48

6 0 0
                                    

Gaya nga ng sabi ko, sinampal ko lang naman si Waden nang magkita kami.

"Ano, natauhan ka na?" tanong ko sa kanya habang nakataas 'yong isa kong kilay.

Napahawak siya sa pisnging niyang sinampal ko saka napakamot sa batok. Nakuha pa niyang ngumiti sa 'kin at humirit ng, "Kahit sinampal mo ako, gusto parin kita."

Hinampas ko naman siya sa braso. "Kay Riley mo dapat sinasabi 'yan, Guadencio!"

"Kalma, maylabs. Gusto lang kita, mahal ko si Riley kaya 'wag kang feeling," sabi niya saka ginulo 'yong buhok ko. Naasar ako kaya pinaghahampas ko siya sa dibdib.

"Guadencio naman, e!" Sinamaan ko siya ng tingin tapos sinampal at saka hinampas-hampas ulit. Tawa lang siya ng tawa kaya natawa nalang din ako.

Pilit naman niya akong niyakap at sinabing, "Pero seryoso . . . may gusto talaga ako sa 'yo."

Napatigil naman ako. Seryoso na 'yong boses niya.

Humiwalay naman ako sa kanya at tiningnan ko ng mabuti 'yong mukha niya. Seryoso talaga siya. Mukhang hindi nga siya nagbibiro.

"Weh?"

"Oo nga."

"Kailan pa? Kailan mo pa ako nagustuhan?"

Ginulo niya 'yong buhok ko. "Maylabs, bakit ba ang ganda mo?"

Hinampas ko naman 'yong kamay niya. "Kailan nga?"

Sumeryoso naman 'yong mukha niya saka tumingin sa 'kin. "No'ng birthday ni Erel. No'ng pinagsalitaan ka nila ng kung ano-ano. Tumakbo ka palayo at hinayaan kong sundan ka ni Erel. Pinagsisihan kong pinagbigyan ko siya no'n. Kung nando'n lang sana ako, siguro hindi ka maaaksidente. No'ng makita kitang paiyak na, naisip ko no'n na ayokong nakikita kang gano'n."

Napaupo nalang ako sa bench. Hindi ko alam kung anong unang mararamdaman ko. Pinaalala nanaman niya 'yong araw na 'yon. 'Yong araw na sinabi sa 'kin ni Erel na hindi niya ako gusto. 'Yong araw na dahil sa pagkainggit kay Dreami, hiniling ko na magkaroon din ako ng sakit na katulad niya. Pinagsisisihan ko na 'yon. Sana hindi nalang nangyari 'yong araw na 'yon. Sana hindi nalang ako pumunta no'ng birthday ni Erel. Sana hindi nalang ako umamin. At sana hindi nalang namatay si Dreami.

"Hoy, tigilan mo nga ako, Waden! Awa lang 'yong nararamdaman mo, e!"

"Hoy, hindi, ah! Gusto mo ng proof?" Tapos bigla niyang hinawakan 'yong kanang pisngi ko kaya nanlaki 'yong mga mata ko at bigla kong hinampas 'yong kamay niya.

Natawa lang siya, ako naman, nakatingin lang ng seryoso sa kanya.

"Pasensya na Waden pero—"

"—hindi kita gusto." Pagtatapos niya sa gusto kong sabihin. Napatingin naman ako sa kanya na nakahalukipkip 'yong mga kamay sa mga bulsa at mahinang natawa bago tumingin sa 'kin. "Si Erel ka na ba ngayon?"

Natawa nalang din ako. Nasaktan ako sa sinabi sa 'kin ni Erel dati pero heto ako at muntik nang sabihin rin 'yon sa ibang tao. Wala rin akong pinagkaiba sa plastik na 'yon.

"Bagay sa 'yo 'yang kuwintas na 'yan," bigla niyang sabi kaya natauhan ako. Napatingin naman ako sa kuwintas na suot ko. Hinawakan ko 'yon at saka napangiti.

"Siyempre naman, bigay 'to ni Papa sa 'kin," sagot ko at napatingin sa kanya.

Nawala naman 'yong ngiti niya at nagsalubong 'yong mga kilay niya. Nagtaka naman ako kung bakit 'yon ang reaksyon niya.

"Bakit? May problema ba, Waden?" tanong ko.

Para siyang natauhan kaya napatawa siya ng mahina sabay gulo sa buhok ko.

Dreamaica's NotebookWhere stories live. Discover now