Part 13

1.2K 87 7
                                    

Nakatingala lang si Jessa sa madilim na kalangitan. Napakislot siya nang pumatak ang butil ng ulan sa kanyang mukha. Umurong siya papasok sa isang napakaliit at napakasikip na silungan na hindi niya malaman kung ano. Ang nakita niya lang sa loob ay ang kamangha-manghang bagay na ginagamit kapag gusto mong kausapin ang taong nasa malayo. Ang alam niya ay telepono ang tawag doon. Hindi niya malaman kung ano ang nasa isip ng may-ari na nagtayo ng ganoon. Mas maliit pa sa banyo ang espasyo. At bakit telepono lang ang gamit sa loob? Mas matatawag na bahay pa ang kanilang kubol kaysa doon.

Napakagat siya sa kanyang labi nang maalala niya ang nangyari kani-kanina lamang. Nang paalisin siya ni Brian ay wala sa loob na nagpalakad-lakad siya sa labas. Hindi niya alam ang gagawin. Nakukunsensiya siya sa ginawang kapabayaan. Muntikan niya nang sunugin ang tirahan ng binata. At ano kaya ang mangyayari kung sakaling hindi ito dumating ng mas maaga? Tiyak na natusta na siya sa loob ng bahay nito. At naiintindihan niya kung ayaw na siyang makita nito. Naging hirap siya sa paglunok sa naisip. Muling nagsikip ang kanyang dibdib.

Pinagmasdan niya ang paligid. Walang katao-tao sa bahaging iyon ng kalsada. Ni hindi niya alam kung anong lugar na ba ang narating niya sa layo nang nilakad niya. Unti-unting dumausdos siya paupo sa semento. Yakap ng mahigpit ang mga balikat. Ramdam niya ang pag-iisa ngayong hindi niya nasisilayan ang simpatikong mukha ng binata.

Mahigit isang oras na ang nakararaan mula nang huli niyang makita si Brian. Galit pa rin kaya ito sa kanya? Papaano ba siya makakauwi sa napakasamang timplang iyon ng panahon? O may karapatan pa ba siyang bumalik sa poder ng lalaki? Naliligaw na nga siya at ang natatanging lugar niya sa siyudad ay nanganganib pang maglaho. Parang gusto niyang muling umiyak.

Umurong lang ang mga luha niya nang biglang may pumasok sa loob. Tila nagulat pa ang babaeng nakataas ang kamay sa ulunan pagkakita sa kanya.

"A---no" Kumurap ang luntiang mga mata nito habang napapangiwi.

Naisip niyang baka balak nitong gamitin ang telepono. Agad na tumayo siya sa pagkakaupo. "K-kung gagamitin mo ang kamangha-manghang aparatong ito ay maaari mo na itong gamitin. Ipagpaumanhin mong nakisilong ako sa maliit na bahay na ito." Lumingon siya sa paligid. "Mawalang galang na, magandang binibini. Maari ko bang malaman kung ako'y nasa kapatagan pa ring tinatawag nilang lungsod ng Maynila?"

"Y-yeah... I mean! Oo n-nasa Maynila ka pa rin."

Napangiti siya sa narinig. Lumundag ang puso niya sa kaisipang nasa iisang lugar pa rin sila ni Brian. "Kung ganoon ay maaari mo ba akong tulungang makarating sa tahanan na aking pinanggalingan? Nagalit kasa sa akin ang aking tagapangalaga. Subalit wala akong intensiyong umalis mula sa kanyang poder. Ninais ko lamang na makalayo ng kaunti. Ngunit namalayan ko na lamang na ako'y naliligaw na pala."

"Alam mo ba kung anong address ng iyong bahay?"

Ikiniling niya ang ulo tanda na hindi niya naiintindihan ang sinasabi nito.

"Ang ibig kong sabihin-pano ba 'to?" Napakamot ito sa buhok. "Ano nga bang tagalog sa home address?"

"Alam ko ang numero sa aparatong lagi niyang dala." Kabisa niya ang cellphone number ng binata. Iyon ang isa sa mga itinuro nito kung sakali ngang malalagay siya sa ganoong sitwasyon at hindi makauwi ng condo unit nito.

"Ha?"

Itinuro niya ang telepono mula sa phone boot. "Katulad nito."

"Aaah..." Napatango ito nang malinawan kung anong ibig niyang sabihin. "Ano bang pangalan ng guardian mo- I mean ng tagapangalaga mo?"

"Brian. Brye Rian Valintos."

"Sige. Halika, tawagan na lang natin siya para sunduin ka niya dito." Iniangat nito ang telepono habang siya naman ang pumindot sa numero na tila nakatatak na sa isip niya. Naghulog ito ng ilang coins mula doon.

Love Links 4: My Clumsy Princess [COMPLETED & PUBLISHED UNDER PHR]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon