Ang Impostora

23.6K 888 26
                                    

Chapter Sixteen

PANAY ang hitit-buga ni Steffi sa kanyang sigarilyo. Tensiyonado siya. Kung bakit naman kasi masyadong sigurista ang matandang 'yon. Hindi pa nakuntento sa mga katibayang iniharap nila ng inang si Cedes na siya talaga ang apo nitong si Emilia. Ngayon ay nagbigay pa ito ng proviso sa kanyang mana. Na matatanggap niya lamang iyon sa sandaling lumabas ang final DNA test na ipinagawa nito sa abogado ng pamilya.

Punyetang matanda. Natigok na at lahat problema pa rin, ngitngit ng dalaga. Mabuti pa si Tito Lemuel. Hindi mahirap kausap.

Simple lang naman ang drama nilang mag-ina nang magpakilala siya kay Silverio Lianzares. Ulila na siya. Bumagsak ang naipundar na kabuhayan ng kanyang mga magulang sapul nang mamatay ang kanyang ina. Dala ng labis na pamimighati ng kanyang ama ay napabayaan nito ang negosyo hanggang sa tuluyan iyong bumagsak. Sa huli'y iginupo na rin ito ng malubhang karamdaman. At dahil wala na siyang ibang mapupuntahan, minabuti niyang tuntunin ang pamilya ng kanyang ina sa pag-asang napatawad na ng mga ito si Mirasol pagkalipas ng mahabang panahon. As for Cedes, ito lang naman ang matalik na kaibigan ng kanyang inang si Mirasol. Ito ang kumupkop sa kanya at nanatili sa tabi niya nang siya'y maulila kaya naman itinuring na niya itong kapamilya.

Akala niya ay plantsado na ang lahat. Bakit nga'y may isang taon na rin siyang namumuhay na parang prinsesa, sila ng kanyang ina. Tapos kamukat-mukat niya ay mag-iiwan pala ng ganoong proviso ang matanda.

Buwiset!

Hindi puwedeng masayang ang isang taon niyang pagtitiis sa ugali ni Emilia at ang pagbabait-baitan sa ama nitong si Alfonso para lamang makuha nila ang lahat ng impormasyon tungkol sa mag-ama. Sinadyang akitin ng kanyang inang si Cedes si Alfonso upang makapasok silang mag-ina sa buhay ng mga ito.

Eksperto silang manggagantso ng kanyang ina. Small time lang sila dati. Hanggang sa marinig nila ang tungkol sa mag-amang Alfonso at Emilia. Noon nila naisip na kapag napagtagumpayan nila ang gagawing panloloko sa mga ito ay magreretiro na silang mag-ina. Pero mukhang may malaking sagabal para makamit nila iyon.

Inaasahan na nila ang posibilidad na hihingi ng DNA test ang mga ito noong una pa lang na tumapak sila sa mansion ng mga Lianzares. Alam niya ang bagay na iyon sapagkat nakapag-aral naman siya. Iyon nga lang, mas madali ang pera sa panggagantso keysa sa pagsusunog ng kilay.

May dala silang buhok ni Emilia para sa DNA. Iyon ang alam niyang pinakamatibay nilang pasaporte upang makamit ang minimithing karangyaan. Ikalawa ay ang mga alahas ni Mirasol na ninakaw nila mula sa pag-iingat ni Emilia at ikatlo ay ang family picture nila kuno noong sanggol pa lamang siya. Asang-asa siya na ayos na ang lahat. Bakit nga'y nag-match ang DNA niya sa mga ito--o sa madaling salita, ang DNA ni Emilia. Pero kamukat-mukat niya ay may ikalawa pa palang DNA test. On the spot ay hiningian siya ng buhok ng abogado.

Hindi siya nakatanggi. Umiikot ang ulo niya sa pag-iisip ng maikakatwiran kapag pumalpak ang resulta. Ang ina niyang si Cedes ay nagpa-panic na. Ora mismo ay nais na nitong mag-alsa balutan na sa pangambang kalaboso ang kahantungan nila. Ngunit komontra siya. Hahanapan niya ng lusot ang sitwasyong iyon. Doon naman siya mahusay, e. Ang magpalsipika ng mga dokumento at ang maglubid ng kasinungalingan.

"Stef--err, Emilia."

Muntik ng mapaso si Steffi sa upos ng kanyang sigarilyo nang biglang lumitaw ang inang si Cedes.

"Ano ba? Nakakagulat naman kayo."

"Naririyan na si Attorney Tobias. Hinihintay ka na nilang dalawa ni Lemuel sa study," anito, mababakas sa mukha ang labis na pag-aalala.

"Puwede ba, kumalma ka lang, Mommy. Mabubuko tayo n'yan sa iniaakto niyo, e."

"E, papaano nga kapag--"

VirgilWhere stories live. Discover now