[Chapter 22]

558 21 22
                                    

STARFISH
****Kyle****


5:28 PM, MondayMarch 25


Halos isang oras na akong nasa likod ng manibela at nakikipagbuno sa trapik ng kamaynilaan. Isa sa mga pinaka-ayaw kong gawin ay ang mag-drive o mas tamang sabihin na ayaw na ayaw kong magdrive kapag traffic. Kasabay ng usok na nakikita ko sa aking paligid at nakabibinging busina ng mga sasakyan ay ang pag-init ng aking ulo.


Hindi ko lubos maisip kung bakit gusto pa ng mga tao sa Maynila ang mag-invest sa pagkakaroon ng sasakyan. Sa ganitong klaseng sitwasyon na mas mabilis pa ang usad ng langgam sa andar ng sasakyan sa kalsada, nakakawalang gana ang bumili ng kotse. Talo ka sa gasolina. Talo ka sa oras sa trapik. Asar-talo ka pa sa kawalan mo ng pasensya. Aaminin ko na halos gawin ko ng personal driver si Aki - pahatid dito, pasundo doon, padaan sa kanto, pasabay sa mall, pababa sa grocery.


Nang makita kong mag-green ang stoplight parang bang bahagya pang namasa ang aking mata sa kaligayahan. Kasabay ng pag-usad ng sasakyan ni Renz ay ang pagdarasal na sana ay makalayo na kami sa pila ng sasakyan sa aming harap.


Hayyy. Na-stress ako sa traffic habang yung kasama ko sa sasakyan parang nasa bingit na naman ng isang bangin kung saan ang kahuhulugan niya ay bisyo, droga, at alak. Kahit na nangangati ang aking leeg na umiling ng mga sandaling iyon ay pinigilan ko ang aking sarili dahil ayaw kong maramdaman niya na disappointed o naawa na naman ako sa kanya. Hindi ko nga alam kung ano ang tunay na nangyari sa kanya. Hindi ko alam kung bakit siya umiiyak. Kahit na may hinala ako at malakas ang kutob ko sa kung ano ang dahilan ay ayaw ko pangunahan ang aking bestfriend.


Isa ang malinaw sa akin. Malungkot siya. Sobrang lungkot. Hindi ko ito maikumpara sa kalungkutan na nakita ko sa kanya nung maghiwalay kami dahil may kakaiba sa kalungkutan na mayroon siya ngayon. Nang humihikbi siya kanina sa aking mga bisig ay parang gusto ko ding maiyak. Naaawa ako para sa aking kaibigan dahil kalalabas pa lang niya ng rehab at sinusubukang magbagong buhay pero heto na naman at mukhang may panibago na naman siyang pagsubok na hinaharap. Nakakakilabot sa tuwing naaalala ko kung paano siyang tumangis kanina. Tagos sa puso ko ang hinagpis na nararamdaman niya.


Tahimik lamang siyang nakaupo sa passenger's seat ng sasakyan. Nakatingin sa labas ng bintana. Tumigil na ang pag-iyak. Wala na ang habol na hininga mula sa mga hikbi. Pero alam ko na isa lang itong palabas. Isang pagpapanggap. Naghihintay lamang siya na maging mapag-isa at muli niyang ibubuhos ang kanyang mga luha.


Bigla na lang akong napabuntong hininga. Maging ako ay na-stress sa sitwasyon kahit na hindi ko naman alam kung anong nangyayari. Nang matagpuan ko si Renz kanina ay hindi ko alam ang gagawin. Kusa lang na kumilos ang aking katawan para siya ay yakapin at tahimik na samahan sa kanyang pagtangis. Nang sa tingin ko ay medyo nakarecover na siya ay nagpaalam akong aalis saglit para magpaalam kay Aki.


Habang pinakikinggan siyang umiyak ay malinaw sa akin na kailangan ako ng aking bestfriend ngayong gabi. Alam kong hindi niya ito plano para kunin lang ang aking atensyon gaya ng ginagawa nya dati dahil wala naman siyang alam na pupunta ako sa parking lot ng mga oras na yon. Nagkataon lang na may naalala akong kuning mga gamit sa kotse ni Aki at nadatnan ko na siyang nakaluhod at tumatangis. Nang makabalik ako sa aking unit ay agad kong kinausap si Aki tungkol sa lagay ni Renz. Tinanong ko sya kung may alam sya sa maaring pinagdadaanan ng aming kaibigan pero tulad ko ay puro tanong lang din ang meron siya. Hindi ko na kinailangan pang magpaalam dahil si Aki mismo ang nagsabi na mas mabuti kung samahan ko muna si Renz ngayong gabi.

STARFISHOnde histórias criam vida. Descubra agora