Multo ng Kahapon

29.1K 1K 11
                                    

Chapter Six

LUCIANO Quisumbing. Sinipat na mabuti ni Virgil ang target. Naroroon siya sa minahan at pinapanood ang lihim na aktibidad ng gobernador. Nagkalat ang mga goons nito. At marami ring gusgusing mga bata ang nakikita niyang paroo't paritong nagtatrabaho sa minahan kahit malalim na ang gabi.

Tiim-bagang na muli niyang sinipat sa lente ang gobernador. Isang kalabit niya lamang sa rifle at mauutas na ang buhay nito. Subalit ang malaking katanungan ngayon sa isip niya: sapat na ba 'yon? Ganoon na lamang ba kadaling matatapos ang illegal nitong mga gawain? At paano ang mga inosenteng bata na biktima nito?

Orders are orders. You're being paid not to ask questions but to deliver the task you were set out to do, mariing paalala ni Virgil sa sarili.

Inihanda na niya ang daliri sa trigger. Subalit bago pa man niya makalabit iyon ay isang mukha ang nakita niyang tumabi sa gobernador.

Wari'y biglang nasuspinde ang kanyang paghinga. Nanigas ang mga daliri niya sa gatilyo. Bawat himaymay ng kanyang mga kalamnan ay biglang nanginig. Umaalingawngaw sa kanyang eardrum ang napakalakas na pintig ng kanyang puso. Ang dugong dumadaloy sa kanyang mga ugat ay tila nagyelo.

"Iligpit na ang mga 'yan. Tiyakin niyong malinis."

Parang may pumisil sa daluyan ng kanyang hininga. Pabugso-bugsong naglabas-masok sa kanyang baga ang oksihena.

"Paano 'yong tatlong anak?"

"Dalhin niyo. Marami akong puwedeng paggamitan sa kanila."

Naninigas ang mga daliri niya. Sinikap niyang ituwid ang mga daliri na tila napagkit na sa trigger.

"Kahit na ano ang mangyari ay kailangan mong makatakas. Hanapin mo si Rusty Chen..."

Muntik na siyang mahulog sa kinapupuwestuhang mataas na puno nang manghina ang kanyang mga kalamnan.

Mommy...Dad. Nakita ko na rin siya sa wakas.

Dalawampung taon. Sa loob ng mga panahong iyon ay hindi nawaglit sa isipan niya kahit na isang saglit ang hitsura ng taong pumasok sa kanilang tahanan at pumaslang sa kanyang ama.

Mommy, AJ...CJ. Nasaan na kayo?

Nangangati man ang mga daliri niya na kalabitin na ang gatilyo ay hindi niya magawa. Kailangan niyang malaman kung sino ang taong ito. Kung ano ang atraso ng kanyang pamilya sa mga ito upang sapitin nila ang ganoong kapalaran. At higit sa lahat, kailangan niya ito upang matunton ang kanyang ina at mga kapatid.

Buhay pa ba ang mga ito? At kung sakali man, ano na kaya ang buhay nila? Maayos kaya ang kanilang kalagayan?

Sa pagitan ng pagsasalit-salit ng mga katanungang iyon sa kanyang isipan ay maingat siyang bumaba ng puno. Mula roon ay kailangan niyang maingat na pagplanuhan ang lahat. Bukod sa pagliligpit sa tiwaling gobernador ay kailangan niyang mahuli nang buhay ang taong nasa tabi nito. Kung tama ang assessment niya sa sitwasyon, hindi nito tauhan o simpleng kanang kamay lamang ang lalaking 'yon. They looked like partners.

Ilang inhale-exhale ang ginawa niya upang panumbalikin sa normal ang kanyang paghinga. He couldn't afford to lose his focus now. Kailangan niyang panatilihing malinaw at matalas ang isipan. Naipilig niya ang ulo. Nanginginig ang kanyang mga kalamnan sa hindi mailabas na galit.

Mahigpit na nakuyom ni Virgil ang kamao. Mukhang kakailanganin niyang may mapagbuntunan ng naglalatang na poot sa kanyang dibdib.

***

NAHAGOD ni Emilia ang magkabilang sentido. Medyo kumikirot na ang ulo niya sa antok. Ang kanyang mga mata ay kanina pa niya gustong tukuran dahil ayaw ng paawat sa pagbagsak.

VirgilWhere stories live. Discover now