Ang baboy
Kaawa-awang nilalang ikaw pa ay nadadamay,
Inosente pagka’t hayop ngunit ngayo’y nahahalay,
Ang iyong pangalan, ngunit wala kang kamalay-malay,
Na ang tulad mo pala ang dahilan ng paglumbay
Ngalan mo nga’y nadadawit sa mga kasamaan,
Na para bang lahat ng ‘to’y ikaw ang may kagagawan,
Patawad na lang sa’yo pagkat wala ka namang alam,
Habang buhay ka nang baboy at lusak ang hahagkan
Ang masaklap nga’y itong maghapon kang nakayuko,
Pinataba’t binubusog pati damo’y isusubo
Na kapag lumaki na ay ibebenta’t ibubuyo
Gigilitin ang leeg sa tiyan ay ipampupuno
Ugali ng pagkadiyablo sa’yo pa itinutulad,
Porke ba putikin ka at dumi ay bumababad?
Sila ngang nakabarong, namumuti’t tumitingkad,
Amoy na ang alingasaw di pa makuhang lumantad
Tanggapin mo na lahat, di ka makatatanggi
Sumigaw ka man ng hustisya, bulag sila at bingi
Ang pagkawala ng bilyon lahat ay isisisi
Kahit silang buwaya ang nabubusog sa salapi
BINABASA MO ANG
Mga Binhi: Antolohiya ng Isang Sawing Makata
PoetryMga katagang pinagbuklod ng kaisipang mapang-alipin. Mga taludturang nililok ng mga karanasan. Mga saknong na hinubog ng pagkakataon. Nagkaroon ng diwa. Nagkaroon ng damdamin. Nagkaroon ng puso. Nakabuo ng isang tula.