Part 18

1.3K 103 12
                                    

Napakurap na lang si Jessa habang nakatingin sa mga nakatulalang kaibigan ni Brian. 

Ano bang problema ng mga ito? 

Nakatanga sa kanya ang tatlo. Nakaupo siya sa harap ng mga ito sa isang restaurant. Umiiling-iling si Robin. Si Louie ay parang nababato-balani. At si Miko ay awang ang bibig na nakatitig sa kanya hawak ang isang pitsel habang sinasalinan ang baso. Wala ito sa sarili dahil umaapaw na ang tubig sa baso ay wala pa rin itong karea-reaksyon.

"Shit!" Napatayo si Miko nang maramdaman ang pagtulo ng tubig mula sa mesa. Maagap na inabutan niya ito ng tissue. Subalit hindi na nito nagawang bitawan pa ang kanyang kamay. Alanganing ngiti at ngiwi ang namutawi sa labi niya.

"Hoy Miko! Huwag kang masyadong pahalata na-stars struck ka." Sumingit si Louie at pinaghiwalay nito ang kamay nila nang lalaki. "Uupakan ka ni pareng Brian. Sige ka." Iniupo pa nito ang naestatwang lalaki.

"Tsk... tsk ... who would have thought that you have the face of an angel behind these freaking clothes? Ibang klase rin pala ang kultura ng tribu niyo. Ipinagkakait sa mundo ang kagandahang dapat na ikinakalat mo. Dapat lang na ilabas mo 'yan. Para naman magkaroon ng world peace," komento ni Robin.

Nahihiyang napayuko siya. Hindi niya sukat akalaing ganoon ang magiging reaksyon ng mga ito nang makita ng mga ito ang kanyang mukha. Paghanga ang nababasa niya sa mga mata ng mga ito. Magmula pa nang nakaraang araw ay nararamdaman niya ang ganoong uri ng pagkabalisa simula nang lumantad siya sa tao.

Pero may kakaibang uri ng saya siyang nadarama habang malaya niyang naipapakita ang sarili sa iba. Iyon ang sinabi niya kay Brian. Kaya siguro hindi na nito nakuha pang magprotesta nang humarap siya sa kaibigan ng mga ito na walang takip ang mukha. 

Ikinuwento niya rin sa mga ito ang dahilan ng kanyang anyo. Isiniwalat niya sa mga ito ang pagkakaroon ng dugong dayuhan na minana niya mula sa kanyang ina na isang Irish. Iyon ang kuwento sa kanya ng kanyang ama. Isa raw itong seminarista na dumarayo sa iba't-ibang panig ng mundo upang magbahagi ng kaalaman sa mga taong hindi abot ng kabihasnan. Umibig ito sa kanyang ama sa kabila ng pagkakaiba ng mga ito. Subalit may taning na pala ang buhay ng babae dahil sa taglay nitong sakit na cancer. Nagawa siyang ipanganak ng kanyang ina bago ito malagutan ng hininga. At naiwan siya sa poder ng ama at lumaki sa bundok ng Cordillera.

"B-bakit ba tayo nandito?" tanong niya.

"Nandito tayo para masaksihan ang pagtataksil sayo ng asawa mo," madamdaming wika ni Miko.

"A-asawa ko?"

"Si Brian!" sabay-sabay na sagot ng mga ito.

Bigla ang ginawa niyang pagtayo nang matanto niya kung anong kalokohan ang balak gawin ng tatlong kulugong ito. Sabay-sabay ding nagsitayo ang mga ito para muli siyang ibalik sa kinalulugaran.

"Kailangang harapin ang problema," sabat ni Louie.

"Kailangang magpakatotoo," hirit ni Miko.

"Kailangang huwag kang magpadala sa sinasabi ng dalawang 'to. They just wanted to play to have some fun," malamig na di pag-sang-ayon ni Robin. Kunot ang noo at walang kangiti-ngiting bumaling dito sina Louie at Miko. Itinaas nito ang dalawang kamay. "Kailangang hindi na ako magsalita dahil panira ako ng diskarte. Iyon ang ibig sabihin ng mga tingin nila." Nag-kibit ito ng balikat. "Okay." Umakto pa ito na tila nag-zipper ng bibig.

May pag-aalinlangang napabuntong-hininga siya. "Kailangan na nating umuwi. Iyon talaga ang kailangan nating gawin!" Muli siyang tumayo subalit muli rin siyang pinigilan ng mga ito.

Love Links 4: My Clumsy Princess [COMPLETED & PUBLISHED UNDER PHR]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon