Bulung-bulungang dumagundong sa aking pandinig,
Walang katotohanan ngunit patuloy nang nanaig,
Pilit mang ituwid ng pag-asang mananalig,
Tiwala na ay naubos, wala nang sumasandig.
Kataga kong binigkas, punyal siyang tumumbas
Malayo na agad ang kahulugang namalas,
Winikang kahatulan sa puso kong lumandas,
Di na mababawi pa’t di na makakatakas.
Pagbukas ng mga labi, sa iba’y sumugat,
Katiting kong salita’y ikinasisira ng lahat,
Pagsisisihan ko ma’t tawad man ay marapat,
Natatabunan pa rin ng sakdal nilang ulat
Dila sa dila nating giyera ng paniniwala,
Ang siyang magpapaalab sa masakit na diwa,
Pagkat ang tinig na sa puso ay humihiwa,
Higit pang nakalalason sa pang-alipin ng madla.
BINABASA MO ANG
Mga Binhi: Antolohiya ng Isang Sawing Makata
PoetryMga katagang pinagbuklod ng kaisipang mapang-alipin. Mga taludturang nililok ng mga karanasan. Mga saknong na hinubog ng pagkakataon. Nagkaroon ng diwa. Nagkaroon ng damdamin. Nagkaroon ng puso. Nakabuo ng isang tula.