The Fourth Order Series

By LKsolacola

72.5K 3.2K 313

[NOTE: I'm working on the English translation of The Fourth Order Series on Royal Road. :)] Simula pagkabata... More

First Promise
Second Promise
Third Promise
Fourth Promise
Fifth Promise
Sixth Promise
Seventh Promise
Eighth Promise
Ninth Promise
Tenth Promise
Eleventh Promise
Twelfth Promise
Thirteenth Promise
Fourteenth Promise
Fifteenth Promise
Sixteenth Promise
Seventeenth Promise
Eighteenth Promise
Nineteenth Promise
Twentieth Promise
Twenty-first Promise
Twenty-second Promise
Twenty-fourth Promise
Twenty-fifth Promise
Twenty-sixth Promise
Twenty-seventh Promise
Twenty-eighth Promise
A Fourth Order Novel Series FAQ
BOOK 2: TAKE MY SOUL
1ST SACRIFICE
2ND SACRIFICE
3RD SACRIFICE
4TH SACRIFICE
5TH SACRIFICE
6TH SACRIFICE
7TH SACRIFICE
8TH SACRIFICE
9TH SACRIFICE
10TH SACRIFICE
11TH SACRIFICE
12TH SACRIFICE
13TH SACRIFICE
14TH SACRIFICE
15TH SACRIFICE
16TH SACRIFICE
17TH SACRIFICE
18TH SACRIFICE
19TH SACRIFICE
20TH SACRIFICE
21ST SACRIFICE
22ND SACRIFICE
23RD SACRIFICE
24TH SACRIFICE
25TH SACRIFICE
26TH SACRIFICE
27TH SACRIFICE
28TH SACRIFICE
29TH SACRIFICE
30TH SACRIFICE
31ST SACRIFICE
FINAL SACRIFICE

Twenty-third Promise

1K 57 0
By LKsolacola

ALAM ni Misoo na nasa Mountain Province ang Fourth Order Academy pero hindi niya alam kung saan eksakto dahil hindi naman siya sinasagot ni Syndrome noong nasa biyahe sila.

Bago sila nakarating sa Academy ay may dinaanan silang malaking pamayanan na tinatawag daw na Guardians Village. Pagkatapos ay lumipat sila ng sasakyan na a la truck dahil nasa tuktok daw ng bundok ang bago niyang eskuwelahan—kung papasa siya.

Pagdating nila sa tuktok ng bundok, sumalubong sa kanila ang napakalaking bakal na gate na kulay-pilak. Pero hindi sila doon dumaan ni Syndrome. Hindi siya sigurado pero mukhang sa VIP passage sila dumaan dahil panay mga tauhan nito ang bumati sa kanila.

Nagulat pa nga siya nang dalhin agad siya ni Syndrome sa isa sa mga building na tinawag nitong Questor Building. Pinaghintay siya nito sa malaking lounging area habang may kung sino itong kinakausap. Pagkatapos ay niyaya naman siya nito sa Medium Building para sa una niyang pagsubok.

Napansin niyang simple lang ang mga building sa Academy. Pakiramdam nga niya ay nasa probinsiya lang siya at nagbabakasyon sa isa sa mga pinakapayapa at pinakapreskong lugar na napuntahan niya sa buong buhay niya. Sariwa at malamig ang simoy ng hangin, malinis ang kapaligiran at ramdam niyang ligtas siya sa lugar na iyon.

Naputol lang ang pagmumuni-muni niya nang tawagin ni Syndrome ang kanyang atensiyon. Pagkatapos ay binuksan nito ang malaking double doors na gawa sa mahogany.

Namangha siya nang sumalubong sa kanya ang isang malaking kuwarto na puti ang mga dingding. Marmol ang sahig niyon at may isang malaking pabilog na ginintuang ring sa gitna. May stage din doon na may pulang carpet at may pitong trono na gawa sa kahoy. Sa kasalukuyan ay dalawa lang ang okupadong trono.

Sa ikalawa sa pinakadulo sa kaliwang bahagi ay nakaupo si Aries—naka-dekuwatro at nakapatong ang siko sa armrest habang nakapangalumbaba. Nakangisi ito habang tinitingnan siya na para bang naaaliw sa kanya. Pero mas kumuha ng atensiyon niya ang maganda at mukhang batang babae na nasa kanan nito.

Napatitig siya sa maliit na mukha ng babaeng nakatirintas ang pulang buhok at nakapatong iyon sa kanan nitong balikat. Mukha itong Greek goddess sa suot na mahabang puting bestida at Gladiator shoes. Nakapatong ang mga kamay nito sa mga hita. Napakahinhin nitong tingnan pero may apoy sa mga mata na nagsasabi sa kanyang hindi ito pushover.

Higit sa lahat, may nararamdaman siyang malakas na spirit force mula kina Aries at sa babaeng mukhang Greek goddess.

"Misoo McCollins, meet Aries Paul Monico, the Questor Clan Head," pagpapakilala ni Syndrome sa lalaki. "And Serene Abigail Falls, the Medium Clan Head."

Ewan ni Misoo pero may bumulong sa isip niya na kailangan niyang iyukod nang bahagya ang ulo kina Aries at Serene bilang pagbati—kaya iyon ang ginawa niya.

Sabay na bahagyang yumukod din sina Aries at Serene sa kanya, pagkatapos ay sabay rin na bumaling kay Syndrome na para bang may hinihintay. Pero pinukol lang ni Syndrome ng iritadong tingin sina Aries at Serene.

"Anyway, let's begin the Assessment, shall we?" parang naiinip na sabi ni Syndrome, saka binigyan ng makahulugang tingin si Serene. "Lady Falls?"

Marahang tumango si Serene at tumayo. Okay, parang wala ring ipinagkaiba kung nakaupo o nakatayo ang babae dahil sa "cute" na size nito. Nilapitan ni Syndrome ang Medium Clan Head at inalalayan ang babae sa pagbaba ng stage at sinamahan ito palapit sa kanya.

Tumaas ang kilay ni Misoo habang nakatingin sa kamay ni Syndrome na nakahawak sa kamay ni Serene. Kaya naman pala nitong maging gentleman sa ibang babae. Bakit barumbado ito kapag siya ang kasama? Maybe he really hates me.

"Miss McCollins," nakangiting sabi ni Serene sa pinakamatamis na boses na yatang narinig niya. "As the Medium Clan Head, it is my duty to evaluate every Guardian who enrolls in the Fourth Order Academy. Are you ready to begin your Assessment?"

Tumango si Misoo. "I'm ready, Lady Falls."

Ikiniling ni Serene ang ulo sa golden ring na nasa gitna ng puting kuwarto na iyon. "Please stand inside the Golden Ring."

Napalunok si Misoo nang magsimulang magparamdam sa kanya ang halimaw na tinatawag niyang 'Mr. Panic.' Nasa likuran niya ito at malapit na siyang hilahin pababa at daganan hanggang sa hindi na siya makahinga. Gusto niyang humablot ng kahit ano na puwedeng hawakan para masigurong hindi siya matutumba sa kinatatayuan nang maramdaman niya ang mabining hangin na pumalibot sa kanyang kamay. Pakiramdam tuloy niya ay may hindi nakikitang kamay na nakahawak sa kanya.

Tiningnan niya ang kanyang kamay. Bahagyang kumunot ang kanyang noo nang mapansin ang mapusyaw na asul na liwanag na nakapalibot doon. Nang sundan niya ng tingin ang parang manipis na sinulid ng asul na liwanag, hindi na siya nagulat nang makitang konektado iyon sa kamay ni Syndrome. He was practically holding her hand using his spirit force.

Umangat ang tingin niya kay Syndrome. Blangko ang mukha nito pero bahagya itong tumango na para bang pinapalakas ang loob niya. Sapat na iyon para biglang maglaho si Mr. Panic.

Humugot siya ng malalim na hininga, saka tinanguan si Syndrome. Pagkatapos ay nagpunta na siya sa Golden Ring at tumayo sa gitna ng malaking bilog. Ikinuyom niya ang mga kamay nang makaramdam ng kaba. Pero mas kalmado na siya ngayon hindi tulad kanina. Isa pa, alam niyang hindi siya nag-iisa sa lugar na iyon.

Dumako ang tingin niya kay Syndrome na para na namang sundalo sa sobrang stiff at tuwid ng pagkakatayo. Blangko rin ang mukha nito.

You probably hate me, Syndrome, pero ikaw lang ang pinagkakatiwalaan ko sa Academy na 'to.

"Miss McCollins," pagtawag ni Serene sa kanya sa malambing na boses. Ngumiti pa ito na parang pinapalakas ang loob niya. "Huwag kang kabahan. Ang kailangan mo lang gawin ay gumawa ng spirit ball energy sa kamay mo. Susukatin ko iyon para malaman natin kung may sapat kang kapangyarihan para magpatuloy sa Trials, lalo na't ito ang unang pagkakataong papasok ka sa Academy."

Tumango si Misoo. "Okay."

"Now, Miss Misoo McCollins," sabi ni Serene sa mas seryosong boses. Pagkatapos ay pumikit ito at itinaas ang dalawang kamay na nakatapat sa kanya. "Let's begin."

Nabigla si Misoo nang unti-unting umangat ang bahagi ng marmol na sahig sa loob ng Golden Ring. Mabuti na lang at nabawi agad niya ang balanse dahil kung hindi, siguradong nahulog na siya dahil sa biglaang pag-angat ng kinatatayuan. Sa tantiya niya ay mga limang metro ang itinaas niyon kaya para na siya ngayong nakatayo sa isang pabilog na stage.

Bago pa man siya makabawi sa pagkagulat, muli na naman siyang nasorpresa nang mula naman sa kisame ng kuwarto ay bumaba ang isang salaming tube na nagkulong sa kanya sa kinatatayuan. Pakiramdam niya ay isa siyang specimen na nakakulong sa malaking cylinder na iyon.

Muntik nang gumapang ang panic sa buong sistema niya. Mabuti na lang at na-realize agad niya na nakakahinga siya sa loob. Isa pa, narinig niya ang boses ng batang lalaki sa isipan.

"Calm down, my moon. You're not trapped, okay? This tube is only meant to contain your spirit force."

Humugot siya ng malalim na hininga, saka sinagot ang batang lalaki sa isipan. Okay. So, what should I do? Paano ako makakagawa ng spirit energy ball?

"Really, my moon? Nagpunta ka sa Academy nang walang kaide-ideya kung ano ang gagawin mo?"

Sumimangot siya. You're supposed to help me, right?

Hindi sumagot ang batang lalaki. Did he just shut her down?

Bahagyang nanlaki ang mga mata ni Misoo. Hindi siya makapaniwalang iniwan siya ng batang lalaki kung kailan kailangan niya ito. You traitor!

"Miss McCollins?"

Nalingunan niya si Syndrome na nakakunot na ang noo, halata sa mukha ang pagtataka. Now she was officially in panic mode. She couldn't let him down, or else, he would probably kick her out of the Academy himself.

Pumikit siya at ginawa ang sa tingin niya ay tama—inipon niya ang kapangyarihan sa kaliwa niyang kamay. Wala siyang ibang nasa isip kundi ang ilabas ang kanyang spirit force. Malinaw niyang nakikita sa isipan ang malaking asul na bilog na gusto niyang maipon sa kanyang kamay.

Mayamaya lang, naramdaman niya ang pagkawala ng malakas na enerhiya mula sa kanyang katawan. Narinig niya ang pagkabasag ng salaming nagkukulong sa kanya kasabay ng malakas na pagsinghap ni Serene at ang pagmumura naman ni Syndrome. Sigurado rin siyang narinig niya ang pagsigaw ni Aries sa kanyang pangalan na parang pinipigilan siya nito.

Lalo siyang nag-panic. Ikinuyom niya ang kaliwang kamay para pigilan ang paglabas ng kanyang spirit force pero ramdam niyang wala iyong naging epekto. Sinubukan niyang pakalmahin ang sarili pero hindi rin tumalab.

Hanggang sa naramdaman niyang may mga braso na pumalupot sa mga balikat niya. Noong una ay inakala niyang si Syndrome iyon pero masyadong malamig ang katawang nararamdaman niya sa kanyang likuran. Isa pa, mabilis din itong nagsalita sa tapat ng kanyang tainga.

"Calm down, my moon," bulong ng batang lalaki sa isip niya. Pero sa pagkakataong iyon, mas tumanda ang boses nito. Kung hindi lang dahil sa pamilyar na pakiramdam na dulot ng boses nito sa kanyang sistema ay hindi niya ito makikilala. "I'm here. Don't be afraid. I will never leave you."

Unti-unti siyang kumalma nang maramdaman ang paghawak ng malamig na mga kamay sa kanyang kaliwang kamay. Unti-unti niyong binuksan ang kanyang kamay kung saan naramdaman niyang mabilis na hinigop uli ang kapangyarihang inilabas niya kanina. Hindi niya alam kung ano ang eksaktong nangyayari pero ramdam niyang kontrolado na uli niya ang sarili.

"Misoo McCollins!"

Biglang iminulat ni Misoo ang mga mata nang marinig ang malakas na pagtawag ni Syndrome sa kanyang pangalan. Sa pagkagulat niya, nakita niya ito na nakatayo sa harap ni Serene, ganoon din si Aries na para bang pinoprotektahan ng dalawang lalaki ang babae mula sa kanya.

Hindi lang iyon. Nakalabas ang espada ni Syndrome at ang nagliliyab na fountain pain ni Aries na para bang handa ang dalawang lalaki na atakihin siya.

Okay. What have I done?

Wala siyang pakialam kay Aries. Pero aaminin niyang nasaktan siya na makitang nakaporma si Syndrome na parang aatakihin talaga siya nito. Ayaw man niya ay nanlumo siya. Talaga bang inisip nito na mawawala siya sa sarili at mananakit ng mga tao sa Academy?

He must really hate me.

Napasimangot siya. Mabuti na lang at na-distract siya nang maramdaman ang mainit na bagay sa kanyang kamay. Nang iangat niya iyon sa harap niya, nagulat pa siya nang may makita sa ibabaw ng kaliwang palad niya na asul na liwanag na hugis-patak ng luha. Kasinlaki lang iyon ng kalahati ng hinliliit niya.

Okay. Hindi siya malaki. Pero spirit energy ball 'to, 'di ba?

"Hey, I can protect myself," reklamo ni Serene, saka nagsumiksik sa pagitan nina Syndrome at Aries.

May suot nang salamin sa mata ang Medium Clan Head. Nagliliyab ng asul na apoy ang gilid ng malaking bilog na frame ng eyeglasses nito kaya sigurado siya na Soul Extension iyon.

Naniningkit ang mga mata ni Serene habang nakatingin sa maliit na hugis-patak ng luha na energy ball sa ibabaw ng kanyang palad. "Misoo McCollins, congratulations! You passed the Assessment," nakangiting pahayag nito. "You may join the Trials."

Continue Reading

You'll Also Like

176K 12.7K 46
Lavender is in love with Yuan, the perfect guy--kind, sweet, charming, and a musician like her. The problem? He's not real. He only exists in her dre...