Ang Freeloader

21.1K 836 40
                                    

Chapter Twenty One

DAGLING namutla si Steffi nang makita ang isang sulat na nakapatong sa kanyang dresser.

Bistado na nila ang sikreto mo. Kaya kung ako sa'yo, aalis na ako sa bahay na ito bago pa dumating ang mga pulis! Impostora!

Nalamukos niya ang sulat. Kung sino man ang nagbibiro sa kanya ay tiyak na mananagot ito. Napapitlag siya nang biglang tumunog ang telepono. Dumagundong ang pintig ng kanyang puso. Pinilit niyang paglabanan ang takot at pahablot na inabot ang awditibo. Hindi siya makararating sa kinalalagyan niya kung hindi likas na matatag ang kanyang loob. May nagbibiro lamang sa kanya, natitiyak niya iyon.

"Hello?"

"Hindi mo ba natanggap ang aking mensahe? Papariyan na ang mga pulis."

"Ikaw?! Walanghiya ka, kung sa akala mo--"

"Hep-hep. Bago ka magsalita ng kung anu-ano d'yan, simulan mo ng mag-empake. Take everything you can get at tumakas ka na bago pa mahuli ang lahat."

Mabilis niyang ginawa ang iniutos ng caller. Hindi niya alam kung nagsasabi nga ito ng totoo. Subalit mas mabuti ng makasiguro siyang ligtas kaysa ipakipagsapalaran pa niya ang babala nito. Sakali man at nagsisinungaling lamang ito, tinitiyak niyang may kalalagyan ito sa kanya. Alam niya yata ang lahat ng baho nito.

Tinangay niya ang lahat ng cash at alahas na nasa kanyang pag-iingat. Hindi man ang mga iyon ang pinakamamahalin, malaking halaga pa rin ang katumbas ng mga iyon sakali at magkagipitan. Nasa safety deposit box kasi ang lahat ng mamahaling alahas na nasa pangalan ni Emilia. Mga alahas na nagmula pa mismo sa lola nito. Pero saka na niya pag-iisipan kung paanong makukuha ang mga iyon. Sa sandaling matiyak niya na walang peligro ay paunti-unti niyang lilimasin ang mga alahas at pera sa bangko.

Hinagip niya ang kanyang cellphone at tinawagan ang inang si Cedes habang nagbibihis.

"Mommy, nasaan kayo?"

"Nasa supermarket. Tulog ka pa nang umalis kami ni Manang Ising. May ipapabili ka ba?"

"Saang supermarket?" pinakinggan niya ang sagot ng ina sa kabilang linya.

Matapos malaman kung nasaan si Cedes ay binilinan niya itong maghintay roon at paunahin ng umuwi ang kasamang katulong. Bagama't parang naguguluhan ay sumang-ayon na lang ang kanyang ina. Bitbit ang isang carry-all bag at katamtamang maleta, maingat siyang lumabas ng silid. Saglit pa muna siyang nakiramdam bago bumaba ng bahay.

"Good morning, Ma'am. Aalis po kayo?" tila nagulat na tanong ng maid na nakasalubong niya.

"Obvious ba?" sarkastiko niyang sagot. Kung ang ina niyang si Cedes ay madalas makihalubilo sa mga kasambahay, siya antimano ay naglagay ng distansya. Ibig niyang ipahiwatig na malayo ang agwat niya sa mga ito. "Magbabakasyon ako kasama ng mga kaibigan ko."

"E, di wow."

"Anong sinabi mo?"

"A, e ang ganda-ganda po ng bihis niyo, Ma'am. Wow na wow."

"Antipatika! Sasabihin ko kay Tito Lemuel na patalsikin ka bukas na bukas din sa pamamahay na ito."

Halatang nahintakutan ang katulong. Susukot-sukot itong bumalik sa loob ng bahay.

"Hampaslupa," inilabas niya ang kanyang cellphone at muling nagdayal ng numero. "Kumusta na ang ipinagagawa ko? Punyeta ka! Bayad kaagad ang hinihingi mo, wala pa ngang resulta ang trabahong ibinigay ko sa'yo. Hangga't hindi mo nagagawa ang ipinag-uutos ko, wala kang makukuha sa akin kahit isang sentimo."

Ngitngit siyang sumakay sa kanyang kotse. Isang probinsiyana lamang ang ipinadidispatsa niya, hindi pa magawa-gawa ng mga taong binayaran niya.

Mga inutil!

VirgilWhere stories live. Discover now