Teaser

883 25 3
                                    

Starfish[ Teaser ]

By: Crayon


****Kyle****
Parang isang fairy tale na mahirap paniwalaan ang nangyayari sa akin nang mga nakaraang buwan. Parang kelan lang ay hindi magkamayaw ang mata ko sa pag-iyak pero ngayon ay halos araw-araw itong nakangiti sa isiping minamahal ako ng lubos ng taong mahal ko.


Saktong 11 months na kami ni Aki ngayon at masasabi kong iyon ang pinakamasayang labing-isang buwan ng aking buhay beks. Alam ko naman kasi kung gaano kahirap ang maghanap ng isang matinong karelasyon sa mga katulad ko. Kaya labis kong pinahahalagahan ang mga bagay na meron ako ngayon.


Masasabi kong perfect na sana ang lahat maliban na lang sa isang bagay. O isang tao. Si Renz.
Si Renz na bestfriend ko, dating crush, dating mahal, dating manliligaw. 


Nang aminin ko sa kanya ang nararamdaman ko para kay Aki noon ay alam kong labis ko siyang nasaktan. Alam kong kahit anong mabubulaklak pang salita ang sabihin ko sa kanya ay hindi noon maitatago ang katotohanan na hindi na siya ang laman ng puso ko.


Akala ko ay magiging okay na siya pagkatapos noon dahil siya pa mismo ang nagpresenta na ihatid ako kay Aki para magkausap kami nung gabing nahuli kami ni Aki na magkayakap. Buong akala ko ay tanggap niya na ang mga nangyayare. Inakala ko na tuluyan niya nang palalayain ang kanyang sarili mula sa nararamdaman niya para sa akin. Isa lang pala akong malaking tanga para isipin iyon. Parang hindi ko napagdaanan ang mga pinagdaraanan niya ngayon para isiping magiging okay na ang lahat sa loob lang ng isang gabi.


Pinagpapasalamat ko na lamang na hindi katulad ni Aki ay hindi siya nagalit sa akin. Nanatili ang aming pagiging magkaibigan. Nagkikita pa rin kami kung minsan. Nagkakatext o di kaya ay nagkaka-chat sa facebook. Umiinom pa din ako kasama siya at ang mga kaibigan nila ni Aki. Ganunpaman, ay alam kong may nagbago.


Sa dami nang nangyari sa amin ay mali ang umasa na maibabalik pa namin ang dating estado ng aming pagiging magkaibigan.


Hindi man sabihin ni Renz ay ramdam ko at kita ko sa mga mata niya ang mga pagbabagong iyon. At bilang kanyang matalik na kaibigan ay nasasaktan ako sa mga pagbabagong ginagawa niya sa kanyang sarili dahil alam kong isa ako sa mga dahilan ng mga pagbabagong iyon.


Gusto ko siyang tulungan pero hindi ko alam kung paano. Hindi ko mapigilang isipin na sa pakikialam ko sa mga ginagawa niya ay baka ipinagkakait ko din sa kanya ang mga bagay na nakakabawas sa sakit na nararamdaman niya. Sakit na buhat sa sugat na iniwan ko sa puso niya.





****Renz****

Renz Angelo Razon.


Halos kilala na ng lahat ng tao sa bar na iyon at sa mga katabing bar ang pangalan ko dahil sa may kadalasan ko na ring pakikipag-away sa mga maaangas na customer ng mga bar sa lugar na iyon. Kung hindi ko lang kilala yung may-ari ng bar ay malamang matagal na akong pinagbawalang pumasok doon.

Troublemaker.

Panibagong titulong maaari kong idagdag sa mahabang listahan ng mga accomplishments ko sa buhay. Troublemaker. Man whore. Hot guy. Sore loser. Brokenhearted. Gambler. Drug addict. At marami pang iba.

Hindi ko naman ipinagkakaila ang mga bagay na ginagawa ko. Alam kong kinakaawaan ako ng mga taong nakapaligid sa akin. Lalo na ng bestfriend ko. Nang taong sobra kong minahal at minamahal hanggang ngayon.

Alam kong cliche, pero parang gumuho talaga ang mundo ko nang malaman na hindi na ako ang mahal ni Kyle. Biglang nawalan ng direksyon ang mundo ko. Nawalan ako ng gana na tuparin pa ang aking mga pangarap, dahil sa bawat pangarap ko ay kasama si Kyle at ngayong wala na sya sa akin ay wala ng silbi pa ang mga bagay na iyon.

Halos isang taon pa lang buhat nung gabing lumuhod ako at magmakaawa sa harap ni Kyle na mahalin akong muli pero parang isang dekada na akong naghihirap at nasasaktan mula noon. At hindi lang minsan kong sinukuan ang mabuhay pa.

Pathetic.

Pilit kong iniwasan pero di ko rin napigilan ang bumalik sa gabi-gabing pag-inom, alam kong wala iyong magandang maidudulot sa akin pero malakas ang tawag ng pansamantalang saya na dulot ng alak at droga. Oo, natuto akong mag-drugs. Hindi lang minsan ko nasubukang mag-drugs. Lagpas na sa dami ng mga daliri ko sa paa at kamay ang pagkakataon na tumikim ako ng ipinagbabawal na gamot. Nung una ay natatakot ako pero dahil sa mga naririnig ko na sulsol sa mga kainuman ko na mabisa raw itong gamot sa kalungkutan ay nawala ang mga agam-agam ko at nagpatalo ako sa udyok ng mga kasama ko. Nang maranasan ko ang kakaibang high na dulot nito ay ito na ang naging takbuhan ko sa tuwing hindi ko na kinakaya ang lungkot.
Bukod sa droga ay nalulong din ako sa sugal. Isa kasi ito sa hilig ng mga taong madalas kong nakakasama sa mga inuman. Yung mga bago kong kabarkada. Minsan ay nananalo ako pero madalas ay natatalo ako. Sabi nila ay ganun daw talaga sa una dahil hindi pa naman daw ako bihasa.

Nandyan din yung pakikipag-one night stand ko pero wala naman akong nagiging karelasyon sa mga nakakatalik ko. Tikiman lang.

Lahat ng ito ay alam ng mga kaibigan namin ni Aki maging si Kyle. Marami ang tutol dahil mali raw ang aking mga ginagawa. Madali sa kanilang sabihin iyon dahil hindi naman nila nararamdaman yung kirot sa puso ko na araw-araw na nagpapahirap sa akin. Tanging si Kyle lamang ang nag-iisang taong hindi ako pinagtabuyan o pinigilan sa mga ginagawa ko. Minsan ay tinatanong nya ang dahilan sa likod ng mga inaasal ko at sinasabi ko na lang na sa ganoon ako nag-eenjoy. Tatahimik na lamang siya at titingin sa malayo.

Likas na mabait si Kyle kaya alam kong iniintindi niya na lang ako. Pero kahit anong pagtatago niya ay kita ko sa mga mata niya ang pagtutol at labis na pagkaawa sa akin.

Iyon nga ba ang gusto ko? Ang kaawaan ni Kyle sa pagbabakasakaling mahalin niya akong muli?




****Aki****

Araw-araw ay isang magandang panaginip para sa akin. Hindi kasi ako makapaniwala sa kasiyahang tinatamasa ko ngayon.

Matapos ang halos tatlong taon ng magulong istorya namin ni Kyle, sa wakas ay naging kami na nga. Hindi ko malilimutan ang gabing naligo siya sa ulan kahit na may sakit siya para lamang hintayin ako at sabihing mahal niya ako. Noon naging opisyal ang aming relasyon. At buhat noon ay libu-libong masasayang alaala na ang aming pinagsaluhan.

Ramdam ko kung gaano ako kamahal ni Kyle at sa bawat araw na dumarating sa amin ay pinagsusumikapan ko ring iparamdam sa kanya kung gaano ko siya kamahal. Halos isang taon na din ang aming relasyon at lalo pa namin itong pinagtitibay.

Lumipat pa din siya ng kumpanyang pinapasukan. Ayaw daw kasi niyang maging isyu pa sa opisina namin na boyfriend niya ang CEO ng kumpanya. Sinubukan ko syang pigilan kasi gusto kong kasama siya buong araw pero buo na ang kanyang desisyon na umalis.

Agad naman siyang nakahanap ng bagong trabaho sa bandang Taguig. Nakatira siya sa isang condominium malapit doon.

Gusto ko sanang doon na lang din tumira pero ayaw ni Kyle. Ayaw daw muna nya na maglive-in kami dahil baka magkasawaan lang kami sa mukha ng isa't-isa. Minsan ay hinahayaan niya akong matulog doon ng dalawang araw o kaya ay doon siya sa condo ko matutulog kapag wala siyang pasok. Masaya naman na ako sa ganoong set up.

Sa kabila ng saya naming magkasama ay batid kong may mga problemang gumugulo kay Kyle. Una na doon si Renz.

Kahit hindi niya sabihin ay alam kong sinisisi niya ang kanyang sarili sa mga nangyayari sa kanyang matalik na kaibigan. Sinubukan na naming mga kaibigan ni Renz na pagsabihan ito tungkol sa mga bisyong ginagawa niya ngayon pero wala itong pinapakinggan ni isa man sa amin.

Naaawa ako sa kaibigan ko dahil alam kong mahirap ang kanyang sitwasyon. Naranasan ko na din ang ganoong kalagayan dati at ang pinili kong gawin ay lumayo at i-isolate ang sarili sa mga taong kilala ko.
Kasabay ng awa ay di ko maiwasang mangamba. Maaaring masyadong makasariling isipin ang ganitong bagay ngunit laging nandoon ang agam-agam ko na baka ginagawa lamang ito ni Renz para makuhang muli si Kyle.
Hindi man tumututol si Renz sa relasyon namin ni Kyle ay hindi naman ibig sabihin noon ay wala na itong nararamdaman para kay Kyle.

Alam kong nagkikita pa din sila ni Kyle dahil lagi namang nagpapaalam sa akin si Kyle sa tuwing may lakad sila ni Renz. At hindi ko rin naman intensyong ipagdamot si Kyle sa kanya. Kung minsan ay kasama din nila ako o ang iba pa naming kabarkada at sa mga pagkakataong ganon ay kita ko sa mga mata ni Renz kung gaano ang pagkasabik at ang pagtatangi niya para kay Kyle.

Hindi ko rin masisisi ang aking sarili na makaramdam ng takot dahil ilang beses din namang nangyari na si Renz ang pinili ni Kyle sa aming dalawa noon. Natatakot ako na baka sa isang kisapmata ay mawala ang lahat ng masasayang sandali namin ni Kyle.
Hindi ko alam kung dapat ko na bang bakuran si Kyle mula sa kanyang bestfriend. Tama ba na ipagdamot ko siya kay Renz? Kasama ba iyon sa karapatan ko bilang boyfriend ni Kyle?




****Lui****

I've never questioned my sexuality til i met Kyle. It's been years since i fell for that guy and i've come to accept that we're not meant for each other, especially now that i can see how happy he is with his boyfriend, Aki.

I thought it was just like a phase in my life that i have come to pass and after that i'll be back to how i enjoy dating and flirting with girls i meet. But the things happening to me lately cast a doubt to that theory.

Sa bawat babae kasing nakikilala ko ay hinahanap ko ang mga katangian ni Kyle. Sa ilang pagkakataong may ikakama akong babae ay siya rin ang naiisip ko. Sa tuwing titingin naman ako sa kapwa ko lalake ay wala naman akong nararamdamang pagkagusto sa kanila tulad ng pagkagusto na naramdaman ko para kay Kyle kaya hindi ko rin masabing bakla nga ako. Iniisip ko na lang na lang na baka hindi pa ako completely nakaka-move on sa nangyari sa amin ni Kyle kaya ganun.

May akibat atang sumpa ang mainlab kay Kyle. Si Aki nung mainlab noon kay Kyle at hindi siya ang pinili nang huli ay naging loner. Si Renz naman naging drug addict at pariwara. Ako mukhang nawalan ng interes sa ibang tao maliban kay Kyle.

'Nawalan nga ba ng interes sa iba?', bulong ng isang parte ng aking isip.

Okay aaminin kong may isang taong nakakuha ng aking atensyon pero hindi iyon katulad ng naramdaman ko para kay Kyle. At wala naman akong plano na i-pursue ang nararamdaman ko para sa taong iyon. Gusto kong isipin na si Kyle na ang huling lalaking mamahalin ko.

Hindi ko maiwasang isipin ang mga ganitong bagay dahil sa pressure at problemang naiisip ko sa tuwing ako ay nasa bahay.

I just turned 26 a few days back and my parents have been bugging me about marriage since then. I'm the eldest among their two children and they expect me to carry on the family name since their other child is a she. I can't blame them though cause i know that they're not getting any younger, my dad is on his late fifties while my mom is 53 and they both want to have a grandchild they can take care while they still can.
Despite that, i still think it's not enough reason for me to settle down. I don't even have a girlfriend to start with and i don't welcome the notion of having my own family just yet. I can get a random girl to bear me a child if it is a grandchild they want, but i know that i'll be putting myself in a bigger trouble if i do that.

Sinusubukan kong lunurin na lang ang sarili sa mga trabaho sa farm pero sa pagdaan ng mga araw ay lalong nagiging mas makulit ang aking mga magulang. Idagdag pa ang pagkainis nila sa palagian kong paglabas-labas at pakikipaglandian sa iba-ibang babae.

Dahil doon ay sila na mismo ang namimili ng mga maaari kong pakasalan. Para silang mga timang na nagse-set up ng mga ka-blind date ko na usually anak ng mga business associate nila. Which i always mess up na lalong ikinagagalit ng mga magulang ko.

Ipinagdarasal ko lamang na sana ay di nila gawing pilitin akong makasal sa taong di ko gusto.Pero ano nga ba ang plano ko? Ganito na lang ba ako hanggang tumanda? Si Kyle nga lang ba ang lalaking gumugulo sa aking isip? O pilit ko lang pinaniniwala ang sarili ko na si Kyle nga ang hinahanap-hanap ko?

STARFISHWhere stories live. Discover now