Ramses in Niraseya (Kabanata 50)

5.4K 110 7
                                    

Kabanata 50

 

“ANG PALIGSAHAN”

            Nakaramdam naman ng pagkakaba ang magkakaibigan. Hindi nila alam kung kaibigan ba o kaaway si Oney. Alam nilang hindi naman sila ipapahamak ni Maestro Boro. At alam nilang wala na silang ibang maaasahan kundi ang bawat isa at ang kanilang mga sarili.

            Iwinagayway ni Oney ang kanyang kaliwang kamay at lumapit ang isang malaking larawan na nakasabit sa pader.

            Ibinaba na ni Oney ang kanyang kamay ng nasa harapan na nila ang malaking larawan. Ilang sandali pa ay gumalaw ang mga bagay sa loob nito na tila nagsasalaysay ng mga nangyari.

            “Matagal na panahon na ng magsimula ang isang paligsahan dito sa Niraseya. Maraming sakim sa kapangyarihan kaya’t ninanais nilang manalo dito. Ngunit marami rin ang kulang sa kaalaman.” Panimula ng matanda.

            Nakatingin sila sa larawan ng biglang naglabasan ang mga taong naglalaban-laban. Isang brutal na labanan ang kanilang nasaksihan. Marami ang naiwang nakahandusay sa lupa habang unti-unting nawawala sa larawan ang mga nagwagi. Ilang sandali pa ay nagbago ng anyo ang mga naiwang nakahiga sa lupa. Naging sanga ang mga kamay nila at ugat ang mga paa. Bakas sa mukha ng mga taong iyon ang sakit sa pagbabago ng kanilang anyo. Tumubo ang mga dahon sa kanilang ulo at naging kahoy ang buo nilang katawan.

            “Paghihirap. Isang matinding paghihirap.” Bulong ni Ryona na tumutulo na ang mga luha. Galing sa kahariang Likas si Ryona kaya naman malapit sya sa mga halaman. Masama man o mabuti ang halaman ay madali nyang malaman. May kakayahan ang mga tulad nyang makausap ang mga halaman sa kahit saan.

            “Sila ang mga halataw.” Biglang nagsalita si Oney. “Ang mga halataw ay mga mahihinang nilalang na nagnanais ng matinding kapangyarihan o lakas. Sila ang mga nabigo at wala silang ninanais kundi – ”

            “ – ang makawala sa sumpang yan. Ang makahanap ng papalit sa pwesto nila.” Ipinagpatuloy ni Ryona ang sasabihin ni Oney bago pa man ito makatapos.

            “Mahusay bata. Batid kong galing ka sa kaharian ng Likas.” Tiningnan nyang mabuti si Ryona na tila interesado dito.

            “Sino? Sino ang nagsumpa sa mga halataw? Hindi nila ninais ang maging isang tagapagsilbi.” Nakatulalang tanong ni Ryona habang tinitingnan ang mga halataw.

            “Walang lugar sa mundo ng Niraseya ang mga ganid ngunit mahihinang nilalang. Yan ang sinabi ni Bhufola. Kung kasali ka sa paligsahan at natalo ka, malaki ang posibilidad na maging isa kang halataw. Pero – ” bahagyang ngumiti si Oney. “ – kung sa labas ka ng Mirnoff matatalo sa kamay ng mga kampon ni Bhufola, magiging isa ka sa mga alipin nya – tulad na lang ng mga Nuter.” Pagtatapos nito.

            “Ano ba ang gusto mong mangyari?” mausisang tanong ni Perus.

            “Ang lumaban kayo sa mga piling halataw dito sa kaharian ko. Kapag nanalo kayo, ibibigay ko ang impormasyon na gusto nyo. Matutunton nyo si Bhufola. Pero kapag natalo kayo, ang mga halataw ay babalik sa tunay nilang anyo at kayo ang papalit sa pwesto nila.” Bahagyang tumawa si Oney.

Ramses in Niraseya (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon