Chapter 4 - Wrong Assumptions

612 23 17
                                    

Stephanie's POV



"Tinatawagan po ang kaluluwang ligaw ni Stephanie na kasalukuyang naglalakbay sa black hole na kung maaari lamang ay bumalik na rito sa Earth," sambit ng pinsan ko habang nakatapat sa kaniyang bibig ang isang cup ng kape na inorder niya kanina na akala mo ay isang microphone para mas bumenta ang kunwari panawagan niya. Baliw na babae talaga. Dinaig pa ang mga nakasinghot ng Baygon.

Nandito kasi kami sa coffee shop dahil makikipag-eyeball ako sa lalaking matagal ko nang nakakausap sa Facebook. Naniniwala kasi ako na siya na ang lalaking itinadhana sa akin. At kung bakit ko kasama ang isang echosera kong pinsan? 'Yan ay dahil sa napanood namin kagabi sa TV Patrol na babaeng ginahasa dahil nakipag-eyeball. Ay jusko! Kaya ito, sa halip na mamayang gabi sana ang usapan namin na pagkikita ni Toffer ay nahikayat ang kaluluwa ko na sabihing ngayong umaga na lang kami magkita. Nakakaloka nga na kailangan ko pang magsinungaling sa kaniya na busy ako mamayang gabi kaya hindi pwede.

"Tingin mo ba, magugustuhan ako ni Toffer?" tanong ko sa pinsan ko. Itinaas-baba ko pa ang kilay ko at kinagat ang lower lip ko para magmukha akong cute kahit hindi naman na kailangan.

"Dapat ba ay sasagutin kita ng totoo?" she asked back. Aba hanep! Ang galing talagang mambara nang isang 'to. Ang sarap buhusan ng kape! Sinamaan ko siya ng tingin na para ba'ng sinasabi ng mga nanlilisik kong mga mata na kapag hindi siya umayos sa mga sasabihin niya ay makikipag-eyeball na siya kay Kamatayan. Ay ang taray mo, Steph!

"Well, kung ako ang tatanungin ay 50-50 ang probability na magustuhan ka niya," she replied. Medyo nanlumo ang katawang lupa ko sa sinabi niya.

"Hindi man lang 70-30 ang range?" I asked na akala mo ay nakikipagtawaran ako sa palengke.

"At talagang demanding ka pa? Pasalamat ka nga at 50-50 ang chance e. Gusto mo 30-70?!" Ay hayop! Galak na galak talaga sa pagtataray ang babaeng ito sa akin. Pero ganyan lang talaga si Yumi. Siya kasi ang katalinuhan ko na napunta sa ibang katawan. Kaya nga lagi ko siyang kasama sa mga lakad at desisyon ko sa napaka-ayos kong buhay. Magkasama kami ngayon sa iisang apartment. Nasa Mindoro kasi ang mga magulang namin. Masyado kasi kaming echosera na mas piniling dito na lang sa Manila magtrabaho.

"Grabe ka talaga, Yumi. Why you gotta be so rude? Don't you know I'm human, too?" Bigla niyang pinitik ang ilong ko. Aray ha!

"Magkaiba ang rudeness sa honesty. Kung katulad mo lang sana 'yong babae na nakita mo kanina rito sa Café, baka nandyan pa lang sa pinto ay hinimatay na si Toffer pagkakita sa'yo. Kaso, hindi. Ang layo mo do'n sa babaeng 'yon. Mukha siyang mayaman, elegante at napaka-classic ng kagandahan niya. E ikaw?" Teka, parang iniinsulto na yata ako nang isang 'to ah!

"Mabait naman ako ah. Masayang kasama. Okay naman akong maki-ride sa mga trip, 'di ba?"

"Oo nga. Lahat ng binanggit mo, katangian ng isang kaibigan. Hindi girlfriend material. Kaya nga 'di ba nakipag-break sa'yo si Vincent kasi mas gusto niya na magkaibigan na lang kayo? Tapos ngayon, heto ka nanaman sa Toffer na 'to na sa Facebook mo lang naman nakilala. 'Yung totoo, Steph? Ganyan ka na ba katigang sa kakahanap mo d'yan sa sinasabi mong nakatadhana sa'yo?" Mahabang litanya ni Yumi. Hindi ko na siya pinakinggan pa kasi biglang tumunog ang cellphone ko.

Para akong naiihi at hindi ko talaga mapindot ng ayos ang cell phone ko noong nakita ko ang pangalan ni Toffer sa screen. May puso pa nga ang pangalan niya sa contacts ko e. Kung bakit? Wala lang. Mainarte kasi ako. Nararamdaman ko kasi na siya na ang itinakda sa akin.

"Ano 'yan? Tititigan mo na lang ang cell phone mo? Akin na nga!" Hinablot ni Yumi ang cell phone ko. Dinaig pa ang paraan ng paghabot ng mga magnanakaw na napapanood ko sa mga pelikula.

Road To A Happy EndingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon