Nagkakalamat, Nababasag, Natututo

93 8 11
                                    

Sa isang pag-ibig na winawasak ng pagdududa,

Na ang kaunting tiwala’y mahirap pang maipakita,

Maramdaman man ng puso’y bubulagin ng mata,

Talagang nagkakalamat sa maling pagtataka.

Kung di agad magagamot ang utak na nalilito,

Pakinggan lang ang puso’t ang binubulong nito,

Sapagkat ang pag-ibig matibay man at puro,

Kapag biglang nabasag ay mahirap nang mabuo.

Pilitin mang ituwid ang pagkakamaling nagawa,

Di na maibabalik pa ang nabasag na tiwala,

Buuin ma’t pagbigkisin ng magagandang alaala,

Sa dati nitong anyo’y hindi na makakamtan pa.

Masusugatan at magdurugo kung ipagsisiksikan lamang,

Ang isang imposibleng wala namang patutunguhan,

Sapagkat ang matang nabubulag at nalilinlang,

Nananaig pa rin sa pusong tapat kung magmahal.

Kaya sa halip na ibalik pa ang nabasag,

Itatapon ko na lang kahit sa puso’y lumalabag,

Sapagkat aking natutunan na ang bawat pagkalamat,

Maghihilom ri’t magagamot ngunit di masusukat.

Mga Binhi: Antolohiya ng Isang Sawing MakataTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon