Part 3

1.3K 85 4
                                    

Mountain Province

"Saan po tayo pupunta, Tatang?" Nandoon ang pag-aalala sa mukha ni Jessa habang isinisilid ang mga damit sa malaking bag na gawa sa bayong.

Huminto sa ginagawang pagsasalansan ng mga gamit ang may edad na lalaki. "Huwag ka nang maraming tanong, anak. Basta kailangang maialis kita sa lugar na ito."

"Pero Tatang... bakit po natin lilisanin ang tribu?"

Bumuntong-hininga ito. "Jessa, alam mo ba kung ano ka para sa tribu natin?"

Nagtataka man sa tanong ng kanyang ama ay sinagot niya ito. "Mula pagkabata, mabait na ang turing sa akin ng mga Apo." 

Ang mga Apo ay ang mga nakakatandang lalaki at babae nila sa tribu. 

"Ang tawag sa akin ni Luhualhati ay mahal na hirang," tukoy niya sa kanyang kababata na nagmistula niyang taga-silbi noon pa man. "Mahal ako ng mga tao sa tribu. Ramdam ko po iyon, Tatang. Pero may mga pagkakataong bumabagabag sa loob ko ang pagtrato nila sa akin. Ni hindi ako puwedeng lumabas at makihalubilo sa iba bukod lamang sa mga kasapi."

Nakakaunawang hinagod nito ang kanyang mahabang buhok. "Espesyal ka kasi, anak. Maganda ka. Napakaganda mo. Noon pa man dumaloy sa ating tradisyon ang isang responsibilidad na hindi natin ginusto. Mula sa linya ng ating lahi, ikaw ang napiling kawangis ng diyosang kumakatawan sa kalikasan."

"Iyan din po ang naririnig kong sinasabi ni Tandang Kakay," tukoy niya naman sa pinakamatandang babae sa kanilang tribu. "Pero..." Bigla siyang napayuko. "Iba po ang aking anyo sa nakararami." Tumingin siya sa maputing balat taliwas sa kulay ng balat ng kanyang ama.

"Nagmana ka kasi sa iyong ina, Jessa. Hindi ba't sinabi ko sa'yo noon pa na kamukhang-kamukha mo siya." Tumingin ito sa kanyang mga mata. Ang mga mata niyang mapusyaw na ginto ang kulay.

Malungkot na ngumiti siya. "Nakakapanghinayang nga lang ho na hindi ko man lang nasilayan ang kanyang mukha."

"Oo, anak. Tama ka. Kung sana ay nabubuhay pa siya, hindi sana naging limitado ang mundo mo at hindi ka nakulong dito sa tribu."

"Hindi ko naman po iniisip na isang kulungan ang lugar na ito. Masaya po ako dito, Tatang. Pero sana... makita ko ang mundo mula sa ibaba." Tumanaw siya mula bintana ng kanilang kubo kung saan walang hanggang kadiliman ang kanyang nasisilayan. Ang mga puno ay nagsisitayugan. Tinatakpan ang tagong lugar na 'yon na tila isang hawla para sa mga taong nasa loob.

Sadyang tago ang kanilang lugar sa mga tiga-labas. Subalit sa lahat ng tribu sa Cordillera, sila lamang ang marunong magbasa at magsulat. Karamihan kasi sa mga Apo ay ilang mga guro, sayantipiko, at ilang taong may alam sa agrikultura noong panahon ng Hapon na nagsipagtago sa kabundukan.

Sa pakikianib sa isang sekta ng mga katutubo nabuo ang kanilang tribu. Isang grupo ng tribung may kaalaman sa medisina at ritwal. Isang linya ng pinagsamang lahing hindi hinangad na kilalanin sila ng lipunan bagkus ay tahimik lang na makapamuhay sa kanilang teritoryo. Isang paraiso kasi ang turing nila sa lugar na 'yon. Isang luntiang lugar na kanilang pinangangalagaan.

Lumaki si Jessa sa piling ng mga Apo at nakagiliwan siya ng mga ito. Natutunan niya sa mga ito ang pagbabasa at pagsusulat. Subalit hanggang ngayon ay nananatili pa rin sa kanyang imahinasyon kung ano ang itsura ng mundo sa labas.

Love Links 4: My Clumsy Princess [COMPLETED & PUBLISHED UNDER PHR]Where stories live. Discover now