Noon hangad natin ay matamo itong kasarinlan,
Makalaya sa pagkagapos sa kuko ng dayuhan,
Ito ang naging ugat, at ang prinsipyong ipinaglaban,
Ng ating mga ninunong nasawi sa digmaan.
Nagtagumpay nga silang mapang-alipi’y mapalayas,
Ang bayan ng kalayaan, muli raw mapapamalas,
Noon ipinangakong magliliwanag ang landas,
Bakit hanggang ngayon, sakim lang ang bumubulas?
Naging ugat na nga natin ang buhay na dalita,
Kaya tayo’y naririto’t naduduwag, nagluluksa,
Uhaw pa rin sa paglayang inaasam ng isang dukha,
Sa kamay ng ganid na sa pangako’y dumadambana.
Umugat na sa Pilipino ang buhay na pagkapayak
Buhay nga bang matatawag kung gagapang ka sa lusak?
Ganoo’t ganoon na lang tinanggap ang lahat-lahat,
Isisilang ka nang gutom at mamamatay nang dilat.
Sa ating mga diwa’y patuloy na sumasaksak,
Na tanging sila lamang ang patuloy na umaangat,
Tayong mga alikabok, lilipari’t masasadlak,
Di na makakaahon pa’t tutubuan na nang ugat.
BINABASA MO ANG
Mga Binhi: Antolohiya ng Isang Sawing Makata
PoetryMga katagang pinagbuklod ng kaisipang mapang-alipin. Mga taludturang nililok ng mga karanasan. Mga saknong na hinubog ng pagkakataon. Nagkaroon ng diwa. Nagkaroon ng damdamin. Nagkaroon ng puso. Nakabuo ng isang tula.