C6: The thread of Death.

199K 3.3K 1.2K
                                    


"He lies, She died, He yearns and She remembers.  —Hanako "

--------------------------------------------x

 LUNA'S POV

                                                      

PUMASOK ako sa loob ng classroom na hawak-hawak ang kulay kayumanggi na kahon na natanggap ko kagabi. Hindi na ako nagulat nang nakita ko ang iba't-ibang kahon na nasa mesa ng mga kaklase ko.

Sabi ko na nga ba. Hindi ako nagkamali sa pagkalkula.

Malakas ang pag-uusap ng mga tao sa paligid ko. Lubos silang natatakot sa nasa loob ng kahon. Kahit ako, aminado ako na pagkakita na pagkakita ko sa laman nito, kinilabutan na ako kaagad na para bang may mga maliliit na gagambang gumagapang sa buong katawan ko. Sa buong buhay ko, ngayon lang ako nakaranas nang ganito.

"Hindi ako makapaniwala!" Sabi pa ng isa sa kanila. "Sinong normal na tao ba ang gagawa nito... at tsaka bakit pa pinadala sa atin?"

Narinig ko pang sabi ng isa. Kahit anong sabihin nila, wala nang magbabago. Napatingin muli ako sa kahon sa harapan ko. Nakasulat sa itaas ang pangalan ko at ang address ng bahay namin. Nakapagtataka. Paano niya nalaman ang address ang tinitirahan ko?

Tumayo ang presidente ng klase at pumunta sa may tapat ng pintuan upang isarado ito. Rinig na rinig ko ang pagtunog ng doorknob nang ini-lock niya ang pintuan.

"Nakatanggap ba tayong lahat?" Tanong niya sa buong klase. Iilan lang ang tumugon. Marahil dahil gulat pa rin ang iba. Ang iba naman ay muling nagkagulo at hindi mapakali kung ano ang gagawin. Narinig ko pa sa iba na balak na rin daw nilang lumipat.

Sino nga ba naman ang matinong tao na gugustuhin pang mag-aral dito kung ganito rin naman ang nanyayari. Napangisi ako. Meron nga pala.

Ako.

"Okay. Hindi ko alam kung bakit at kung sino ang may pakana nito pero pinaglalaruan niya lang tayo. Huwag kayong masyadong matakot." Inilapag niya ang kahon na nakuha niya sa teacher's table.

Kung sino man ang may gawa nito, pinupuri ko siya. Napakaganda ng ideya niya. Ngunit sa kabilang banda, hindi ko lubos maisip na kayang gawin ito ng isang tao. Demonyo lang siguro ang makakagawa nito.

Ang mga laman ng mga kahon ay ang iba't-ibang parte ng katawan ng isa naming kaklase. Hindi pa ako sigurado kung kaklase nga namin ngunit sa pagkakataon na ito na buong klase ay nakatanggap, siguro naman konektado ito sa klase namin?

"Kilala nyo ba kung kanino yang mga parte ng katawan na iyan? May nakatanggap ba ng ulo?"

Hindi ko alam kung matatawa ba ako o maiinis sa pinag-uusapan nila. Katawan ng isang bangkay ang usapan, isa nilang kaklase ngunit para bang normal lang sa kanila. Para bang naghahanap lang sila ng mga parte ng baboy sa palengke. Nanatiling tahimik ang buong klase nang nasabi na walang nakatanggap ng ulo na maaring magbigay impormasyon sa kung kanino ang parte ng katawan sa bawat kahon na natanggap namin.

Binuksan ko muli ang kahon na nasa harapan ko, ang kahon na natanggap ko. Kung hindi ako nagkakamali, puso ang natanggap ko. Isang puso na nakabalot sa isang plastic na maaninag mo ang nasa loob dahil sa kawalan nito ng kulay. Nakaipon pa ang kaunting dugo sa gilid ng plastic.

Lubhang nakasusuya.

Nakasusulasok. 

Nabigla ang lahat at ramdam ko ang pagtaas ng tensyon nang may kumatok sa pintuan. Napahawak ako nang mahigpit sa dulo ng mesa ko. Muli, tinignan ko ang puso na nasa loob ng kahon. Anong dahilan ng gumawa nito? Ang takutin kaming lahat? Ang sindakin ang bawat isa sa amin? 

Class 3-C Has A Secret 2 | completedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon