"Kailangan malaman 'to ni Inay, ate. Hindi puwede ang ginagawa sa 'yo ng matandang 'yon!"

Nanlaki ang kaniyang mga mata sa narinig bago paulit-ulit na umiling.

"Huwag," pigil niya bago nagmamadaling tumayo at saka naglakad patungo sa malaking salamin ng silid. "Hindi na 'to kailangang malaman pa ni Inay. Huwag mo nang ipaalam sa kaniya."

Mabilis niyang pinalis ang mga luha sa kaniyang pisngi gamit ang likod ng kaniyang mga kamay.

"Pero, ate—"

Hindi na naituloy pa ni Anna ang sasabihin nang matalim niya itong titigan mula sa repleksiyon ng salamin. Ang dami na niyang naisakripisiyo at malayo na rin ang kaniyang narating para itapon lang ang lahat at muling bumalik sa putikan. Isa pa, may sakit ang kanilang ina, ayaw na niyang mag-alala pa ito sa kaniya.

Humugot siya ng malalim na hininga bago nag-umpisang ayusan ang sarili. Nagtungo siya sa walk-in closet nila upang mamili ng damit na maisusuot para sa gaganaping piging mamayang gabi.

Marami ang naglalaro sa kaniyang isip, maraming pagsisisi ang pilit na nagsusumiksik, pero isa lang ang sigurado siya, ilang ulit man niyang pagsisihan ang ginawa, hindi na niya maibabalik pa sa dati ang lahat.

Narinig niya ang paghugot ng malalim na hininga ni Anna. Huminto siya sa ginagawa bago nilingon at pinagmasdan ang kapatid. Mababakas sa mga mata nito ang matinding lungkot habang nakatitig sa kaniya.

Nagpakawala siya ng malungkot na ngiti bago isinuot sa katawan ang kulay rosas na roba at muling nagbalik sa tabi ng kapatid. Mahigpit niyang hinawakan ang mga kamay nito habang naroon pa rin ang malungkot na ngiti sa kaniyang mga labi.

"Ayos lang ako, Anna. Ayos lang si Ate," paninigurado niya rito.

Alam niyang hindi na ito basta-bastang maniniwala sa kaniya. Labing anim na taon na ito, hindi na bata katulad noon na madali niyang mapaniwala sa mga binibitiwan niyang pangako sa tuwing sinusubok sila ng problema.

"Sinasabi ko na, e. Unang kita ko pa lang sa matandang 'yon, alam ko nang may itinatago siyang kalupitan!" nagtagis ang bagang nito matapos sabihin iyon.

Dumungaw rin ang ilang butil ng luha mula sa naniningkit nitong mga mata.

"Bakit kasi ito pa ang pinili mo, ate?"

Sandali namang natigilan si Barbara sa narinig, mabilis na nagbalik sa kaniya ang mga alaala kung kailan mas nanaig sa kaniya ang pera kaya ngayon ay naririto siya sa sitwasyon na ito.

"Kung hindi mo lang sana pinili 'to," kusang huminto sa pagsasalita si Anna bago malayang inikot ang tingin sa buong silid.

Doble ang laki ng kuwartong iyon kumpara sa maliit nilang bahay noon sa squatter's area. At mula sa mga mamahaling gamit sa paligid, lumipat ang tingin nito sa malaking kama na kinauupuan nila.

"Kung hindi mo lang pinili ang karangyaan, ate, kahit naghihirap tayo ngayon, naging masaya ka sana," dagdag pa nito nang muling ibaling sa kaniya ang atensyon.

Nag-iwas siya ng tingin dahil alam niyang totoo ang lahat ng sinabi nito. Mas pinili nga niya ang pera, kaya ngayon, nagdurusa siya.

"Itama mo na lang ang pagkakamali mo, ate. Lahat naman ng mali, naitatama, 'di ba?"

Nabitiwan niya ang kamay ng kapatid matapos marinig ang mga sinabi nito. Lumunok siya bago muling tumayo at nagtungo sa terasa ng silid. Mula roon, napagmasdan niya sa labas ang mga abalang katulong at trabahador ng kaniyang asawa. Inaayos ng mga ito ang mga palamuting gagamitin sa mga lamesa at silya sa buong hardin.

Naramdaman niya ang paglapit ni Anna sa kaniyang tabi. Ramdam niya rin ang malamig nitong kamay na kumapit sa kaniyang braso kaya nilingon niya ito.

Espasiyo ng PusaDonde viven las historias. Descúbrelo ahora