Naglalakad na Bangkay

10 2 0
                                    

Naglalakad na Bangkay


Likidong mapait ay ginawang matamis,

'Pagkat pait ng buhay, 'di ko na matiis,

Nagpakalango't inakaling maaalis,

Lalo palang maglulunod sa pananangis.


Alikabok na puti ang aking sininghot,

Naaabang langit na aking pinopoot,

Akala ko'y pupuwing sa aking bangungot,

Bubulag pala't gagawin akong salot.


Pandikit na inamoy ang siyang nagtuyo,

Sa utak kong bulok, manhid na puso,

Inakalang aayos sa aking pagkabigo,

Kadiliman lalo ang sa akin nagbuyo.


Sumubok ng 'gamot' na 'kala'y magbabalik,

Sa dati kong sigla, buhay at pagkasabik,

Lalong nahulog sa kabaliwang mabagsik,

At impyerno pa pala ang siyang hahalik.


Sigarilyong naging kapiling na sa tuwina,

Karamay ko sa walang hanggang pagdurusa

Mabangong usok na siyang aking ibinuga,

Usok na galing sa aking huling hininga.


Itinuring kong matagal na akong namatay,

Wala nang direksyon pa ang aking buhay,

Inuuod na ang bawat kong himaymay,

Ako'y isa nang naglalakad na bangkay.

Mga Binhi: Antolohiya ng Isang Sawing MakataTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon