Epilogue

7.8K 287 33
                                    

Naging kami na ba ni Blue? Hindi pa, pero malapit na. Pero sa ngayon, kailangan niya munang magpakitang gilas kay tatay. Kaya naman tuwing Sabado ay nasa talyer siya at nagpa-part time.

Bigla naman nagbago ang isip ni tatay no'ng nalaman niya ang istorya namin ni Blue at ang kanyang matagal na lihim na pagtingin para sa akin. Kaya naman, sa halip na pagtuntong ko pa ng eighteen kung kailan puwede na akong magka-boyfriend, binago niya ang kanyang patakaran.

Puwede na akong magka-boyfriend... kapag seventeen na ako. Patawa lang si tatay, eh. Pero tinanggap naman ni Blue ang desisyon ni Tatay. Kaya hayun, nadagdagan ang pogi points ni Blue kay Tatay.

Si Tatay naman, akalain n'yo 'yon, niligawan nga si Ms. Reynoso! Pero bagay naman pala sila. At alam kong approve naman si Nanay sa bagong love life ni Tatay. Pero siyempre, nasa puso pa rin namin si Nanay.

"Sigurado ka bang kaya mong maghintay hanggang maging seventeen ako?" natanong ko kay Blue isang araw. Nasa play ground kami. Nakaupo ako sa swing at nasa likod ko naman siya, tinutulak ang swing.

"Nakaya ko ngang maghintay ng apat na taon, eh. Isang taon na lang, hindi ko pa kakayanin? Huwag ka kasing masyadong mainip. Alam kong excited ka nang sagutin kita."

"Ano ka riyan?! Hindi ako excited, 'no! Baka kasi ikaw itong may magustuhang iba sa loob ng isang taon."

"Ako'y sa 'yo at ika'y akin lamang..."

"Eh, sa kanta naman 'yan, eh!"

"'Yun nga. 'Yun ang sagot ko sa sinabi mo."

Marami pa ngang puwedeng mangyari sa loob ng isang taon. Baka nga magkagusto siya sa iba. Puwede rin namang biglang mawala ang nararamdaman niya pa ra sa akin. Pero para sa akin, alam kong mahal ko na siya.

"Blue, mangako tayo sa isa't isa..."

Itinigil ni Blue ang pagtulak sa swing at tumabi sa akin. "Mangako?"

"Oo. Mangako tayo sa isa't isa na maghihintay tayo hanggang sa puwede na maging tayo..."

Hinawakan niya ang magkabilang pisngi ko. "Nangangako ako na hihintayin kong puwede na maging tayo. At nangangako ako na habang naghihintay ako, ikaw lang ang laman ng puso ko."

Natuwa ang puso ko sa sinabi niya. Alam kong maghihinatay siya hanggang puwede na. Pero sa tingin ko, baka mapapaaga ang pagsagot ko sa kanya. Paano kasi, botong-boto sa kanya si tatay.

Talaga palang nagkagusto siya sa akin no'ng kulot pa ako at puno pa ng tigyawat sa mukha. Hindi naman pala nababatay ang pag-ibig sa panlabas na anyo ng isang tao, eh. Basta mahal ka niya, kahit gaano pa karami ang peklat mo sa tuhod, kahit kasing-itim mo pa ang uling, walang kaso sa kanya iyon. Mapadyosa man ang lebel ng kagandahan mo o hindi, hindi na mahalaga iyon. Mahal ka niya ng lubos, eh. Added bonus na lang ang pisikal na anyo.

Natutunan ko iyon kay Blue.

Pero siyempre, may gusto pa rin akong marinig mula sa bibig niya... "Blue... totoo ba ang sinabi ni Pinkie na nagagandahan ka sa akin kahit noon pa? Maganda ba ako?"

Napakababaw ba ng tanong ko? Medyo, pero curious ako sa kung ano ang isasagot niya.

"Kath, inner beauty ang mahalaga—inner beauty."

Hinampas ko nga siya sa may braso. Inner beauty pala, ha.

Bago ko pa siya mahampas muli, ikinulong niya ang dalawang kamay ko sa mga palad niya at inilapit sa labi niya. "Biro lang. Pero alam mo naman, 'di ba, na sa paningin ko ay ikaw ang pinakamaganda?"

—The End—

***

Kung nagustuhan po ninyo ang aking akda, sana po ay masuportahan po ninyo ako by buying me a coffee at:

https://ko-fi.com/maxinelaurel.

Maraming salamat! ♥

xoxo
MaxineLaurel ♥

Dyosa ng mga PangetTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon