating katrabaho na nakatayo roon ay nginitian niya ang dalawa na may alangang ngiti sa mga mukha.

"Kumusta?" aniya habang nakatingala sa mga ito. "Upo kayo, Belinda, Lovely..."

Ramdam niya ang alangan ng dalawa, na marahil ay nagdadalawang-isip kung uupo. Tumikhim si Lovely bago nagsalita. "Gusto lang naming humingi ng tawad tungkol doon kay... Fernan... At sa mga sinabi namin dati tungkol sa 'yo."

Hindi nawala ang ngiti sa kanyang mga labi habang nakatingin sa dalawa. "Wala na 'yon. Matagal na naman 'yon, limot ko na at hindi naman ako nagtanim ng galit sa inyo," kanyang sagot sa mga ito. Totoong wala siyang naramdamang galit kahit kaunti lang.

Tila nakahinga naman ng maluwag ang dalawa sa kanyang naging tugon.

"Salamat din, River, dahil sinabi mo kay sir na 'wag kaming sesantihin. Maraming salamat talaga."

Tinanguan niya ang dalawa nang magpaalam ang mga ito. Hindi niya alam kung bakit alam ng mga itong kinausap niya si Lucas noong mga panahong nangyari ang aksidenteng paglalasing sa kanya ng kanyang katrabaho at nagbalak na gawan siya ng masama.

Napigil niya ang akmang pagpapakawala ng isang malalim na buntung-hininga ng isang hindi pamilyar na babae naman ang lumapit sa kanyang lamesa. Umawang ang kanyang mga labi nang makita ang kabuuan nito. Napakaganda nito, maputi at matangkad, lalo lang pinatangkad ng suot na sapatos. Isa marahil itong modelo dahil sa maganda nitong tindig at lakad.

"Hi?" anito nang tuluyang makalapit.

"H-hello," sagot niya sa mahinang tinig. Halos hindi lumabas ang mga salitang iyon sa kanyang bibig.

"Puwede bang umupo?"

Wala sa loob na itinango ang ulo. Umupo ang babae sa kanyang tapat kasabay nang paglalahad nito ng kamay sa kanya.

"I'm, Roxanne, I'm Lucas' friend. You're his wife, right?" saad nito at sinulyapan ang batang nasa kanyang bisig.

Nahimasmasan siya nang marinig ang pangalan ng kanyang asawa mula sa bibig ng babae. Hindi niya alam kung bakit tila bumaba ang enerhiya sa kanyang katawan dahil sa narinig.

Damsel In Distress (Sanford Series #4) [COMPLETED]Where stories live. Discover now