Chapter Thirteen

5.7K 225 3
                                    

1 day before Valentine's day

Isang araw na lang bago mag-JS prom, saka pa ako dinapuan ng kamalasan. Pinilit kong tanggalin ang mga bubble gum na nakadikit sa buhok ko, kaso nakadikit ito na parang glue.

"Lagyan natin ng gaas, bestie. Baka makatulong ito para matanggal ang mga bubble gum," suhestyon ni Pinkie.

Pero kung lalagyan ko ito ng gaas, hindi kaya mangamoy gaas ang buhok ko hanggang bukas?

Kaninang hapon kasi, dumaan muna ako sa may CR bago umuwi. Palabas na ako nang hinarang ako ng Althea's minion minus Althea. Kung ano-ano ang pinagbibintang no'ng isang minion sa akin, sabay dutdot pa ng daliri.

"Mang-aagaw! Malandi! Flirt! Feeling maganda! Akala mo kung sino ka! Wala ka sa kalingkingan ni Althea!"

Napaatras nalang ako habang dutdot siya ng dutdot ng daliri sabay talsik pa ng laway niya sa mukha ko.

Iyon pala dini-distract lang pala niya ako kasi 'yong natitirang mga minion nilalagyan na pala ng mga bubble gum ang buhok ko.

Napansin ko na lamang ang mga bubble gum sa buhok ko nang pinuntahan ko na si Pinkie.

Kaya heto ako ngayon, namomoblema kung papaano matanggal ang mga bubble gum na ito.

"Kung magpakalbo ka lang kaya, bestie?" Naiyak ako sa suggestion ni Pinkie. "Puwede ka naman magsuot ng wig."

Ano na gagawin ko?

Bigla akong pinigilan ni Pinkie sa paglalakad. May itinuro siyang isang parlor. "Try natin dito bestie. Baka may magagawa sila."

Sumunod na lamang ako kay Pinkie sa loob. Walang customer maliban sa isang babaeng nagpapagupit. Teka, namumukhaan ko ang babaeng iyon, ah.

"Ms. Reynoso?"

Humarap naman sa akin ang babae at tama nga ako—si Ms. Reynoso nga ang nakaupo sa isang bakanteng upuan. "O, Ms. Espinosa, magpapa-beauty treatment ka para bukas?" biro ni ma'am.

Sasagot na sana ako pero as usual, nag-ala reporter na naman si Pinkie. "Naku ma'am hindi po! Magpapakalbo po kasi si bestie kasi nalagyan ng maraming bubble gum 'yung buhok niya."

"Naku! Ano'ng nangyari sa buhok mo?" may pagka-exaggerated na tanong ng bading na gumugupit sa buhok ni Ms. Reynoso.

At hayun, nagsimula nang magkuwento si bestie, habang ako naman ay nakaupo lamang sa tapat ng salamin na malaki.

Napailing na lamang si ma'am. "I can't believe those girls would do such thing to you!"

At sumangayon naman si Ate Shawi, ang bading na nag-aayos sa buhok ni Ms. Reynoso. "If I know, na Ge-gelli de Belen lang ang mga 'yon sa 'yo! Tama na ang crayola, aketch na ang bahala sa 'yo."

Sa totoo lang, wala akong naintindihan sa mga sinabi niya.

"Teka lang... ikaw ba ang junakis ni Maria Theresa Espinosa?" tanong ni Ate Shawi.

Hindi ko pa rin naintindihan si ate. Taga planetang Earth ba talaga siya? Pero nang narinig ko ang pangalan ni mama... "Nanay ko po si Maria Theresa."

Biglang lumundag si Ate Shawi at nagtitili. "Ay! Brenda! Anditey ang junakis ni Tere!"

May isa pang baklang lumabas mula sa loob ng maliit na silid at lumapit sa akin? "Weh, pag sure oi." Tapos may binanggit siyang chaka at feslak. May sinabi pa siyang "bati" at "nawung" na sinundan pa ng pangalan ni nanay.

Naku, wala na talaga akong maintindihan! Nag-iba uli sila ng lengwahe? Minumura na kaya ako nina Ate Shawi at Ate Brenda?

Humarap sa akin si Ate Shawi. "Mahilig mag-joke 'yang si Brenda, kaya huwag kang makinig sa mga sinasabi niya."

Umiling lamang ako. "Wala naman po kasi akong naintidihan sa mga sinasabi po ninyo, eh. Pero kilala niyo po si nanay?"

Nilagyan ako ni Ate Brenda ng itim na tela sa may dibdib. "Oo. Kilala namin ang mudra mo. Kami ni Shawi ang make-up artists niya sa mga pageant dati." Tumingin ito kay Ate Shawi. "Anong gupit?"

Tinignan ni Ate Shawi ang buhok ko, umikot-ikot pa sa akin na akala mo ay isa akong bagay na idi-disenyo niya. "Tanggalin ang bubble gum at i-rebond ang hair!"

Rebond? Hindi ba mahal iyon? "Naku po! Gupit lang ang kaya kong bayaran! Hindi kaya ng budget ko ang rebond!"

"Ano ka ba, ako na bahala. Ano pa at naging friends kami ng nanay mo kung hindi man lang namin matulungan ang anak niya." Pumunta sa counter si Ate Shawi at may kinuhang mga gamit. "Isa pa, sabi ng friend mo, JS n'yo bukas. Kaya pagagandahin ka namin para bukas!"

Ngumiti naman si Ms. Reynoso sa tabi ko. "Don't worry. Magagaling sila."

Sinimulan na nilang ayusin ang buhok ko. At nagsimula na namang magsalita sina Ate Shawi at Ate Brenda sa kanilang sariling lengwahe o dialect. Sa tingin ko ay nag-bibisaya si Ate Brenda (pero hindi ako sigurado) samantalang si ate Shawi naman ay... French?

Halos wala akong maintindi sa kanila kundi ang mga salitang Tom Jones, Debbie Gibson, at Zsa Zsa Padilla.

Hinayaan ko na lamang na ayusan nila ako. Tahimik lamang ako habang full sa concentration si Ate Brenda sa pagpahid ng kung ano-anong cream sa buhok ko, blow dry at plantsa. Ito pala ang plantsa. Akala ko kasi, 'yung plantsa na tulad sa damit. Kaya pala nasunog ang buhok ko last year.

Nang natapos na sila, saka nila ako pinaharap sa salamin. At nang nakita ko ang sarili ko sa salamin, napasinghap ako.

Katabi ko si bestie at sabay kaming napa "wow."

#DyosaNgMgaPanget

Dyosa ng mga PangetWhere stories live. Discover now