Sa Bisig ng Berdugo

26.2K 917 20
                                    

Chapter Eleven

KAHIT sinabi ni V na ibig nitong mapag-isa ay hindi maawat ni Emilia ang sarili. Parang mientras na gusto nitong dumistansya sa kanya ay mas gusto naman niyang lumapit. Para itong magnet na lalong humahatak sa kanyang papalapit.

"Boss, sino ba ang tinatanaw niyo at kanina pa nanghahaba ang leeg niyo d'yan?"

Muntik ng mapairit si Emilia nang sukat magsalita sa likuran niya si Mokong.

"Huwag ka ngang manggugulat," pagalit niyang sabi sa binatilyo upang mapagtakpan ang pagkapahiya. "Hinahanap ko si Ava."

"Si Ate Ava? Hindi ba't kagagaling lang dito?"

"Nag...nagkasalisi kami. Pero kalimutan mo na 'yon. Nakalimutan ko na rin naman ang iuutos ko."

Nagtaas ng mga balikat ang binatilyo na tila ipinagwawalang-bahala na lamang ang sinabi niya.

"Ahm, Mokong. Napansin mo ba kung lumabas 'yong guest natin sa room one-o-one?" papagabi na kasi at mula pa no'ng umaga ay hindi niya ito nakita.

"Nakita ko siyang umalis kanina. Mukhang may ka-date."

"Ka-date? Paano mo naman nasabing may ka-date?" parang gusto niyang kutusan ang kausap, masyadong maalam. Ano ba ang ideya nito sa hitsura ng lalaking makikipag-date?

Selos ka lang, tila tudyo sa kanya ng isang munting tinig.

"Posturang-postura po kasi siyang umalis. Bagong paligo at humahalimuyak sa pabango."

"Si V?" hindi niya natatandaang nangamoy-pabango ito. 

Iyon ang isa sa napansin niya kay V. Hindi ito nangangalingasaw sa pabango kaparis ng ibang lalaking kilala niya. Gayunpaman ay parati itong mukhang malinis. Kahit noong bantayan niya ito habang inaapoy ng lagnat ay hindi man lang ito namantot.

"Napansin mo ba kung saang direksyon siya papunta?"

Waring nagtataka na ang tingin sa kanya ng kausap. Pero hindi na lamang iyon pinansin ni Emilia.

"Papuntang beach."

Beach? Ang cheap, ha? saloob-loob niya. Kung talagang makikipag-date si V ay bakit naman sa baybayin ito pupunta?

Pero bigla ring kumambiyo ang utak niya. Meron nga palang malaking floating restaurant sa lugar nila. At kung doon pupunta si V upang makipag-date, hindi ito cheap.

Napalabi siya nang wala sa loob.

"A, may iuutos ho ba kayo, Boss?" di-kawasa'y untag ni Mokong. "Maaga sana 'kong magpapaalam ngayon, eh."

"Bakit? Huwag mong sabihing makikipag-date ka rin?"

"E...parang ganoon na nga. Wala naman tayong masyadong kustomer ngayon kaya siguro naman ayos lang kung la-lablayp muna ako."

"Lovelife ka d'yan. Ke-bata-bata mo pa."

"Boss, naman. Kaya ko na ngang gumawa ng bata."

"Tse! Kayo talagang mga kabataan ngayon, akala niyo ganoon lang kadali ang buhay. Madali ang gumawa ng bata. Pangsustento sa pagpapalaki ng bata, meron ka na ba?"

Nakangiwing kumamot sa ulo si Mokong. "Hindi pa nga nabubuo, sustento agad?"

"Mangangatwiran pa ito. Siya, layas. Pero gusto ko alas-siete ng umaga 'andito ka na, ha?"

"Areglado, Boss."

Nasundan na lamang ni Emilia ng tingin ang papalayong tauhan.

Buti pa si Mokong, kahit mukhang ipinaglihi sa sama ng loob may lovelife, bitter na sabi ng munting tinig.

VirgilOpowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz