Part 9

1.3K 96 9
                                    

"Saan tayo tutungo, Brian?" tanong ni Jessa habang sinasabayan ang lalaki sa paglabas sa condo unit nito. Bigla na lang itong nag-preno pahinto ng lakad. Bumunggo tuloy siya sa likod nito.

Nang humarap ito sa kanya ay pumalatak ito. "Papasok ako sa trabaho. At ikaw..." Iniumang nito ang hintuturo sa kanya. "Mananahimik sa isang tabi ng office hangga't hindi natatapos ang working hours."

Kumunot ang noo niya at inalis ang hintuturo nito sa harap niya. "Ang ibig mong sabihin, sasama ako sa lugar na pinagtatrabahuhan mo?"

"Right, ganoon na nga. Isang malaking kalokohan ang iwanan kang mag-isa sa bahay."

Nakaramdam siya ng tuwa sa nag-aalalang tono ng binata. "Nag-aalala ka sa akin? Mabait ka naman pala kahit papaano."

"Saan mo naman nakuha ang ideyang nag-aalala ako sayo? Mas nag-aalala ako sa bahay kong baka hindi ko na datnan pa kapag iniwanan kitang mag-isa doon. You're a walking disaster." Dinuro siya nito.

Naglahong bigla ang medyo tumataas na tingin niya sa lalaki. "Galit ka pa rin ba sa nangyari kagabi?"

"I am not that petty." Pero biglang nalukot ang mukha nito. "But seriously, you're not even trying to listen to me. Ang sabi ko huwag mong buksan ang takip ng blender. Pero ginawa mo pa rin. At kung makasigaw ka, para bang katapusan na ng mundo. Really?! What the hell was with your reaction?"

Nakagat niya ang pang-ibabang labi. Igagawa sana siya nito ng tinatawag nitong mango shake ng nakaraang gabi matapos ang hapunan. Subalit nang alisin niya ang takip ng blender ay bumuhos sa kanilang dalawa ang lahat ng laman no'n. Ang masaklap ay natakot siya sa nangyari at naghisterya. Tuloy ay nabunggo niya si Brian habang hawak ang maliit na lanseta. Nasugatan ito ng maliit sa pisngi habang sinusubukang pakalmahin siya.

Guilty na bumaling ang paningin niya sa mukha ng binata. May idinikit ito na kung ano sa maliit na sugat. Tumaas ang kamay niya. Humaplos sa may sugat na pisngi nito. "M-masakit ba?"

Napakurap ang binata. At tila naestatwa. "W-what are you doing?"

"Kapag nagkakasugat ako ng kahit maliit lang dulot ng siit sa kagubatan. Nagagalit sa akin si tatang maging si Lualhati. Kaya kung nagalusan ko man ang maganda mong mukha, patawarin mo ako, binata."

Tumikhim ito at agad na tinabig ang kamay niya sa pisngi nito. "B-buti naman at alam mo na kasalanan mo ang lahat. I can't even take my eyes off of you for a second. You're a genius in creating a chaos."

Bumalik ang inis niya dito. "Matuto ka kasing mag-tagalog. Paano ko kasi maiintindihan ang sinasabi mo kung ingles ka ng ingles? Ang hirap mong kausap."

"Hah! Now I'm the one who's difficult to talk to. Just look at yourself first! Ang sabi ko huwag mong bubuksan ang takip ng blender."

"Oo! Malamang sinabi mo nga. Pero sa wikang ingles. Ang akala ko tuloy pinabubuksan mo."

"You only assumed!" Napahinto ito. Kumunot ang noo. "Assumed... ano ba sa tagalog ang assumed?" Umakto pa itong tila nag-iisip. "Presumed...supposed...implicit...damn it! Whatever!" Tumalikod na ito at nagpatuloy sa paglalakad na tila sumuko nang pagalitan siya.

"Hoy! Huwag mo akong iwan!" Humabol siya sa mabilis na paglalakad nito. Tumungo sila kung saan nakaparada ang sasakyan ng binata.

Humanga na naman siya sa modernong bagay na nakikita ng mga mata. Magara sa paningin ang dating ng sasakyan nito.

"Hey! Wala ka bang puwedeng ibang isuot na damit?" kuwestiyon nito ng nasa loob na sila ng kotse nito.

"Anong mali sa suot ko?" Bumaba pa ang tingin niya sa sarili.

Love Links 4: My Clumsy Princess [COMPLETED & PUBLISHED UNDER PHR]Όπου ζουν οι ιστορίες. Ανακάλυψε τώρα