Anino ng Kamatayan

23.7K 908 12
                                    

Chapter Seventeen

BAKANTE na ang espasyo sa tabi ni Emilia nang kapain niya iyon. Nang imulat niya ang kanyang mga mata ay madilim pa ang paligid. Tantiya niya ay mag-i-ikalima pa lamang ng madaling-araw.

Ang aga naman niyang umalis, matamlay niyang naisip. Pero naisip niya rin, umiiwas lamang marahil ito na maabutan sila ng kanyang ama sa silid.

Bumangon na siya upang maligo at magbihis. Nalalanghap niya pa ang amoy ni V sa kanyang katawan. Gustuhin man niyang panatilihin iyon ay hindi puwede. Baka tuluyan na silang mabuking ng Papa niya.

Wala siyang kamalay-malay na may mga matang nakamasid sa kanya. Tahimik lamang siyang pinapanood.

Pumasok siya sa banyo at mabilis na nag-shower. Pagkatapos maligo ay ininspeksyon niya ang katawan sa salamin. Hindi na masyadong pansinin ang mga marka. Lumabas siya ng banyo na nakatapi lamang ng tuwalya, tumutulo pa ang buhok. Subalit dagli siyang napatda pagkalabas ng banyo. Sumalubong sa kanya ang dulo ng isang baril.

Nasuspinde ang paghinga ni Emilia at biglang nangalog ang mga binti. Walang duda, kaharap na niya ang taong papatay sa kanya!

Nakasuot ito ng black hooded jacket at may itim ding takip sa ibabang bahagi ng mukha. Inilagay nito ang hintuturo sa tapat ng bibig bilang babala sa kanya na huwag siyang magkakamaling lumikha ng ingay. Isinenyas nito sa kanya na lumakad siya patungo sa kama.

Nanlalamig-nangangatog ang mga tuhod na pinilit niyang ihakbang ang namimigat na mga paa.

Nasaan ka na, V? Sabi mo ay po-protektahan mo ako? piping sigaw ng isip niya.

Nakita niyang may dinukot na kung anong bagay ang lalaki mula sa loob ng suot nitong jacket. Nang makita niya kung ano ang bagay na iyon ay pinanlakihan siyang lalo ng ulo. Silencer. Katulad iyon ng mga napapanood niya sa teevee. Ikinakabit iyon sa dulo ng baril upang hindi maging maingay ang putok.

Nang iumang sa kanya ng lalaki ang baril ay pumikit na lang siya. Kung lilikha siya ng ingay ay baka madamay pa ang kanyang ama. Tutal siya lang naman ang pakay nito, di ba? Hindi baleng siya na lang. Narinig niya ang mga pinong tunog. Isa, dalawa, tatlo pagkatapos ay ang tunog ng nabasag na kung anong bagay sa loob ng kanyang silid.

Inaasahan niya ang sakit ng tama ng bala. O patay na ba siya kaagad kaya hindi na niya naramdaman ang sakit?

Dahan-dahan siyang dumilat. Ang una niyang nakita ay ang nakaitim na bulto sa sahig ng kanyang silid. Pagkatapos ay ang tinig na iyon mula sa kanyang likuran.

"Emilia."

***

HE saw her rose from the bed. Nang kapain ni Emilia ang bakanteng space sa tabi nito ay may ngiting kumabit sa mga labi ni V. At nang gumuhit ang disappointment sa mukha ng dalaga ay muntikan na siyang magsalita upang ipamalay rito na naroroon lamang siya, nakaupo sa isang sulok malapit sa kama nito. Nagbabantay habang tahimik itong pinapanood sa pagtulog. Inaasahan niyang bubuksan nito ang ilaw at halos natitiyak niyang magugulat ito pagkakita sa kanya, subalit hindi nito iyon ginawa. Manapa'y dumiretso na ito ng banyo.

The room was shrouded in semi-darkness. At kanina pa nasanay ang mga mata niya sa dilim. Sa ilang sandali ay alam niyang mamamanaag na ang araw. Tatayo sana siya upang sundan si Emilia sa banyo subalit may narinig siyang mahinang kaluskos. Nakiramdam siya at hindi kumilos mula sa kinauupuan. Narinig niyang bumukas ang sliding glass door mula sa terrace. Nagtiim ang kanyang mga bagang. Kinapa niya ang baril sa kanyang likuran. Saglit pa at nakita niya ang isang anino. Kaagad na kumiling ang ulo niyon sa banyo nang marinig nito ang lagaslas ng shower.

Nahiling niyang sana ay hindi muna lumabas ng banyo si Emilia. Tahimik niyang kinabitan ng silencer ang kanyang baril. Habang ginagawa ito ay nakatutok ang tingin niya sa anino. He was already holding a gun and aiming it at the bathroom door.

VirgilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon