"Ha? Bakit?"

"Sabay na tayong umuwi. May... may gusto akong sabihin sa 'yo."

Gusto niya akong makasabay umuwi? Ano kaya ang sasabihin niya? Isa lang ang paraan para malaman ko ang mga kasagutan. "Uhm, sige..."

Ngumiti siya sa akin. "Tara, hatid kita sa classroom mo."

At sa pangalawang pagkakataon ay sinamahan niya ako papuntang classroom.

***

"Uy, pare magsilikas na tayo!"

"Bakit pare?"

"Ayan na, sasabog na ang Pinatubo sa mukha ni Kath!"

Hay naku, pinuntirya na naman ng mga ugok kong lalaking classmates ang pimples ko. Napaka-lame pa ng joke. Wala ba silang alam na ibang bulkan sa Pinas? Gasgas na ang Pinatubo, eh. Wala talaga silang magawa sa buhay.

Nasa loob kami ng guidance counselor's office para sa annual interview kasama pa, siyempre, ng guidance counselor. By three's kasi ang punta kaya kaming tatlo nina boy one at boy two ang nag-aabang sa labas.

Hindi na ako nakasagot sa kanila dahil nasa harapan ko na pala si ma'am.

"Ms. Espinosa, pumasok ka na sa office ko." Sumunod ako kay ma'am at iniwan ang dalawang bugok kong kaklase.

Pagpaposk ko sa opisina ni ma'am, namangha ako sa aking nakita. Kulay yellow ang motif ng silid ni ma'am. Maaliwalas sa loob na animo'y may sariling sun si ma'am. Parang napakagaan ng pakiramdam—iyon ang epekto sa akin ng silid ni Ms. Reynoso.

Maganda si ma'am, pero single pa rin hanggang ngayon. Ang sabi ng mga chismosa sa paligid, kaya raw single si ma'am ay dahil hinihintay pa rin daw nito ang kanyang first love.

Umupo naman si Ms. Reynoso sa may mahabang sofa. "Maupo ka na rin."

Sinunod ko naman ang sinabi niya at naupo sa kabilang maliit na sofa.

"Good Morning," ang bati pa ni ma'am. "Napansin ko na mukhang madalas kang tuksuhin ng mga classmates mo. Binu-bully ka ba nila?"

"Naku ma'am. Hindi naman sa binu-bully nila ako. Pero nasanay na rin ako sa mga panunukso nila sa akin. Hindi rin naman ako nagpapaapekto sa mga sinasabi nila."

"And why is that?"

"Kasi po ma'am kabilinbilinan ni nanay na 'wag ko na raw po patulan 'yung mga ganyang panunukso sa akin."

Nalala ko pa ang sabi ni nanay dati. "Anak, lagi mong tatandaan, we are all created in the image and likeness of God. God is beautiful, and so are you..."

"Kaya po dedma na lang ako sa mga sinasabi nila," dagdag ko pa.

Napangiti naman si Ms. Reynosa. "Hanga ako sa iyo at sa mga itinuro ng nanay mo. May tanong lang ako, ano. Pero sana ay huwag mo itong mamasamain, ha?"

"Sige po ma'am. Ano po iyon?"

"Ano bang facial wash ang ginagamit mo sa mukha?"

Facial wash? "Naku ma'am. Sabon at tubig lang po ito."

"Hmm... Naisip ko lang, baka masyadong harsh o matapang ang sabon para sa mukha mo. Kasi ang balat sa mukha natin ay mas sensitibo kumpara sa ibang bahagi ng katawan."

May degree ba sa pagiging dermatologist si ma'am? "Ganoon po ba?"

"Teka, may ibibigay ako sa 'yo." May idinukot si ma'am sa loob ng bag niya at inabot ito sa akin. "Subukan mo itong facial wash."

Tinanggap ko naman ang bigay niya. "Para saan po ito?"

"Para sa mukha. Iyan ang gamitin mo kaysa sa sabon. Subukan mo lang kung hiyang sa 'yo. Baka makatulong 'yan para hindi gaanong dumami ang pimples sa mukha mo."

"Talagang may bitbit kayong facial wash sa bag?"

"Hindi. Binili ko 'yan kanina pero sa 'yo na lang."

"Salamat po, pero bakit n'yo naman po ako tinutulungan ng ganito."

Napangiti si Ms. Reynoso at sa ekspresyon ng mukha niya ay para bang nagsimulang mag-day dreaming si ma'am. "May naaalala kasi ako sa 'yo."

"Talaga ho? Dyosa rin ho ba siya?"

"Dyosa?" Umiling si ma'am. "Kaklase ko siya sa elementrary at high school. Dati kasi lagi ko siyang tinutukso. Tigyawat na tinubuan ng mukha, taong grasa, hari ng kadiliman, nognog... ilan lamang 'yan sa mga tawag ko sa kanya."

Pintasera rin pala itong si ma'am, ano?

"Pero ang totoo, may gusto ako sa kanya," dagdag pa ni ma'am. "Matagal na akong may gusto sa kanya, kaso hindi ko alam kung paano sasabihin sa kanya. Kaya para mapansin niya ako, idinadaan ko na lamang sa panunukso. Dumating kami ng fourth year high school, nag-ipon ako ng lakas para umamin sa kanya sa mga nararamdaman ko."

Ang cute naman ng lovestory ni ma'am! Siguro itong si tigyawat na tinubuan ng mukha ay ang first love niya.

Kaso bigla kong naalala si Blue at ang pang-aasar niya sa akin. Parang hindi ko ata ma-imagine si Blue may gusto sa akin. Yucks kaya! Pati ang pangalang namin kapag ipinagsama mo, Blue at Kath na magiging BlAth, ang sagwang pakinggan!

"Tapos po, ano'ng nangyari?" tanong ko.

Biglang naging malungkot ang mukha ni ma'am. "Natagpuan na pala niya ang true love niya. Nabalitaan ko na lang pala sila na ng pinakamagandang babae sa eskwelahan namin. Ngayon nga ay nakabuo na sila ng isang pamilya at may isang anak na rin sila."

Tragic pala ang ending. Ang lungkot naman. Hindi ko tuloy alam ang sasabihin ko. Papayuhan ko ba si ma'am ng 'okay lang po 'yan, marami namang ibang lalaki sa mundo' kung ako mismo ay walang masyadong alam sa larangan ng sawing pag-ibig?

"Pero nakaraan na iyon," biglang sabi ni ma'am. "At tuwing nakikita kita, natutuwa ako dahil parang siya ang nakikita ko sa 'yo."

So, parang sinasabi ni ma'am na isa akong tigyawat na tinubuan ng mukha?

"Anyway, sana ay subukan mo ang ibinigay ko sa 'yo," sabi ni Ms. Reynoso.

Tumango lamang ako.

Ngumiti naman si ma'am sa akin. "O, paano? Salamat sa pagbibigay oras para sa interview."

"Tapos na po? 'Yun lang 'yon?"

"Yes. I already have the answers that I need."

"Sige po, Thank you ma'am." Tumayo na ako at akmang lalabas na sana ng opisina niya nang bigla niyang tinawag ang pangalan ko.

"Ms. Espinosa, tandaan mo, huwag mong hahayaang bumaba ang tingin mo sa sarili mo dahil sa panunukso sa 'yo ng mga classmates mo."

"Opo ma'am." Tumalikod na ako ngunit muli niya akong tinawag.

"Oh, and Ms. Espinosa. Your father is very lucky to have you for a daughter."

At bago pa ako nakasagot ay yumuko na si ma'am at nagsimulang magsulat sa papel niya. Lumabas na lamang ako ng opisina at takang-taka kung bakit nasabi iyon ni ma'am. Kilala ba ni Ms. Reynoso si tatay? Hindi kaya ay...

Naku, si tatay! May secret admirer pala!

#DyosaNgMgaPanget

Dyosa ng mga PangetWhere stories live. Discover now