Umahon ako sa pagkakasandal ng aking ulo sa kaniyang likod nang bumagal ang pag-andar. Nag-angat ako ng ulo. Pinagmasdan ang paligid. Napakaraming nakahilerang restaurant at bakeshop sa lansangang ito.

Tinanggal ko ang helmet ko pagkababa niya. Bumuntot agad ako sa kaniya pagkapasok nito sa loob ng jollibee.

May nahanap agad akong bakante. Kinalabit ko siya at itinuro ang nakita. Tumango lang siya sa akin, isinenyas na pumunta na ako roon habang tumitingin siya ng puwede naming makain.

Tinapik ko ang balikat niya. Ipinilig nito ang ulo paharap sa akin, tiningnan akong nakalabi. Ngumiti ako bago magsalita. “Jolly spaghetti, coke float, sundae, and french fries for me.”

Umupo ako sa bakante. Inilagay ko ang backpack bag ko sa upuang katapat ko para walang umupo at hindi kunin ang upuan lalo na at punô na.

Hinanap ng mata ko ang pigura ni Chrysler. Hindi naman ako nagtagal sa paghanap dahil nakita ko siyang nakahalukipkip, nakatayo nang matuwid. Hindi rin maiwasan ng mga babaeng nasa likuran niya ang tingalain siya dahil hanggang dibdib lang niya ang mga itong gaya ko. Mahina akong pumalakpak nang umusad ang pila, malapit na siya sa counter. Tatlong tao pa at siya na ang susunod.

Hindi nagtagal ay dumating din siya. Ako na ang nagpresintang kunin ang mga pagkain sa tray at isa-isang inilapag sa mesa.

Sinimulan ko ang pagkain sa spaghetti. Inihalo ko nang mabuti ang sauce. Amoy pa lang ay natatakam na ako. Nagwawala na ang bulate ko.

Ngumiti ako sa kaniya bago sumubo. Inilapag niya ang kaniyang cellphone sa mesa.

Nagpapalitan kami ng ngiti kada subo namin. Isinawsaw ko ang french fries sa sundae. Tumigil ako sa pagsubo dahil biglang naramdaman ko ang vibration ng cellphone niya. Tiningnan ko ang caller ID ng nasa phone screen niya.

Imbes na tumimgin ako sa kaniya ay ngumiti ako nang matipid sabay subo ng spaghetti.

“Excuse me,” mahinang sambit niya at narinig ko ang pag-urong ng upuan niya maging ang pagmartsa nito palayo.

Matapang akong nag-angat ng ulo, hindi mawala ang matipid kong pagngiti. Nakita ko siya sa labas, nakangiti at panay ang pagtango niya habang kausap si LJ.

Iniisip kong normal lang ang kasiyahan niya, pero iba ang ipinaparating ng isip ko.

Mabilis akong nagbaba ng tingin nang makitang pumasok siya. Bumalik siya sa pag-upo sa tapat ko. Hinihintay kong ilapag niyang muli ang cellphone niya sa mesa, pero ibinalik niya ito sa bulsa.

“Puwede ka ng umalis kung gusto mo,” nakangiti kong sambit habang hindi nakatingin sa mga mata niya. Pero lingid sa kaalaman niya—sa loob-loob ko ay hindi ako masayang paalisin siya at hindi ko gugustuhing paalisin siya agad.

“Tumatawag si LJ at natatakot siyang mag-isa sa bahay,” sambit niyang nahimigan ko siyang nag-aalala sa kalagayan ng matalik niyang kaibigan doon.

Mapait akong ngumiti sa kaniya at alam kong napapansin niyang hindi ako natutuwa dahil sa titig ng mga mata niya ay nanunuri.

“Puwede ka namang bumawi ulit next time.” Iminuwestra ko ang kamay ko kasabay ng pagtango kong tanggap ko kunwaring paalisin siya.

He let out a harsh breath as he raked his fingers through his hair. “Let's just finish this,” he murmured.

Gusto ko pa sanang tagalan para makasama siya, pero nagmamadali siya at kitang-kita ko sa ekspresyon niya kung gaano siya nag-aalala sa kaibigan niya.

Binalot kami ng katahimikang dalawa at hinayaan ko lang matahimik kami habang inuubos ang pagkain. Gugustuhin kong ubusin muna ito bago ako magbitiw ng mga salita. Ayaw kong masayang ang pagkaing paborito ko.

Today is the DayWhere stories live. Discover now