Patuloy lang siyang kumanta at para kaming may sariling mundo na kaming dalawa lang ang nandito. Medyo natauhan lang ako nang maramdaman kong tinulak ako ng kung sino palapit kay Ali.

"Go, Steve! Duet kaya yan, ikaw naman kumanta," buyo naman sa akin ni Keighla na siya ring tumulak sa akin. Patuloy naman sa pagtipa ng gitara si Kevin kaya kahit kanina pa dapat kinakanta 'yung kasunod na verse ay nanatili lang na instrumental ang naririnig namin. Kanina pa pala hindi kumakanta si Ali at hindi maikakaila 'yung kapilyahang mababasa ngayon sa itsura niya.

"Dali na!" pagpupumilit na naman ni Keighla. Hindi ko talaga malaman kung saan ito pinaglihi ng nanay niya eh. Napakakulit kasi, mabuti at napagtiisan ni Ali 'to sa loob ng apat na taon.

"Please lang, Keighla. Huwag mo nang ipilit, gusto ko pang namnamin 'yung mga bituin sa langit!" sabat naman ni Jhela dahilan para magtawanan sila.

Agad naman akong dumakot ng buhangin at sinaboy iyon kay Jhela.

"Ay, ganoon ba kapangit boses ni Steve para pati mga bituin mag-atrasan?" mayamaya'y tanong ni Keighla.

Nagtawanan na naman tuloy mga kasama ko. Napapailing na lang ako. Ang lalakas ng mga 'tong mang-asar. Boxing na lang oh, knockout sila agad-agad sa suntok ko.

"Eh, hayaan mo na. Kanta na kasi Steve! Mangangalay na si my loves. Saka hello, sweet kaya nun. Dali na, pakiligin mo naman si Ali!" pangungulit na naman nito. Wala na nga akong nagawa kaya napapayag na ako.

🎶 I love you and you know I do
There'll be no one else for me
Promise I'll be always true, for the world and all to see 🎶

Wala na akong pakialam kung bigla na lang akong lalamunin ng lupa o kaya ay may biglang UFO na kukunin ako, mapigilan lang ako sa pagkanta. Alam ko namang wala akong talent sa pagkanta pero bakit parang hindi naman nila inda 'yun? Heto nga at mga nakangiti sila, tapos si Ali parang hindi na makagalaw sa pwesto niya. Kitang-kita ko sa mga mata niya na ninanamnam niya 'yung lyrics sa kanta na para bang ito na 'yung pinakamagandang version nito. Sorry na lang kay Jose Mari Chan, tuwing pasko na lang talaga 'yung career niya kasi aagawin ko na sa kaniya 'yung trono niya. Biro lang naman.

🎶 Love has heard some lies softly spoken
And I have had my heart badly broken
I've been burned and I've been hurt before
So I know just how you feel, trust my love is real for you 🎶

Natigilan naman ako nang biglang sumugod si Ali palapit sa akin. Hinahanda ko na 'yung sarili ko na sasapakin niya ako para manahimik na. Wala kasi talaga ako sa tono pero natigilan ako sa ginawa niya. Parang tumigil 'yung ikot ng mundo at wala akong ibang naririnig sa paligid maliban sa tibok ng mga puso naming sinadya yatang likhain para maging isa. Mas lalo akong nalunod lalo pa at ramdam ko ang mahigpit na yakap niya sa akin. Oo, sinugod niya ako ng yakap at wala akong matandaan na ginawa niya na ito noon. Wala kasi akong maalala, ang alam ko lang ay ako ang palaging yumayakap sa kaniya. Masarap pala sa pakiramdam kapag ako naman ang niyakap niya. Mas nakakalunod sa pakiramdam.

"Tuloy mo, Steve!" narinig kong demand ng makulit na si Keighla. Tumutugtog pa rin pala si Kevin.

🎶 I'll be gentle with your heart, I'll caress it like the morning dew
I'll be right beside you forever
I won't let our world fall apart
From the very start, I'll be careful with your heart 🎶

Natapos 'yung kanta na wala pa ring bumibitaw sa yakap namin. Ganito pala 'yung pakiramdam nung mga bidang lalaki sa pelikula, hindi ko ma-explain. Sa simpleng gesture na ito ay hindi ko inakalang magiging sapat na para lang masabi kong ang sarap talagang magmahal.

"Whoaaaa! Group hug!"

Mayamaya'y sumugod na rin sila sa aming dalawa at nakiyakap na.

"Kevs, tugtog ka pa. Solo ko naman," request ko kay Kevin habang iniaabot kay Ali 'yung marshmallow na niluto ko.

Napapitlag naman ako nang maramdaman ko 'yung maliit na batong tumama sa akin.

"Tama na 'no! Namihasa ka naman masyado," ani Keighla. Siya lang naman 'yung taong bumato sa akin.

"Bakit ba? Kanina nga hindi ka magkanda-ugaga sa pagpipilit sa akin ah," sagot ko naman sa kaniya.

"Syempre iba 'yung kanina sa ngayon. Gusto ko pang mag-star gazing kasama si my loves no!" Nagtawanan naman 'yung mga kasama ko pagkatapos niyang sabihin 'yun.

Napadampot tuloy ako ng bato at akmang ibabato ko na sa kaniya nang bigla naman akong pigilan ni Alisha.

"Steve, hayaan mo na," may lambing na sabi niya sa akin. Parang napalis tuloy 'yung asar na naramdaman ko kanina.

"Nako, pasalamat ka talaga at mahal ka ng kaibigan mo," baling ko naman kay Keighla at muli na namang nagtawanan 'yung mga kasama ko.

Maybe This Time (✔)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon