Bigla naman nabaling ang paningin ko sa kamay ni Red. "Teka, 'yan 'yung bigay ko kay Blue, ah. Ba't suot-suot mo?"

"Ha? Ah, eh..."

"Itong Blue talaga, kahit kailan hindi marunong mag-appreciate. Binigyan na nga ng regalo, ipinamigay pa sa iba." Makakatikim talaga sa akin iyang unggoy na 'yan.

"Huwag ka nang magalit sa kanya. Kasalanan ko naman kasi hiniram ko sa kanya. Hindi ko naman alam na ito pala ang regalo mo sa kanya."

Dahil sinabi ni Red, sige, palalampasin ko ang ginawa ni Blue. "Ganoon ba. Sige, walang kaso 'yon. Kapag napadaan ako uli sa mall, ibibili rin kita ng ganyan." Siyempre hindi ko puwedeng aminin na sa bangketa ko lang nabili ang bracelet, 'no.

Ngumiti lamang si Red. "Pareho pala kayo ng bracelet. Couple bracelet ba 'yan?"

Muntik na akong masuka sa sinabi niya. Couple? 'Di ba hindi puwedeng magsama ang dalawang magkaibang species? Against sa law of nature iyon! "Ikaw talaga Red. Palabiro ka talaga. Pero huwag mo ng uulitin 'yan ha. Last mo na 'yan."

"O, bakit? Bagay naman kayo, ah."

Ano ito? May balak bang maging bridge si Red upang mabuo ang tambalang Blue at Kath? At ano ang itatawag sa amin, BlAth? Ang pangit! Kung sabagay, pangit rin naman ang love team na RAth, pinagsamang Red at Kath. Pero, si Blue at ako?

"At saka hindi ba close kayo dati no'ng mga bata pa tayo?" dagdag pa nito.

Oo, masasabi kong close kami dati. Pero... "Lagi niya akong inaasar."

Umiling si Red. "Nagseselos kasi 'yon."

"Selos?"

"Naalala ko kasi dati, no'ng hindi ka na nakikipaglaro kay Blue, bigla niya akong inaway. Ang sabi pa niya inagaw ko raw ang best friend niya."

Namilog ang aking mga mata sa narinig. "Ako? Best friend ni Blue?"

"Mga bata pa kasi tayo noon. Eleven years old ka pa ata noon, twelve naman kami. Kaya inaasar ka niya kasi nagpapapansin lang sa 'yo 'yon."

Nagulat ako sa mga nalaman ko. Hindi ko alam na best friend pala ang tingin sa akin ni Blue dati. Tanda ko pa nga na madalas talaga siya ang kalaro ko dati. Tuwing nadadapa ako sa kakatakbo at iiyak ako, siya ang tumatahan sa akin. Naalala ko rin noong may batang lalaking umagaw sa hawak kong chichirya, inaway pa ito ni Blue para ibalik lang ang chichirya ko.

Hindi ko namalayan na napangiti na pala ako. May isa pang alaala na pilit lumalabas sa baul kong memorya. Ngunit kahit anong pilit ko ay hindi ko ito gaanong matandaan. Naalala kong nakahiga ako sa may damuhan habang nakaupo naman si Blue.

"Kath, mangako tayo sa isa't isa," ang sabi pa ni Blue.

Ano nga ba 'yong pinangako namin sa isa't isa?

"Paano Kath, hatid na kita sa classroom mo?" biglang sabi ni Red.

Tumingin ako sa wrist watch ko at saka ko napansin na malapit na palang magsimula ang klase.

"Sige." Sabay kaming umakyat ng building. At alam mo 'yon? 'Yung pakiramdam na lahat ng mga mata ay nakatitig sa 'yo at inggit na inggit sila dahil isang diyos ng kaguwapuhan ang katabi mo at hinahatid ka pa sa classroom mo?

Ganoon na ganoon ang nangyayari sa akin ngayon. Ang haba na nga ng hair ko, naging straight pa!

Nang nasa tapat na kami ng classroom ko, nagpaalam na si Red at pupunta na rin daw siya sa klase nila.

Nakaalis na si Red ay dinig na dinig ko pa rin ang mga bulung-bulungan ng mga tsismosa at inggitera kong mga classmates.

"Kita mo 'yon? Not feeling well ata si Red. Nakikipag-usap kasi sa isang anino, eh."

"Girl, baka ginayuma? Alam mo na, kapag desperada..."

"Baka naman tinutukan niya ng patalim si Red?"

"Hindi. Siguro binantaan niyang ibabarang si Red kung hindi siya sasamahan..."

Sa totoo lang, hindi ko talaga sila gets kung bakit lagi nila akong inaaway o nilalait. Buong buhay ko, wala akong ibang taong pinintasan maliban kay Blue. Exception siya siyempre kasi masarap din siyang asarin kung minsan. Pero sila?

Hindi ko na lamang sila pinansin. Sa halip ay lumapit ako kay Pinkie.

Bakas sa mukha ni Pinkie ang pagtataka. "Bakit kasama mo si..."

"Si Red? Kasi may DATE kami kanina." Nilakasan ko ang boses ko sa salitang date. Pang-inis lang ba sa mga mapanlait kong classmates.

Kumunot ang noo ni Pinkie. Ngunit hindi ko na siya pinansin dahil nagsimula na akong mag-daydreaming.

Magkano kaya ang magpalit ng pangalan? Parang gusto kong ipalit ang pangalan ko at gawing Orange. Para naman Red-Orange na ang tawag sa love team namin. At ang mga anak namin, ipapangalan ko sa kanila ang lahat ng kulay sa color wheel. Ilan nga ba ang kulay sa color wheel?

#DyosaNgMgaPanget

Dyosa ng mga PangetМесто, где живут истории. Откройте их для себя