Diversion

30.4K 1K 24
                                    

Chapter Four

NASA resort pa rin ang lalaking kausap ni Emilia kanina.

May kakulitan nga rin talagang taglay, saloob-loob ni Virgil nang lampasan nila ito ni Emilia.

Ipinasok niya sa kanyang silid ang buhat-buhat na dalaga.

"Dito ka muna. Hayaan mong kausapin ko siya, okay? Huwag kang lalabas."

Tumango naman ang kanyang kausap.

Muli siyang lumabas ng silid. Bukod sa pagkausap kay Jimmy ay nais niyang magmanman kung ilan ang nakaambang panganib kay Emilia.

"Puwede ba tayong mag-usap?" nilapitan niya ang dating nobyo ni Emilia--si Jimmy.

Mukhang paalis na rin ito. May mababakas na lungkot at tila pagsisisi sa mukha. Lihim na napailing si Virgil.

"Kung tungkol ito kay Emilia ay umasa kang hindi ko na siya muli pang gagambalain," wika ni Jimmy.

"Mabuti naman at sa'yo na rin mismo nanggaling. Bukod sa hindi magandang tingnan ay hindi ako komportableng makita siyang nakikipag-usap sa'yo," his brain was multitasking.

Sa pagitan ng pakikipag-usap kay Jimmy ay disimuladong gumagala ang kanyang mga mata. Nakita niya ang pagdaong ng bangkang pangisda na kinakitaan niya ng flash kanina. Mula roon ay bumaba ang isang lalaki na may sukbit na bag. May sumalubong ditong isa pang lalaki. Saglit na nag-usap ang dalawa.

"Natutuwa akong sa wakas ay nakatagpo na rin siya ng bagong mamahalin," ani Jimmy, may mahihimigang lungkot sa tinig.

Ibig ng mairita ni Virgil sa kausap, natutukso na siyang talampakin na wala itong bayag. Walang tigas ng gulugod, hindi marunong manindigan. Pero nagtiim na lang siya ng labi. Labag man sa kalooban niya ay dawit na rin siya sa kasalukuyang sitwasyon. Kailangan niyang iligtas si Emilia.

"Alagaan mo sana siya at pag-ingatan."

"Hindi mo na kailangang sabihin 'yan," nagkaroon ng talim ang kanyang mga pangungusap. Bagay na tila ikinagulat ng kausap niya. "Hindi ko gagawin sa kanya ang ginawa mo."

Gusto niyang dagukan ang sarili sa mga pinagsasabi niya. Kumbaga sa pelikula, dakilang ekstra lang siya sa eksenang iyon. Ngunit kung mag-deliver siya ng dialogue ay daig pa niya ang lead star.

Sa isip ay lihim siyang napapalatak.

Naalerto ang kanyang animal instinct nang makita ang dalawa pang lalaki na naglalakad patungo sa direksyon ng resort. Apat?

Isang hinala ang nabuo sa utak ni Virgil. Gayunpaman ay ibig pa rin niyang makatiyak. Lumapit sa receptionist na si Ava ang dalawang lalaki. Kumuha ng silid para sa dalawa ang mga ito.

Habang nakikinig sa transaksyong nagaganap sa pagitan ni Ava at ng dalawang lalaki ay mistula lamang siyang ordinaryong bystander na may kausap. The likes of them--cold blooded killers--were very keen observer. At hindi niya gugustuhing magka-ideya ang mga ito kung sino siya.

"M-magpapaalam na ako," ani Jimmy.

Tinanguan niya lang ito at hindi na nagsalita.

Habang hinahasa pa lamang siyang assassin ay ibig ni Rusty Chen na tawagin siyang Chameleon bilang alias sapagkat sinanay siya kung paano mag-blend in sa karamihan ng mga tao. Ang maging matalas at mapag-obserba. He had a rigorous training for six months. Kung saan ang tanging gagawin niya ay humalo sa pulutong ng mga tao. Mag-obserba at pag-aralan ang kilos ng mga ito. Pagkatapos noon ay magkikita sila ng kanyang trainer at isasalang siya sa isang tila munting pagsusulit. Hihingi ito ng kumpletong ditalye, ano, sino, paano, saan at bakit?

VirgilWhere stories live. Discover now