Gustuhin man ni River na bumalik sa probinsiya ay hindi niya magawa dahil sa pangangailangang medikal ng kanyang kapatid. Mas gusto niya ang tahimik na buhay, ngunit wala silang magagawa kung 'di ang manatili roon.

Isang pagkalalim lalim na buntung-hininga ang kanyang pinakawalan at inayos ang pagkakapusod ng mahabang buhok na abot sa kanyang puwet ang haba. Hindi niya magawang ipaputol iyon dahil gustong-gusto iyon nang kanyang ina noong nabubuhay pa ito.

Kinuha niya ang saucer na may lamang mga pagkain at dinala sa isang partikular na mesa. Isang ngiti ang sumilay sa mga labi ng babae habang inilalapag niya ang mga pagkain sa ibabaw ng mesa. "Thank you."

Ibinalik ni River ang ngiti rito at hindi maiwasang pagmasdan ito. Napakakinis at puti niya na para bang isang prinsesa na nakita niya sa mga Disney movies. Para silang kape at gatas kung ihahambing, malayong malayo ang kanyang morenang balat dito.

Napakapayapa rin ng mukha at kahit na nakakaintimidate ang ganda nito ay palakaibigan ang ngiti at ang kislap sa mga mata.

"Sit properly, Germany and France, we'll eat na." Nilangkapan nito ng authority ang boses ngunit malambot pa rin sa kanyang pandinig. Agad namang tumalima ang dalawang batang kasama nito at umayos ng upo.

Bahagyang yumuko si River at iniwan na ang tatlo na nagsimulang kumain. Sandaling sinulyapan niya ang mga ito at malungkot na napangiti nang mapagmasdan ang dalawang bata. Ang sisigla ng mga ito at masiyahin. She wish that Maddie would be like them when she grows up. Sana ay magagawa nito ang mga nagagawa ng mga normal na bata.

Parang tinangay ng hangin ang lungkot ng dalaga nang makita ang lalaking lumapit sa tatlo. Hinalikan nito sa noo ang magandang babae na may palakaibigang ngiti. Umupo at kinandong ang isang bata na tuwang-tuwa na makita ito.

Napakaganda talaga ng ngiti ng kanyang boss, kahit bata mabibighani sa mga ngiting iyon. Nanalantay marahil sa dugo ng mga Villarama, maging ang kapatid nitong babae ay taglay iyon.

Nang tapikin siya sa balikat ng kasamahang waitress ay doon siya natauhan at muling itinuon ang buong atens'yon sa trabaho.

WALA siyang trabaho nang araw na iyon kaya nagawa niyang alagaan si Maddie, dinala rin niya ito sa ospital para sa regular check-up nito.

Dumaan siya sandali sa convienience store at namili ng gatas at diaper ng kapatid.

Ipinagpasalamat niyang hindi ito naligalig sa biyahe nang pauwi na sila sa apartment. It was twilight when they reached home.

Sa gulat ng dalaga ay nadatnan niya ang mga gamit sa labas ng kanilang apartment na tinutuluyan. Nakatayo sa tabi niyon si Agnes, ang anak ng kanyang kasera, nakahalukipkip ito at nakataas ang kilay sa kanya.

"A-anong ibig sabihin nito, Ate?" kinakabahang aniya.

"Sa limang buwan mo rito ay para sa isang buwan lang ang perang naibayad mo. Mahiya ka naman! Kung hindi ka kayang paalisin ng mabiit kung ina..." sarkastikong turan. "...ako kaya ko! Umalis na kayo at 'wag ng bumalik, may mangungupahan sa apartment na 'to."

"Teka sandali-" Hindi niya ito napigilan dahil mabilis ang kilos na tinalikuran siya nito at malalaki ang mga hakbang paalis.

Nanghihinang napasandal sa pader si River at sinulyapan ang mga gamit na nasa labas ng apartment. Maayos naman na nakasalansan ang mga iyon at isa pa ay hindi naman karamihan ang kanilang mga kagamitan.

Sandaling nablangko ang kanyang utak at hindi malaman ang gagawin. Ni hindi niya napansin ang mga matang nakamasid sa kanila, bagaman nakikisimpatya ay walang balak na tumulong.

Hindi naman niya magawang magalit kay Agnes dahil sa ginawa nito. Kahit naman siguro sino ay gano'n ang gagawin. Ngunit naroon ang panghihinampo sa kanyang dibdib at ang awang nadarama para sa kanyang sarili partikular na sa batang nakapaloob sa kanyang bisig at nilalaro ang hibla ng kanyang buhok.

Damsel In Distress (Sanford Series #4) [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon