Hinanda ni Pepe ang kanyang sibat at hinawakan ito ng mahigpit. Tinutok niya ito sa palusob na kalaban, inaabangan ang mabilis na paglapit nito. Ilang metro ang natitirang layo ay isang sigaw na malakas ang pinakawalan ni Umakvha.
Sumigaw si Pepe dahil sa matinding sakit na naramdaman sa kanyang ulo at napatakip ang dalawang kamay niya sa magkabilang tenga.
Nalaglag ang sibat niya at ang sunod ay binunggo siya ni Umakhva na parang kotseng nanadya na mangsagasa. Dumiin ang mga kuko nito sa kanyang braso at inipit siya nito sa isang malaking puno sa bukana ng gubat.
Nabulabog ang buong isla sa nangyari. Nag-iyakan ang mga paniki, humihip ang malakas na hangin at yumuko ang mga puno. Bumagsak si Pepe sa lupa at kasabay nito ay lumipad ulit ang paniki na tila naghahanda sa pangalawang pagsalakay. Bubuwelo na sana si Umakvha subalit natigilan ito.
Sa ibabaw ni Pepe ay lumipad ang isa pang malaking paniki. Nanahimik ang lahat at isang sigaw ang umungol, ang ungol ng hari ng isla na kanilang tinatapakan.
"Ang mabait na paniki!" sabi ni Pepe. Lumipad ang paniki na ito mas mataas kay Umakvha at tinignan ito na parang isang mahinang uri. Isang kakaibang boses ang pumasok sa isipan ni Pepe, hindi niya ito naintindihan pero naramdaman niya ang mensaheng nais iparating sa kanya, "Umalis na kayo dito. Ako na ang bahala." Nagalit si Umakvha at sumigaw. Sinugod niya ang mabait na paniki at naglaban ang dalawa.
Tumingin si Pepe sa paligid, "Nasaan na siya?" sabi niya habang hinahanap ang kanyang kalaban na lalaki. Tumayo si Pepe subalit bumagsak siya lupa, ""Tsk! Wala na nga pala sa akin yung kwintas ko."
Dahan dahan siyang tumayo at nilapitan si John na tulog sa buhangin, "gising!" sabi ni Pepe habang niyuyugyog ito. Ginala ulit niya ang paningin, mabuti na lamang at may kaunting ilaw ang buwan at may nakita siyang maliit na kinang sa dagat. Para makita ito ng mabuti ay tinignan niya ang spiritual na enerhiya nito.
"Siya na ito!" sabi ni Pepe. Niyugyog ulit ni Pepe ang katawan ni John at sa wakas ay gumalaw na ang katawan nito. Hinawakan ni John ang kanyang mukha, "Ang sakit ng panga ko," sabi ni John, "Anong nangyari?"
"Tumatakas na yung lalaki dala yung ahas! Hahabulin natin siya!" sabi ni Pepe. Agad na napabangon si John at umakyat na sila sa bangka. "Dalawa na yung paniki? sabi ni John habang binubuhay ang makina.
"Oo, yung isa galing sa libro nung lalaki," sagot ni Pepe. "Libro?" sabi ni John.
"Oo sa libro, mamaya ko na ikukwento sayo," agad na sagot ni Pepe.
Habang lumalayo sa isla ay pinanuod nila ang dalawang haring paniki na naglalaban at kinalaunan ay natalo si Umakvha at naging abo ito.
"Yes! Ang galing niya!" sabi ni Pepe.
"Ayan na! Malapit na siya!" turo ni John.
Tumingin si Pepe sa harap ng bangka at nakita ang kalaban na tumatakbo sa ibabaw ng tubig. "Paano niya nagagawa ito? At ginagamit niya ang ahas! Sinusundan niya kung saan ito gumagapang!" sabi niya.
"Wag ka mag-alala maabutan natin yan," sabi ni John.
Lumingon sa likod ang kanilang sinusundan at nakita sila nito. "Malakas na alon," sabi nito sabay hampas ng kanyang kanang kamay sa tubig papunta sa direksyon nina Pepe. Nabuo ang isang mataas na alon at sumalubong ito sa kanila. "Woooo! Alon pa! Kaya ko yan!" sabi ni John.
Umakyat ang kanilang bangka sa malaking alon at malakas itong bumagsak. Kasunod nito ay isa pang malaking alon na doble ang laki sa nauna nilang sinalubong.
"Kayang kaya ko yan! Akong bahala! Dirediretso lang!" sabi ni John habang mas binibilisan ang andar ng kanilang bangka. Napasigaw ang dalawa sa pag-ahon at pagbagsak na ginawa ng bangka nila subalit ligtas naman nilang nalampasan ito.
"Lumilipad naman siya ngayon!" sabi ni John nang makita ang kanilang hinahabol na may malaking pakpak ng paniki sa likod. Lumayo na ang agwat nito sa kanila at tila hindi na sila pinansin.
"Nasaan na tayo," tanong ni Pepe. Inilabas ni John ang kanyang smart phone, "Malapit na sa Cathedral Island," sabi ni John. "Wag kang magugulat ha? Magmamagic ako," sabi ni Pepe. Dinilaan niya ang kanyang daliri at sinulatan ang motor at ang bangka mismo ng salitang tahimik.
"Paano mo nagawa iyan?" sabi ni John na lubos ang pagtataka. "Lumiko siya, kaliwa John!" sabi ni Pepe. Agad na sinunod ni John ang sinabi ni Pepe. "Pagkatapos natin dito. Pangako sasabihin ko sayo ang lahat ng tungkol dito," sabi ni Pepe. "Good!" sagot naman ni John.
Patuloy nilang sinundan ang lumilipad na kalaban hanggang sa bahagya itong bumaba sa isang isla malapit sa Cathedral cave. Pumasok sila sa gubat ng isla at hinanap ang lalaki.
Isang malakas na tawa ang narinig nila, "Wala ka ng ligtas ngayon!" sabi ng lalaki. Sinundan nila ang boses at pagsilip nila sa mga puno at dahon ay nakita nila ito. Nakita din nila ang isang babae na nakatayo sa isang malaking bato. Nakadress ang babaeng ito, nakarubber shoes at may buhok na abot sa kanyang alak-alakan. Tinignan ni Pepe ang mukha ng babae subalit dahil malayo at mahina lang ang ilaw ng buwan ay hindi niya ito mamukhaan.
Tumayo si Pepe upang lumapit subalit hinila siya ni John, "Wait lang! Hindi naman si Pia yan eh. Ang haba ng buhok!" bulong ni John.
"Hindi mo pa nga nakikita ang mukha eh," sagot ni Pepe. "Kahit na. Noong isang araw lang natin nakita si Pia diba? Hindi naman ganyan kahaba ang buhok niya," sabi ni John.
Binitawan ng lalaki ang tungkod at nalaglag ito malapit sa babaeng mahaba ang buhok. Ginalaw ng babae ang kanyang kanang kamay at nasunog ito. "Ikaw ang walang ligtas Kirusa!" sabi ng babae.
Nagkatinginan si John at Pepe, "Si Pia nga!" sabi ng kanilang mga utak nang marinig ang boses nito. "At ikaw, Kirusa pala ang pangalan mo," isip ni Pepe.
"Don't get cheeky little girl," sabi ni Kirusa.
"Libro!" sabi ni Pia.
"Libro!" sabi ng lalaki.
"Parehas silang naglabas ng libro!" isip ni Pepe.
"TINATAWAG KO SI MINERVA! ANG APOY NA AHAS NG VANISHA!"
Ipinatong ni Pia ang kanyang kanang kamay sa pahina ng kanyang libro. Makalipas ang isang segundo ay inangat niya ito at kasunod ng kanyang palad ay ang ulo ng isang nagliliyab cobra. Inikot-ikot ni Pia ang kanyang palad sa kanyang paligid na parang isang gymnast na hinihila ang ahas mula sa libro.
"Just a small summon. Nakakalimutan mo yata na napapalibutan tayo ng tubig! Walang kwenta ang apoy mo!" sabi ni Kirusa. Pagkasabi niya nito ay winasiwas niya ang kanyang dalawang kamay sa ibabaw ng kanyang ulo at nabuo ang maraming bola ng tubig sa itaas ni Pia. "Bullet Rain!" sabi niya sabay bagsak ng dalawang kamay pababa. Lumabas ang maliliit na butil ng tubig mula sa bilog na bola at mabilis itong bumagsak papunta sa lupa.
"MINERVA!" sigaw ni Pia. Tumalon ang ahas papunta kay Pia at pinalupot nito ang katawan niya. Inunat ni Pia ang dalawang kamay at umikot ng mabilis, "Nagliliyab na Tore!" sabi niya at nabuo ang isang nagliliyab at umiikot na tore.
Nakita ni Pepe na babagsak sa kanila ni John ang ilang butil ng tubig, "Ilag!" bulong niya. Nakita ni John ang tinamaan ng butil, "Mas matindi pa sa bala ito, butas yung kahoy," sabi niya.
Tumingin ulit si Pepe kay Pia at ligtas naman ito sa "Bullet Rain" dahil umuusok na agad ang tubig bago pa man ito makalapit sa tore.
"Impressive!" sabi ng lalaki. Tumigil ang kanyang Bullet Rain subalit hindi nawala ang mga bola ng tubig sa taas. "Tubig na Paniki!" sabi niya at nagbagong anyo ang mga bola ng tubig.
Mahigit tatlumpo ang bilang ni Pepe sa tubig na paniki at nagsimula na itong sumugod papunta kay Pia. Paglapit ng mga ito ay umiwas agad sa apoy at sunod-sunod na sumabog sa paligid. Tumalon si Pia mula sa tore palabas at ang tore naman ay papunta sa ilalim ni Kirusa.
Paglabas ni Pia ay agad siyang sinugod ng mga natitirang paniki, "bolang apoy," sabi niya habang umiilag sa mga paniki. Hinagis niya ang kanyang bolang apoy papunta sa ilang paniki at pinasabog ito.
Habang abala naman si Pia sa pag ubos ng mga paniki ay isang sibat na gawa sa tubig ang nabuo sa kamay ni Kirusa at mabilis niya itong inihagis kay Pia. Isang bolang apoy mula sa tore ang lumabas upang salubungin ang sibat subalit isang paniki ang sumabog at humarang dito.
"Pia!" sigaw ni Pepe sabay hagis ng kanyang sibat.
Tinamaan ni Pepe ang sibat na tubig ni Kirusa at nasira ito. Pagkatapos nito ay agad siyang tumalon papunta sa tabi ni Pia na katatapos lang ubusin ang mga paniki na sumusugod sa kanya.
"Maraming kang dapat ipaliwanag," sabi ni Pepe.
Isang magandang ngiti ang lumabas sa labi ni Pia, "What took you so long?" sabi niya.
**********************************************************************************************
Okay ba itong chapter na ito? Next Chapter maraming tanong ang masasagot. Please vote and comment.
Ang hirap na paabutin sa top 5 ng istoryang ito, parang mas madali pag bago pa ang story no? Alam nyo ba kung bakit? Thanks!