30 | Love You Like a Last Song

7 0 0
                                    

Zach’s Outlook

Ipinatong ni Steve ang phone niya sa lamesa na may pulang mantel. Nasa harapan ko ang touch screen niyang phone at nasa Facebook ito.

“Dalawang araw na ‘yung nakalipas pero may mga nag-co-comment pa rin doon sa video noong ginawa natin sa Banda Bangayan!” wika niya na may ngiti sa labi.

Sunod-sunod ang paglabas ng iba’t ibang pangalan kasama ang magaganda nilang salita at pagbati. Ikinuba naman ni Axel ang katawan niya habang nakaupo upang makita ang nasa cellphone.

“Samantalang noon, kung makalait sila at i-down tayo dahil natalo. Tapos ngayon, parang sinuportahan talaga tayo ng mga Centaur na ‘yan ah!” may pait sa salita ni Axel at sinagi ko siya sa braso.

“Ano ka ba! Ganyan naman talaga ‘di ba, minsan hindi ka nila paniniwalaan hanggat wala ka pang napapatunayan!” wika ko at natahimik siya, “Pero ang mahalaga, hindi mawala ‘yung tiwala mo sa sarili mo. Nagawa naman nating manalo ‘di ba?” tiningnan ko si Axel at Steve.

“Kung suportahan ka nila, salamat. Kung hindi naman, ayos lang! ‘Yung bilib mo lang sa sarili mo ang hindi dapat mawala!” ngumiti sila at mukhang naiintindihan nila ang mga sinasabi ko.

Lumapit na sa’min si Tatay Carlo hawak ang isang folder. Inilapag sa harapan namin, “Na-check n’yo na po ba tatay ‘yung mga napili namin?” tanong ko at tumaas lamang ang kaniyang labi.

“Oo. Pero wala namang dapat baguhin, may tiwala ako sa mga pinili n’yo!” nakakataba ng puso na may nagtitiwala sa desisyon namin, “Napanood ko naman lahat ng nag-audition at sang-ayon din ako sa pinili n’yo!” nagkatinginan kaming lima na nakaupo ngayon sa mahabang lamesa.

Mula sa dulo sa kanan, nandoon si Bread kasunod si Steve. Nasa gitna ako kasunod sa kaliwa si Axel at sa hulihan ay si Cedric. Itinuro na ni Tatay Carlo ang stage, oras na para sabihin ang mga susunod na magiging parte ng Himig Kabataan.

Sa pagtayo namin at pag-ikot, muli naming nasilayan ang mga kalalakihan na nakaupo sa iba’t ibang parte ng Centaurs’ Auditorium. Bumalik sa akin ‘yung mga panahon na nandoon din kami at nakaupo, kinakabahan kung matatanggap ba kami.

“Grabe ‘tol, parang tayo lang noon ‘no? Maihi-ihi na tayo sa kaba!” ipintong ni Axel ang kaliwang kamay sa’king balikat at pinagmasdan ang mga nakaupo.

Natawa ako nang maalala iyun, “Masasabi ko namang sulit ‘yung kabang ‘yun! Kita mo naman, tayo na ‘yung nakaupo rito!” matapos kong magsalita ay tinapik ko ang likod niya upang gumalaw na.

Naglakad na kami papunta sa taas ng entablado. Nag-iingay ang katahimikan sa buong auditorium, may mga nagdadasal at iba ay tamang kalmado lang.

Nagtungo kami sa gitna, inabot nila sa akin ang mic at binuklat ni Steve ang folder na ibinigay sa amin ni Tatay Carlo. Tumingin ako sa kanila. Malamang ay hindi nila ako nakikita nang malinaw ngunit iginala ko pa rin ang aking mata.

Kumuha ako ng hangin at tsaka ito dahan-dahang ibinuga, “Ang bawat tao lalong-lalo na ang mga musikerong kagaya natin ay may iba’t ibang galing. Kaya nga bawat isa ay may instrumentong swak sa kanila, palagi nilang ginagamit dahil doon lumalabas ang kanilang husay!” nakuha ko ang atensyon ng lahat.

“Sa mga nandito ngayon, hindi lang galing at husay sa paghawak ng instrumento ang kailangan sa Himig Kabataan,” pagpapatuloy ko, “Higit na mahalaga ang pakikisama, pagkakaisa ng bawat miyembro at respeto na may iba’t iba kayong galing at kailangan n’yong magtulungan!” may ilang tumango sa mga nakikinig.

“Hindi man kayo palarin na makapasok, hindi ibig sabihin na hindi na kayo magaling. Tandaan n’yo ang dahilan kung bakit kayo nandito at humahawak ng instrumento, dahil ‘yun... sa musika!” matapos kong bitawan ang mga huling salita ay ibinaba ko na ang mic.

Flavors of Your Love 02: Specially Brewed OneWhere stories live. Discover now