Ramses in Niraseya (Kabanata 56)

5.1K 97 4
                                    

Kabanata 56

“Itim na mahika”

Ilang sandali pa ay nabalutan ang paligid ng isang makapal na usok. Umikot ang usok kasabay ng malakas na hangin.

“Anong nangyayari?” tanong ni Ramses habang nakatakip ang kamay sa kanyang mukha na tila sinasangga ang hanging tumatama sa kanyang mukha.

“Hindi ko din alam,” pagsagot ni Ryona na hawak-hawak ang kanyang palaso na kahit anumang oras ay handang makipaglaban.

Matapos ang ilang minuto unti-unting nawala ang makapal na usok ganun din ang hangin. Bumungad sila sa labas ng Mirnoff kung saan nakatayo silang apat kasama si Oney.

Ngumiti ang matanda sa kanila. Payapa ang kanyang mga ngiti, ibang-iba sa nakita nila nung nakikipaglaban sila sa mga halataw.

“Maari nyo ng tingnan ang papel na ibinigay ko sa inyo.” Utos ni Oney.

Nagkatinginan ang tatlo habang hawak ang mga papel na ibinigay ni Oney. Tanging si Aragon lamang ang walang hawak na papel sapagkat hindi naman sya nanalo.

Sabay-sabay binuksan nila Ramses, Ryona at Perus ang papel at tiningnan ito.

“Ano ‘to?” naguguluhang tanong ni Perus habang nakatingin sa hawak na papel na tila isang mapa ngunit hindi naman nya alam kung saan papunta. “Parang may mali.” Dugtong pa nito.

Naguguluhan din sila Ramses at Ryona sa kanilang nakikita at hindi maintindihan kung paano makakatulong ang papel na iyon sa paglalakbay nila.

“Ilapag nyo ang papel.” Biglang nagsalita si Aragon mula sa kanilang likuran. Napatingin ang tatlo sa binata na tila nagtataka sa gusto nitong ipagawa. “Sumunod na lang kayo. Magtiwala kayo sa’kin.”

Tumango si Ramses kay Ryona kaya’t inilapag ng dalawa ang kanilang mga papel sa lupa. “Perus magtiwala ka kay Aragon.” Pahiwatig ni Ramses na nakatingin lang sa kaibigan.

Bakas sa mukha ni Perus na hindi sya naniniwala sa sinasabi ni Aragon at kung totoo man ang mga sinasabi nito ay alam nyang may hindi magandang mangyayari. Tiningnan nya ang dalawang kaibigan na naghihintay sa kanya sa paglalapag ng papel kasama ng iba pa. Sumunod din naman si Perus kahit nagdadalawang isip sya.

Magkakatabi ang tatlong papel nila at naghihintay sila ng mangyayari pero wala namang ipinagbago ang mga ito. Tumingin si Perus kay Aragon na may pagkayamot.

“Itapat nyo ang inyong mga kamay kung saan nakalagay ang iyong mga tekan sa mga papel na yan.” Muling utos ni Aragon.

Tumayo si Perus at humarap sa binata. “Ano ba sa tingin mo ang pinagsasabi mo? Tingin mo ba alam mo na ang lahat?” naiinis na tanong ni Perus.

“Sinusubukan ko lang tumulong habang nandito pa ako.” Malungkot na pahayag ni Aragon.

Nagulat naman si Ramses sa narinig mula sa kaibigan. “Anong ibig mong sabihing habang nandito ka pa? Aalis ka ba?”

Tumango si Aragon. “Hindi ako makakasama sa paglalakbay nyo pero pangako Ramses, kapag kailangan mo ako darating ako.” Ngumiti ang binata sa kaibigan. “Pero sa oras na ‘to gawin nyo muna ang sinasabi ko.” Sabi nya habang nakatingin kay Oney.

Napansin ni Perus ang tinginan nila Oney at Aragon. Hindi nya mawari ang kahulugan ng mga tingin na ito. Hinigit ni Ramses ang kamay ni Perus upang piliting gawin ang sinabi ni Aragon.

“Sige na Perus, maraming oras na tayong nasayang. Wala namang masama kung susubukan natin. Isa pa nandito pa si Oney, kung may masamang intensyon si Aragon malalaman agad yun ni Oney.” Hinawakan nya ng mahigpit ang kaibigan. “Magtiwala tayo.”

Ramses in Niraseya (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon