Ramses in Niraseya (Kabanata 5)

10.2K 214 8
                                    

KABANATA 5

 

                  “KA IDONG”

 

Napaidlip si Ramses at dahil hindi mawala sa isip nya ang babaeng kanyang nakausap ay napanaginipan nya ito.

“Kilala ko ang magulang mo, hanapin mo ang sagot!” patuloy ang pagtawa ng matandang babae.

“Tama na!” biglang nagising si Ramses na pawis na pawis ang hingal na hingal. Mabilis ang tibok ng kanyang puso sa takot sa babaeng kanyang napanaginipan. Napatingin sya sa kanyang cellphone. “Alas kwatro lang pala.”

Biglang pumasok sa isip ni Ramses ang kaibigang si Kim. Agad naman nya itong tinawagan. “Hello Kim, magpapasama sana ako sa’yo. Magkita tayo sa kanto ngayon na.”

Agad nagmadaling lumabas si Ramses ng kwarto at dahan-dahang bumaba ng hagdanan at iniiwasang marinig ng kanyang tiyahing nagluluto sa kusina. Nakalabas sya ng bahay ng walang nakakapansin at nagpunta sa tagpuan nila ng kaibigang si Kim.

“Saan ba tayo pupunta, Ramses?” tanong ni Kim na halos kinakaladkad na ni Ramses sa pagmamadali.

            “Kim, huwag ka na lang maingay. Kung tatahimik ka dyan malalaman mo kung saan tayo pupunta!”

            Sa sobrang bilis nila maglakad ay halos napalayo na sa kabayanan ang daang tinatahak ng dalawa. Palubog na ang araw, ngunit patuloy pa din ang paglalakad ng nila Ramses at Kim patungo sa masukal na gubat.

            “Ramses, hindi ko na gusto ‘to. Kung may plano kang maghiking, huwag ngayon! Nakakatakot na dito ah!” Bahagyang tumigil sa paglalakad si Kim. “Ayoko na talaga, babalik na ‘ko!” Tumalikod at naglakad si Kim pabalik.

Ngunit hinabol sya ni Ramses at hinarangan ito. “Ano ka ba naman Kim, sa layo ng nilakad natin ngayon ka pa ba susuko? Isa pa malapit na tayo, nararamdaman ko. Kaya halika na, samahan mo na ko.” Hinigit muli sa braso si Kim at muling naglakad.

“Kung sinasabi mo sa’kin yung plano mo eh baka hindi ako nagrereklamo ng ganito.” At patuloy ang paglakad ni Kim na tila nagdadabog sa bawat hakbang na kanyang ginagawa.

Tumigil si Ramses at tumingin sa kaibigan. “Kim madaming hindi magandang nangyayari sa’kin simula ng dumating ako dito sa lugar na ‘to. Parang may itinatago si tiya Ileta sa’kin at yun ang gusto kong malaman.” Hinawakan ni Ramses ang mga kamay ng kaibigan at tinitigan ito. “Kaya nakikiusap ako Kim, samahan mo ako. Hindi ko ‘to magagawa kung wala ka.”

“Oo ako lang. Kasi maliligaw ka pabalik sa bayan kung mag-isa ka lang. Sige sasamahan na kita. Pero mabilis lang ha, hindi ako nagpaalam kina inay at sigurado ako ikaw din.” Maluwag sa loob ang pagpayag ni Kim na samahan si Ramses. Nagpatuloy sa paglalakad ang dalawa.

Malapit na sana silang sumuko nang matanaw ni Ramses ang isang kubo sa di kalayuan. Nagtago sa halamanan ang magkaibigan habang nakatingin sa kubong iyon. “Nakikita mo ba yung bahay na yun, Kim?” masiglang bulong ni Ramses. Samantalang ang kaibigan nitong si Kim ay takot na takot. “Ramses, kanino bang bahay iyan? Sino ba namang titira sa ganitong lugar, napakalayo sa bayan. Nakakatakot, natatakot na ako. Mabuti pa umuwi na tayo.” Sabay tayo ni Kim ngunit hinigit sya muli ng kaibigan.

 “Ano ka ba, nandito na tayo. Ang sabi ni tiya Ileta nasa gitna ng gubat ang bahay ni Ka Idong. Malaki ang maitutulong nya sa mga katanungan ko tungkol sa sinaunang bahay. Kung dyan nga sya nakatira, napakaswerte natin at nakita natin agad”

            “Naku…. Naku anong masuwerte? Ayoko ngang pumasok dyan. At paano mo naman nasabing bahay nga ni Ka Idong yan? Eh wala ngang nakakaalam kung saan sya matatagpuan. Kung gusto mong magpakamatay eh ikaw na lang. May mga magulang at kapatid pa ko na umaasa sa’kin no! At siguradong mag-aalala sila sa’kin ‘pag hindi pa tayo umuwi!” pagaatubiling sagot ni Kim.

Ramses in Niraseya (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon