21 | Breakfast in Bad

3 0 0
                                    

Zach's Outlook

Hindi pa man tuluyang humihinto ang pag-ikot ng gulong ay binuksan ko na ang pinto ng van. Nang maihakbang ko na ang aking kanang paa sa labas ay tsaka ako napatingin muli sa loob.

"Pasensya na talaga mga 'tol ah! Hindi na natin muna matutuloy ngayon!" bakas na rin sa mukha nila ang pag-aalala.

"Wala 'yun Zach. Kami na ang bahalang mag-cancel sa mga na-appoint natin, ang mahalaga eh 'yung nangyayari sa bahay n'yo!" mahinahong sagot ni Axel.

"Balitaan mo na lang kami kung ano, tumawag ka kaagad kung kailangan mo ng tulong!" segunda ni Cedric at tumaas-baba na lamang ang ulo ko.

Nang makapag-pasalamat ako ay kaagad ko nang pinagalaw ang paa ko. Tila mauubusan ako ng oras sa lakad-takbong ginagawa ko. Hindi naman maiwasan na mapunta ang mata sa akin ng iba lalo na sa pustura ko ngayon.

Natugpan ko na lamang ang aking sarili sa tapat ng bahay. Halos wala pang dalawang minuto akong nakababa sa van ay narito na ako.

Hindi na maipaliwanag ang itsura ni Chelsea na siyang tumawag sa akin, "Zach! Buti dumating ka na. Nakalma na si Nanay Ynna pero inaantabayan pa rin siya ni Ate Liberty!" walang isang salita sa sinabi niya ang na-proseso ng utak ko.

Walang segundo akong pinalagpas at nagtungo na ako sa loob. Tumambad sa akin si Nanay Ynna na nakaupo sa papag, may aparato na nakalagay sa braso niya kung saan ang dulo ay hawak ni Ate Liberty at marahang pinipisil.

"Ate Liberty, ano'ng nangyari?" tanong ko sa kapit-bahay naming registered nurse, "Nagkaroon ng biglang pagtaas sa dugo ni Nanay. One hundred fourty-five over ninety ang blood pressure niya kanina pero ngayon, bumaba na 'to sa one hundred twenty over eight!" para akong papanawan ng ulirat sa narinig ko.

"Kailangan pa rin siyang antabayan, nalapatan ko na si Nanay ng first-aid, 'wag n'yo muna siyang galawin at hayaan n'yong magpahinga!" paalala nito at nagpasalamat ako bago siya umalis.

Kinuha ko ang espasyo sa tabi niya, "Nanay, ayos na ba talaga kayo? Gusto n'yo bang dalhin ko na kayo sa ospital?" may nginig sa boses ko habang nagtatanong ngunit isang ngiti lang ang isinagot niya.

Hinawakan niya ang mga kamay ko, "Hindi na kailangan, anak. Maayos na ako. Nabigla lang ako sa sinabi ng kapatid mo!" dahil sa sinabi ni Nanay Ynna ay napunta ang mata ko sa lamesa namin.

Tahimik lamang na nakaupo si Louise at nasa hita niya nakaupo si David. Katabi naman ni Chelsea si Ingrid na namumula na ang mata at hindi matigil ang pagbuhos ng luha sa mata nito.

Mas lalong humigpit ang hawak sa akin ni Nanay, "Kausapin mo ng maayos ang kapatid mo. Ayokong mag-aaway kayo sa harapan ko, baka tumaas na naman ang dugo ko n'yan!" hindi ko alam kung paalala iyon o isang pananakot para hindi ko pagalitan ng malala ang kapatid ko.

Tumayo na ako at humakbang papunta sa harapan ni Ingrid. Nakailang beses na akong nakalunok ng sarili kong laway upang basain ang nanunuyong lalamunan. Hindi makapunta ng tuwid sa mga mata ko ang titig ni Ingrid.

"Ingrid, ano 'tong sinabi sa akin ng Ate Chelsea mo kanina sa telepono na naging dahilan ng pagtaas ng dugo ni Nanay?" kalmado kong wika ngunit naroon ang awtoritado.

Mahihinang hikbi lamang ang nagagawa niyang isagot. Naihawak ko sa'king kanang bewang ang kanan kong kamay. Napahilamos naman nang mariin sa aking labi ang kaliwa kong palad.

Kumuha ako ng hangin, "Gusto kong sa'yo mismo manggaling. Ano 'yung bagay na nakapag-pataas ng dugo ni Nanay Ynna?" pilit kong pinipisil ang nagwawala kong emosyon.

"Zach, 'wag mong tinatakot 'yung bata!" pigil ni Chelsea at muli niyang hinimas ang likuran ni Ingrid at inayos ang buhok na humaharang na sa mukha nito.

Flavors of Your Love 02: Specially Brewed OneWhere stories live. Discover now