K E V A N
Bakit ang lamig? Naka full blast ba ang aircon? At naka-ON din ba ang electric fan?
Ang lamig talaga. Naka kumot naman na ako, pero ang lamig parin, sobra. Yung lamig na parang hampas ng alon. Nawawala ng ilang segundo, tapos biglang hahampas na naman uli.
Nanginginig ako sa lamig. Pero di ko kayang bumangon para patayin ang aircon, o kumuha ng mas makapal na kumot sa cabinet. Wala akong lakas para bumangon.
Ang bigat ng pakiramdam ko. Parang may pumupukpok ng martilyo sa ulo ko.
Tapos yung parang nabibingi ako, yung parang may tubig sa tenga ko— di ko marinig ng maayos ang buga ng aircon, pati yung tiktak ng orasan na usually naririnig ko naman, o kahit yung hilik ni Jansen sa kabilang kama. Wala. Wala talaga.
Pero parang biglang nabawasan ang lamig na nararamdaman ko.
Parang may nag latag ng isa pang kumot sa katawan ko.
Sinubukan kong imulat ang mga mata ko. Napakabigat. Ang labo nang paningin ko. Ang dilim ng paligid.
May taong naka tayo sa gilid ko. Hindi ko maaninag ang mukha niya. Hindi siya nagsasalita.
Sinubukan kong magsalita. Walang boses na lumalabas. Nilapat niya ang daliri niya sa labi ko. Tapos kinapa niya ang noo ko.
Naglagay uli siya ng isa pang kumot. Nabawasan na ang lamig kahit papaano.
Umupo siya sa tabi ko. Naramdaman ko ang basang bimpo na pinatong niya sa noo ko.
Inangat niya ng konti ang ulo ko, binuka ang bunganga ko at may tabletang tinulak. Pinainom niya ako ng tubig mula sa basong may straw.
Dahan-dahan niyang pinatong ang ulo ko pabalik sa unan.
In-adjust ang basang bimpo sa noo ko, pati narin ang kumot sa katawan ko.
May pumupukpok parin sa ulo ko at napakabigat parin ng pakiramdam ko.
Ang bigat ng mga mata ko...
May mga boses akong naririnig. Parang nagtatalo. Pamilyar sa 'kin ang mga boses.
Sinubukan kong imulat ang mga mata ko. Madilim ang paligid. Bahagyang naka bukas ang pinto at may taong naka tayo na parang humaharang sa taong nakatayo sa labas. Di ko marinig masyado ang kanilang usapan, pero parang may pinagtatalunan. At ilang beses ko narinig ang aking pangalan.
Boses ni Kent.
Boses ni Jansen.
Boses ni Kent.
Nagsasagutan.
Narinig ko na naman ang pangalan ko.
Padabog na sumara ang pinto.
* * *
Maliwang na nang magising ako. Inikot ko agad ang mata ko sa kwarto. Pasado alas diyes na ng umaga pag tingin ko sa orasan.
Nasa dorm na pala ako. Nakita kong tulog din si Jansen sa kabilang kama. Pero hindi ko maalala kung pano ako nakauwi. Pagkakaalam ko, naghihintay kami ni Jansen kay Kent. Pagkatapos na pagkatapos ng Cheer Camp kahapon, parang rumaragasang baha na sumama ang pakiramdam ko. Naalala kong natulog ako sa may hagdan ng gym dahil sa sama at bigat ng pakiramdam ko habang hinihintay si Kent na sunduin kami.
Sinubukan kong bumangon, pero ang bigat parin ng pakiramdam ko. Narinig yata ako ni Jansen kaya mabilis siyang tumayo at tinulungan akong bumangon. Parang naalimpungatan lang siya kaya naniningkit pa ang mga mata niya at parang dinaanan ng bagyo ang buhok.
"Dahan-dahan lang," rinig kong sabi niya, garalgal ang boses. "Kamusta pakiramdam mo?"
Nakakapanibago.
Tinulungan niya akong maupo sa kama. Medyo magaan na ang pakiramdam ko compared kahapon. Kinapa ko ang noo ko, medyo mainit parin, pero di na rin kasing init ng kahapon.
"M-medyo okay na," nahihiya kong sabi. "P-pano tayo nakauwi?"
Di niya sinagot ang tanong ko. Bigla niyang kinapa ang noo ko, "Mainit ka pa rin. Gutom ka na ba?"
Oo, sobra. Nagising din ata ako dahil sa gutom ko. Pero di pa man ako sumasagot, tumayo na siya at tinungo ang mini-kitchen. May kinuha siyang mangkok at pinasok ito sa microwave.
"Teka lang," aniya.
Napatingin lang ako sa kaniya, di ko alam ang sasabihin. Naka loose na white t-shirt lang siya at checkered na boxers. Naninibago ako sa kaniya. Tumingin siya sa akin at nagkatinginan kami saglit, pero agad kong iniwas ang tingin.
Ilang minuto ang nakalipas, narinig ko ang pag "Ding!" ng microwave. Kinuha niya ang mangkok na nakapatong sa plato, nilagay sa tray at dahan-dahang inabot sa akin.
"Kaya mo na bang kumain?" tanong niya. Direchong tanong pero may halong pag-aalala.
"Ah... Oo... K-kaya ko," sagot ko.
Teka. Egg drop soup 'to ah. Eto yung laging niluluto ni mama pag may sakit kami ni Ate K. Nagtatakang napatingin ako kay Jansen. Nakatayo lang siya at nagmamasid sa 'kin. Bigla tuloy ako na-conscious, ayoko nung feeling na parang may nakabantay sa bawat galaw ko.
Pero yung mga alaga ko sa tiyan nag wi-welga na, kaya mabilis ko nang nilantakan ang sopas na bigay ni Jansen. Wow! Kuhang-kuha ang lasa ng timpla ni mama! Pano nangyari yun? Pati yung mushrooms at garnish na spring onions— recipe ni mama. Luh?
Nang maubos ko na ang sopas, kinuha ko ang cellphone ko sa may bedside table. Nagulat ako na napakaraming notifications. Napakarami ding missed calls at messages galing kay Kent. Isa-isa kong binasa ang mga chat niya. Since kahapon pa mga 'to ah. Sorry siya ng sorry. Tanong ng tanong kung nasaan kami ni Jansen. Nagtataka ako kung anong nangyari.
So hindi nakarating si Kent kahapon? Pano pala kami nakauwi? Teka, parang narinig ko boses ni Kent kagabi ah. Pero baka panaginip lang yata.
"Andaming missed calls at chat ni Kent, tapos nagso-sorry. Anyare?" tanong ko na di tumitingin sa kaniya.
Parang di niya narinig ang tanong ko, o nagkukunwari lang na di ako narinig. Di siya sumagot.
"Tawagan ko nga si Kent," ani ko.
"Di ba may sakit ka? Matulog ka jan uli," rinig kong sabi niya, pero nag bingi-bingihan ako.
Kinuha niya ang mga pinagkainan ko sabay sabing, "Tama na kaka cellphone."
Sinapian ba 'to ng espiritu ng mama ko?
Nang biglang nag beep ang cellphone ko at may nag pop-up na notification sa Facebook. May bagong friend request.
"Alds Rayta? Sino nga si Alds Rayta? Bakit niya 'ko in-add?" bulong ko sa sarili, pero napalakas pala ang pagkasabi ko.
Tiningnan ko ang profile picture at bigla kong naalala, "Ah! Yung gymnast kahapon sa camp! Tama!"
Accept ko na sana ang friend request nang bigla na lang niyang hinablot ang cellphone ko. Aalma pa sana ako pero natahimik ako dahil sa kakaiba niyang tingin.
"B-balik mo phone ko! M-manunuod ako vid—"
Bigla na lang niyang inabot ang iPad niya sa akin, pati na rin ang isang pint ng ube ice cream.
Di na 'ko nakasagot.
Kinuha ko na lang ang iPad at ice cream na paborito ko.
Parang napa toe touch kasi bigla ang puso ko.
* * *
Friday na! Last day na ng University Week. Last day na ng mga activities ng mga clubs, at maging mga food stalls sa parking lot. Sayang lang at may dalawang araw din akong na-miss dahil sa lagnat ko. Next week, balik normal na ang klase, balik normal na din ang pep squad practice, balik normal na ang lahat.
Starting next week, magfo-focus na kami sa pag build ng routine namin for the competition. Isa't kalahating buwan na lang, at sa tingin ko sapat na time pa naman yun.
Okay na din yung pilay ko. Sumasakit paminsan-minsan kaya todo ingat parin ako. Hindi pwedeng magka injury pa uli lalo na't malapit na ang competition. Konti na lang, matatapos na rin ang routine namin.
Naglalakad ako patungong gymnasium nang biglang nag ring ang phone ko— si Timmy, nag au-audio call sa Messenger.
"Bes!!!"
Nilayo ko agad ang phone sa tenga ko, parang na sundot ang eardrum ko sa tinis at taas ng boses ni Timmy. Tinalo pa si Morisette. Di pa man ako nakapagsalita, sunod-sunod na siyang tumalak.
"Nakakalerky ha! Si mayora alam mo kung saan gusto mag dinner date?" tanong niya sa kabilang linya.
Na gets ko naman agad ang sinasabi niya. Si Kath ang tinutukoy niyang mayora. Si Timmy kasi ang punong-abala sa pag set ng mga dinner dates ng mga nanalo sa auction.
Syempre di na naman ako naka sagot. Sariling tanong niya, siya din sasagot. Sanay na 'ko.
"Mawiwindang ka!" aniya. Nag pause siya saglit. Pa suspense din 'tong isang 'to. "Sa La Onirique lang naman gusto mag dinner ni mayora!"
Nanlaki naman agad ang mga mata ko. Ang La Onirique lang naman ang pinaka sosyal at pinaka mamahaling restaurant dito sa amin. Fine dining restaurant ito na kilala sa kanilang 10 course meal at puro mga mayayaman lang ang kumakain. Mahaba din ang waitlist dito kaya advance lagi ang reservation.
"At nako nako nako, eto pa!" tuloy-tuloy lang siya kakasalita. Di man lang ako binigyan ng chance magsabi kahit "Hello" man lang. "Gusto niya bukas na agad!"
Parang nababasa naman ni Timmy ang nasa isip ko, at may sagot na agad siya sa sasabihin ko pa lang sana.
"Oo! Bukas agad. Kalerky, di ba? Alam ko na sasabihin mo, bes! May waitlist dun kaya tinawagan ko na agad kanina. Eh syempre, next month pa ang available table para sa lola mo!"
Dire-direcho din talaga maka report ang isang 'to. Yung tipong kaya niyang basahin ang alamat ng tipaklong sa isang hingahan lang.
"So sinabi ko agad kay mayora at nag recommend ng ibang restaurant na lang," patuloy niya. Umupo na lang muna ako sa bench sa ilalam ng punong kahoy habang nakikinig sa monologue niya. Matagal-tagal pa 'to matatapos. "Aba'y sabi ba naman na di niya ibibigay yung bid amount niya kung hindi matutuloy ang dinner bukas sa La Onirique!"
Napakunot ang noo ko. Ang imposible naman ng gusto ni Kath! At di ko gusto na ginagamit niya yung pera para i-threaten kami na di ibibigay pag di nasunod ang gusto. Ang laking amount din nun! Malaking tulong yun sa funds namin. Pero wala akong maisip na pwedeng gawin para makakuha ng reservation sa La Onirique.
"Pero don't cha worry, bes! May naisip na akong solusyon," ika niya. Nakikinig lang ako kasi di ko naman na dapat tanungin.
"Ano ang solution? Oo, alam ko yan ang itatanong mo. So dapat alam mo na rin ang sagot ko," nag pause siya para na naman sa suspense effect. "Edi Papa Kent to the rescue!"
"Hindi!" Finally, after 10 years nakapagsalita na 'ko. "Ang dami nang tinulong ni Kent sa atin, Tim! Wag naman natin abusuhin."
"Ayysuuuus-celes triangle!" biglang sambit niya. "Ngayon natin mas kailangan ang tulong ni Kent, bes! Wala tayong powers, walang kenekshenssss. At base sa research ko, isa sa mga shareholders ng La Onirique ang tito niya!"
"Pero, Tim!"
"At di makaka-tanggi sa 'yo yun. Ikaw pa ba? Lakas-lakas mo kaya dun!" kahit sa telepono, nararamdaman ko ang nakakalokong ngiti niya sa kabilang linya.
"Abuso na 'to, Tim. Nahihiya ako."
"Bes, wag ka na mahiya. Para 'to sa team. Sige na, please?" makaawa niya na tunog utos naman talaga.
Napabuntong-hininga na lang ako. "Teka, isipin ko muna pano sasabihin sa kaniya."
"Ay di na kelangan. Ngayon mo na agad sabihin. Teka," pahayag niya.
"Ha? Anong ibig mo sabihin? P-paano—"
Biglang may click akong narinig sa linya at may boses na nagsalita.
"Hi, Kev! Hey, Tim! What's up?" boses ni Kent.
Tiningnan ko naman agad ang phone para ma confirm. Aba'y naging group call bigla. Girl scout talaga 'tong si Timmy. Laging handa.
Di ko alam ang sasabihin. Nagulat ako. Di ko pa naisip kung pano sasabihin, tas kausap ko na agad si Kent. 'Tong Timmy na 'to talaga! Haaay.
"Timmy said you wanna tell me something?" tanong ni Kent.
Timmy!!! Grrrrrrr.
"Ah...eh...k-kasi...kasi ano..." di ko talaga alam paano sabihin.
Nauunahan ako ng hiya. Ang dami nang tulong ni Kent kasi sa amin— sa akin. Ayokong isipin niya na inaabuso na siya. Lalo na't malaking favor 'tong hihingin namin.
Dead air. Walang nagsasalita. Hindi ko alam paano simulan.
"Kev?" may kung ano sa boses niya.
"K-kasi Kent, ano...h-hihingi kami sana ng favor," umpisa ko.
"Oh okay. What is it?" parang narinig ko ang disappointment sa boses niya. O baka feeling ko lang.
"Kailangan kasi namin maka kuha ng reservation sa La Onirique ang haba na kasi ng waiting list pero kailangan kasi sana namin para bukas importante lang talaga nahihiya na nga ako sa 'yo pero wala na kaming ibang option nagbabakasakali lang na matulungan mo kami pero okay lang din kung hindi," sinabi ko ng isang hingahan lang at habang nakapikit. Naubos ang hangin ko dun kaya napa inhale ako ng malalim sabay buntong hininga.
"I see. Let me see what I can do. I'll call you back in a bit, okay?" ika niya. Tumango-tango naman ako kahit di naman niya ako nakikita. Tanga lang.
Nag drop off na si Kent sa call kaya nakahinga na ako ng maluwag. Agad naman napa-tili si Timmy.
"Hyaaaaaa!!!" kaya nilayo ko na naman ang telepono sa tenga. "Shor na yan, bes! Si Fafa Kent pa ba?"
"Sana nga, Tim," ang tanging nasabi ko.
"Osha, balitaan mo 'ko agad pag may update na ha?" sabi ni Timmy. "Para ma update ko na din yung bruha, at para makuha na natin ang pera."
Binaba na namin ang tawag na sakto naman sa pag pasok ng message ni Kent. Napa ighap ako, kinakabahan sa chat ni Kent.
Got you a table for tomorrow, 7:30pm. Your name 😊
Napatalon ako sa tuwa! Pero napatiklop naman agad dahil pinagtinginan ako ng mga estudyanteng dumaan.
* * *
"10 course meal? Ano yun?"
"Sampung courses, bes!" sagot ni Timmy.
"Tinagalog mo lang!" ani ko sabay amba ng palo.
Andito si Timmy sa dorm para tulungan ako mag prep para sa dinner date sa La Onirique with Kath mamaya. Kung pipitchuging restaurant lang sana 'to, kahit mag t-shirt at jeans na lang ako, yung normal na damitan ko lang. Pero since sa mamahalin at sosyalin na restaurant, eh kailangan ko din daw mag dress up kahit papano.
Actually, medyo kabado ako. First of all, di kami close ni Kath. Di ko alam ang aming pag-uusapan. At lately napapansin kong parang uma attitude nga siya sa amin eh. Baka maging awkward lang ang dinner naming dalawa. Pangalawa, first time kong kumain sa isang fine dining restaurant. Napapanuod ko lang 'to dati sa mga vlogs at dun pa lang, medyo intimidated na ako. Pangatlo, limited lang ang mga damit kong pang dress up, kaya nag dala si Timmy ng mga damit niya na ginagamit sa internship niya para daw may options ako. Kaso lang, nakakasilaw ang mga kulay ng mga damit ni Timmy! May yellow, pink, orange, at purple, may floral at polka dots pa— yung mga kulay na parang di ko talaga kayang suotin. At ayokong mag mukhang walking magic spring!
"A full-course dinner is a dinner consisting of multiple dishes, or courses. In its simplest form, it can consist of three or four courses; for example: an appetizer, a main dish, and dessert," binasa niya ng malakas galing Wikipedia. "Hala, three or four lang naman daw, bakit sa La Onirique sampu?!"
Napa kibit balikat lang ako habang pumipili ng susuotin. Wala talaga ako masyado alam sa mga ganyang pang alta sociedad na mga bagay. Patuloy pa niyang binasa ang Wiki page, pero parang nahilo lang ako sa dami ng mga detalye.
"Sulitin mo na 'to, bes! Wag kang kumain today para banat ka mamaya sa dinner," dagdag pa niya.
Maya-maya pa'y tumunog ang phone niya.
"Ay bongga, nag money transfer na si mayora!" aniya. Hanggang ngayon di parin ako makapaniwala na nag bid si Kath sa'kin ng P20,000! Pero panalo pa rin si Jansen sa bid ni Joey na P30,000. Grabe!
Hanggang sa nakapili na ako ng susuotin— yung sariling long sleeves ko na lang na dark green at ipapares ko na lang sa beige na chinos at brown leather loafers. Okay na 'to. Di ko kasi talaga kaya suutin ang makukulay na damit ni Timmy.
"Wag mo sabihin pupunta ka sa La Onirique nang naka ganyan lang?" tanong niya.
"Bakit? Okay naman 'tong suot ko ah," sagot ko, pero tumaas lang ang isang kilay niya.
"Bes, fine dining restaurant yun! Sosyalin ang mga tao dun," ika niya at naupo siya sa kama ni Jansen. "May friend akong nag OJT dun dati, at kwento niya sa akin, halos lahat na mga pumupunta dun naka formal attire..."
"Halos lahat," inulit ko ang sinabi niya. "Ibig sabihin, di naman lahat. So okay na 'to!"
Inirapan niya lang ako sabay sabing, "Balakajan!"
* * *
7:15pm na 'ko nakarating sa La Onirique. Sa entrance pa lang, masasabi mo na talaga na mamahalin 'tong restaurant na 'to. Di ko itatanggi na excited din ako. Sa pictures at vlogs ko lang dati nakita ang restaurant na 'to. Ngayon, ma-i-experience ko na din sa wakas! Di ko lang in-expect na si Kath pa ang makakasama ko dito. Jowa pa naman sana yung ini-imagine kong kasama ko. Teehehehe...
Sinalubong agad ako ng isang staff at binati ng "Good evening! Welcome to La Onirique!" May nakasulat na Maître D' sa maliit na nameplate nito sa dibdib. Parang na conscious naman ako bigla dahil tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa, di ko mabasa ang expression niya sa mukha.
Bakit kaya? Di naman gusot damit ko ah! Pogi ko nga daw sabi ni mama, sa isip ko. Nag send kasi ako ng picture kay mama kanina.
Sinabi ko naman agad ang pangalan ko at walang imik na sinabayan niya akong maglakad sa hallway na may mahabang fish pond sa gilid na pinalilibutan ng mga bulaklak at halaman. Pag pasok namin sa malaking pinto, nalula naman agad ako sa mga nakita ko. Yung mga ilaw, yung mga furniture pati yung sahig— kahit saan ako tumingin parang lahat ng mga bagay kumikinang. Ang ganda! Napapatalon ang puso ko. Ang taas ng kisame at andaming chandeliers na nagre-reflect ng ilaw sa mga mosaic glass windows. Napaka romantic ng ambience! Di na'ko nag taka bakit sikat ang lugar na 'to.
Hinatid na niya ako sa isang bakanteng table na naka-reserve sa pangalan ko. Wala pa si Kath dahil maaga pa naman kaya naupo na muna ako. Inikot ko ang mga mata ko sa paligid— grabe! Ibang-iba talaga ang pakiramdam kung i-compare mo sa mumurahing restaurant. Halos puno na ang restaurant, pero parang ang spacious pa rin tingnan.
Parang may kung ano din sa ambience dito sa loob na nakakapag pakalma. Siguro dahil sa tugtog? O dahil sa mga puting mantel sa mesa na ang linis tingnan? O sa amoy? Ang bango eh... parang bulaklak na may pagka-citrusy din na ang fresh na basta! Iba talaga!
Nalula naman agad ako sa mga kubyertos na nasa harapan ko. Andaming kubyertos na naka hanay— mga kutsara, tinidor, at kutsilyo na iba-iba ang sizes.
Luh bakit andami? sa isip ko.
Napa-Google naman ako bigla para hanapin kung pano mga 'to gamitin. Pero di pa man nag load ang website na nakita ko, napansin kong may papalapit na babae kaya tinago ko na lang ang phone ko.
Si Kath! Ang gara at sexy ng suot niyang emerald green dress na kumikinang-kinang pag natatamaan ng ilaw.
"Hi Kath!" bati ko sabay tayo. Di siya umimik.
Gaya ng napapanuod ko sa mga pelikula, hinila ko ang upuan niya at pinaupo siya para gentleman daw kunyari. Ngumiti siya, pero yung ngiting ewan. Yung parang plastic na ngiti.
Naupo na din ako agad habang nakatingin lang siya sa akin. Di ko alam ang sasabihin. Medyo awkward ang silence sa aming dalawa kaya pinilit ko na lang na mag initiate ng conversation.
"Ang gara ng suot mo! Bagay na bagay sa 'yo," ika ko at ngumiti lang siya uli na parang pilit habang tinitingnan ako mula ulo hanggang paa. "Akalain mo yun, parehong tayong naka green!"
Di niya ako pinansin at agad na siyang sumenyas sa waiter na naka gray vest, white long sleeves, at black bowtie na agad namang lumapit. Nag abot ito ng menu sa amin at parang bigla akong na duling...
Juice colored!!!
Ano 'tong mga pagkain na 'to?! Di ko nga kaya basahin. At ang nakakatakot pa, di nakalagay ang presyo! Baka mahal 'to. Jusko po, help! Mga french food ata 'to kaya sure akong alam na alam ni Kent ang mga 'to. Kung andito lang sana si Kent huhuhu.
Nakita ko naman ang kakaibang tingin ni Kath sa'kin, siguro napansin niya na parang nalula ako sa menu. Napa smirk lang siya at biglang napa irap ng mata. Eh nakakalula naman talaga! Mas pipiliin ko pang tumingin ng mga codes sa programming kesa dito!
"Good evening and welcome to La Onirique," bati ng isa pang lalaking naka black suit. "My name is Lean, and I'll be your sommelier for tonight."
Nu daw?
"Any recommendations for the wine pairing?" tanong ni Kath.
"Of course! For your 10-course meal, we have exceptional wine options to complement the diverse flavors of each course," sagot ng sommelier. Hala nag englishan na sila! "My first suggestion is the William Fèvre Chablis Champs Royaux. It has bright citrus flavors, green apple notes, and a distinctive flinty minerality. You may also go with the Dom Pérignon Brut Vintage, a luxurious Champagne with delicate bubbles and notes of citrus, stone fruits, and brioche."
Tumango-tango lang si Kath habang ako naman ay naka nga-nga, di alam kung ano ang pinag-uusapan nila.
"What do you think?" tanong ni Kath, pero nataranta ako nang ma-realize kong ako pala ang tinatanong niya.
"Ha? Ah..eh.. wala akong idea eh," nahihiyang sagot ko. Wala naman kasi ako ka alam-alam sa mga mamahaling inumin na 'to!
"Why am I not surprised?" ika niya na nakataas ang isang kilay.
"Let's go with the Chablis. What about a red wine option?" dagdag na tanong ni Kath sa sommelier.
"I recommend the Château Lynch-Bages Pauillac. It's a Bordeaux blend with rich flavors of dark fruits, cassis, and a touch of spice," sagot niya.
"Sounds divine!" wika ni Kath.
Tumango na siya sa sommelier na siya namang tumalikod at nag tungo sa kusina. Grabe, parang naka rinig ako ng lecture sa French history sa pag-uusap nila tungkol sa wine! Nag-katinginan kami ni Kath. Ngumiti lang ako, at inirapan niya lang ako. Luh?
Ang awkward naming dalawa. Di kami nag-uusap. Pag kinausap ko kasi siya, parang wala naman siyang interest sa mga sinasabi ko, at plastic na ngiti o tango lang ang sinasagot sa 'kin, kaya tumahimik na lang din ako.
Maya-maya pa'y dumating na ang waiter dala ang unang course. Binigkas pa niya ang tawag sa pagkain, pero di ko naman naintindihan. Akala ko kung anong klaseng pagkain na, kasi napaka sosyal ng pangalan, eh cheese puff lang naman pala! Pero ang ganda lang ng plating, at kakaiba ang lasa. Masarap pero bitin—dalawang piraso lang kasi ang binigay ☹️
Di ako kumain buong araw, kaya mabilis kong nilantakan ang cheese puff. Mapang husgang tingin naman ang binaling sa'kin ni Kath, kaya parang nakaramdam din ako ng konting hiya.
"Kevan, hinay-hinay lang. Wag masyadong PG!" saway ko sa sarili.
Grabe yung excitement ko nang dalhin na ng waiter ang sunod na course. Iniisip ko pa kung ano kaya yung escargot. Pero, napa nga-nga ako nang makita ko kung anong inihain niya sa harap ko.
Kuhol, mennn! As in kuhol!
"Jusko po! Ano yan?!" gulat kong tanong. Medyo napalakas pala pagka sabi ko, kaya napatingin din ang mga karatig mesa. Yung iba parang natawa pa. Nakaramdam uli ako ng hiya.
"Escargots de Bourgogne in Garlic and Parsley Butter," wika ng waiter.
Napatingin uli ako sa plato—limang pirasong kuhol na may kulay green pang garnish sa loob. Napalunok ako. Kinakain pala 'to? At dito pa sa mamahaling restaurant??
Narinig ko ang mahinang tawa ni Kath.
"It's a French delicacy. Surely you've heard of it?" mataray niyang tanong.
"S-sorry, d-di ko alam, " wika ko. "D-di ko yata kayang kainin yan."
Napatawa si Kath. Siguro natatawa siya sa discomfort ko. Parang babaliktad kasi ang sikmura ko.
"Oh, Kevan, dear Kevan. Of course, you're a stranger to the finer things in life," parinig niya na naka taas pa ang isang kilay. "Hanggang fast food lang kasi ang kaya mo."
Parang nag-init ang mukha ko. Nagulat ako sa sinabi niya at di ko alam ang isasagot. Napayuko lang ako.
"Sir, don't worry. Safe pong kainin yan," wika ng sommelier na kakabalik lang at may bitbit na bote ng wine. "Delicacy po talaga yan sa France. Try niyo po."
In-explain pa ng sommelier pano ito niluto at kung anong dapat kong i-expect na lasa. Medyo gumaan ang pakiramdam ko sa mga sinabi niya. Napatingin ako kay Kath, naka-smirk ito at mapang-husgang tingin lang ang binaling sa'kin.
Naisip ko, tutal andito na din naman ako, bakit di ko na lang subukan?
Tinuruan pa ako ng sommelier paano kainin kaya dahan-dahan akong kumuha ng isang piraso. Napa-pikit pa'ko nang isubo ko ito, pero laking gulat ko na parang bawang at parsley lang ang nalasahan ko. Yung meat niya ay parang meat lang din ng manok na parang isda rin, na parang mushroom, na hindi ko maintindihan! Okay naman pala ang lasa! Di ko lang nagustuhan kung pano si Kath umasta kanina.
Sunod-sunod nang inihain ang mga kasunod pang courses. Nagugulat na lang ako sa mga pagkain, ang complicated kasi pakinggan ng tawag sa mga ito in French, pero onion soup lang naman pala, vegetable salad na may cheese, isdang may ma-alat alat, manamis-namis na ma-asim asim na sauce. Panalo lang talaga ang plating kasi napaka sosyal talaga tingnan! Masarap din naman pero mostly nakakapanibago ang lasa. Syempre, sanay lang talaga dila ko sa Filipino cuisine, lalo na mga lutong bahay. At ang konti ng serving nila ☹️
Na enjoy ko yung cheese course, pati na rin ang dessert! Na enjoy ko din ang chablis at red wine. Ang di ko lang na enjoy ay ang mga mapang-husgang side comments ni Kath. Sa totoo lang, nakaka-pang liit ang mga sinasabi niya. Para siyang nang aalipusta, nang iinsulto. Madalas, naririnig pa ng mga karatig mesa kaya grabe din ang hiyang naramdaman ko. Grabe na din ang pagtitimpi ko.
"Well, Kevan, it's clear that this isn't the place for you," wika niya nang binigay na sa akin ng waiter ang bill.
Nanlaki kasi ang mata ko nang makita ko kung magkano. Napa message naman ako kay Timmy agad, at sandamakmak na messages ang na receive ko galing sa kanya, pero di ko pa nababasa at narereplyan.
"Stick to what you know. Cheap fast food suits you better," dagdag pa ni Kath.
Pumantig na ang tenga ko. Parang hindi ko na kaya mag timpi. Napa yukom ako ng kamao at tiim-bagang ko siyang tiningnan habang naka ngisi lang siya sa'kin.
"May problema ka ba sa'kin, Kath?" tanong ko.
Matalim na tingin ang binaling niya sa akin sabay sabing, "Oo! Sa'yo at sa mga patay gutom na pep squad!"
Nagulat ako sa sinabi niya. Bakit nadamay pa pati pep squad dito? Siguro nabasa niya ang pagtataka ko.
"You don't know what I'm talking about, right? Tanungin mo ang magnanakaw mong coach, then!" napa taas ang boses niya kaya napa tahimik bigla ang mga karatig mesa.
"Magnanakaw? A-anong ibig mong sabihin?"
Nanlisik lalo ang mga mata niya. Kinuha niya ang phone niya at may mga pinakitang pictures at videos ni Coach Jun. Isa dito ang picture ni coach na nag encash siya ng money order slip sa university cashier, at picture mismo ng money order slip na nagkakahalagang P250,000 na nakalagay "Pep Squad fund".
May video din si coach na nagbibilang siya ng pera, at video na inaabot niya ang pera sa isang lalaki sa labas ng school. May picture din siyang nag sho-shopping sa mall.
Di ako makapaniwala sa nakita ko. Sa isip ko, di magagawa ni coach 'to! Imposible! Di ganyan ang pagkaka kilala ko kay coach!
"Marami pa 'kong ebidensya and I have eye witnesses! And guess what, I'm taking this matter to the Board of Trustees tomorrow!" ika niya, galit na galit. "Say goodbye to your beloved pep squad. I'll make sure that your team will be disbanded!"
Di ko alam ang sasabihin. Paano na 'to? Paano na ang pep squad?
Pakiramdam ko pinagtakluban ako ng langit at lupa.
Anong gagawin ko? Si Coach Jun? Ninanakaw ang pera ng squad?
Shit. Di ako makapaniwala.