Ang Heredera

25.5K 995 34
                                    

Chapter Fourteen

KAMUNTIK ng mapahalakhak si Virgil sa tinuran ni Emilia. Embalsamador. Tsk. Sa lahat ng propesyong puwede nitong maisip ay embalmer pa. Napailing-iling lang siya.

"Hmn, kung hindi ka embalsamador siguro...ahente."

"Ahente? Ahente ng ano?"

"Ahente ng kabaong."

Nagkatunog ang ngiti niya. Umiling siya. "Medyo malapit na ro'n."

"Ows? Kung hindi ka ahente ng kabaong...hmn, ahente ng libingan para sa mga patay?"

Sa puntong iyon ay napahalakhak siya! Ang kulit.

"Emilia," sa sumunod na sandali ay narinig nila ang katok sa pinto.

"Naku, si Papa. Magtago ka!"

Naisip niyang magtago sa ilalim ng kama. Kaso alanganin ang taas niyon, hindi siya kakasya. Napansin niyang makapal ang comforter, hindi na siya nag-isip at mabilis siyang sumukob doon kay Emilia.

"Emilia, may kasama ka ba riyan?"

Saglit pa at narinig niya ang pagbubukas ng pinto. Hindi tuminag si Emilia sa pagkakahiga, nagkunwari itong tulog. Narinig niya ang yabag papalapit sa kama, pagkatapos ay bahagyang lumundo ang kutson.

Lihim siyang napamura. Sa sandaling itaas ng ama ni Emilia ang comforter ay tiyak na mahuhuli siya!

***

NARAMDAMAN ni Emilia ang pagdampi ng palad ng ama sa kanyang noo. Kunwari'y naalimpungatang dahan-dahan siyang nagmulat ng mga mata.

"O, 'Pa. Bakit ho?"

"Akala ko'y may narinig akong tumatawa dito sa kuwarto mo. Pero siguro'y nakaringgan ko lamang mula sa kapitbahay. Masama pa ba ang pakiramdam mo, anak? Itatawag na ba kita ng doktor?"

"H-hindi na po, 'Pa. Medyo maayos na po ang pakiramdam ko."

"Pasensya ka na sa akin. Hayaan mo at simula bukas ay tutulungan na kitang pangasiwaan ang resort."

"Sigurado ho kayo, 'Pa?" parang hindi siya makapaniwala sa kanyang naririnig.

"Oo. Napag-isip-isip ko rin kasi, parang wala na akong silbi. Iniatang ko na sa'yo ang lahat. Samantalang kung nabubuhay lamang ang Mama mo..."

"Huwag na ho nating pag-usapan ang mga malulungkot na bagay. Masaya ho ako at nagdesisyon kayong tulungan ako sa pangangasiwa ng resort."

"Baka mas mapadali ang buhay ko kung parati lamang akong naririto sa bahay at nag-iisip. Sige, magpahinga ka na. May gusto ka bang ipalutong ulam?"

"K-kahit ano na lang ho, 'Pa. Wala pa ho akong ganang kumain, eh."

"Dapat siguro sa'yo ay sinigang o kahit anong may asim na sinabawan."

"Kayo po ang bahala," anhin na lamang ay itaboy na niyang palabas ang kanyang ama.

Ramdam niya kasi ang mainit-init na dapyo ng hininga ni V sa ibaba ng kanyang batok. At parang nananadya pa ang hudyo, ang isang kamay nito ay manaka-nakang pumipisil sa kanyang pang-upo!

Nakahinga siya ng maluwag nang tumayo ang Papa niya at tunguhin ang pinto. Pigil-pigil niya ang paghinga hanggang sa marinig niya ang papalayo niyong hakbang.

Tinampal niya kaagad ang kamay na nakahawak sa kanyang puwetan.

"Siraulo ka talaga," kaagad niyang pinandilatan si V. "Kung nahuli ka ni Papa, malamang hindi ka na makakalabas dito nang buhay."

Pilyo lang itong ngumisi.

"Umalis ka na. Baka mamaya ay bumalik si Papa, lagot ka," pagtataboy niya rito.

VirgilWhere stories live. Discover now