Ipinagkaloob nga sa’tin ang maging malaya,
Na magpahayag kung ano ang nadarama,
Kung ano ang naisin at hindi maganda,
Sabihin kung anong makapagpapaligaya.
Ngunit kalayaan bang gamitin ang salita,
Para yurakan ang pagkatao ng iba?
Sa ginagawa mo ba’y tunay kang malaya,
Kung karapata’y gagamitin para manghusga?
Sabihin na nating ika’y nakaaangat,
O kaya’y sariling bangko ang binuhat,
Pero tandaan mong sa lupa ka nakaapak,
Magpakataas ka man sa lupa rin ang bagsak.
Hanga naman ako’t nagawa mong aksayain,
Ang oras mo sa isang tulad ‘lamang’ namin,
Bakit ako ay iyo pang poproblemahin,
Nagiging lagay mo nga’y isang pakialamin.
Kung ako naman kaya ang sayo’y pumuna,
Ang hagupit ko’y makakayanan mo pa ba?
Nalimutan mo yatang mabilis ang karma,
At nahuhusgahan rin ang isang mapanghusga.
BINABASA MO ANG
Mga Binhi: Antolohiya ng Isang Sawing Makata
PoetryMga katagang pinagbuklod ng kaisipang mapang-alipin. Mga taludturang nililok ng mga karanasan. Mga saknong na hinubog ng pagkakataon. Nagkaroon ng diwa. Nagkaroon ng damdamin. Nagkaroon ng puso. Nakabuo ng isang tula.