Tanikala't Rosas

55 4 0
                                    

Mataas na ang sikat ng araw ngunit hindi naman gaanong ramdam ang init sa malawak na lupain ng Hacienda Salvador.

Makulimlim ang ibang parte ng hacienda dahil sa naglalakihang puno ng mangga na hitik na hitik sa bunga. Makikita ang pagsayaw ng mga dahon sa ihip ng hangin. Napakagandang pagmasdan ng buong paligid.

Sa gitna ng malawak na lupain, makikita ang isang napakagandang babae. Marahan itong tumatakbo habang may matamis na ngiti sa mga labi. Makinis ang balat nito na animo'y pinapaliguan ng gatas araw-araw at mas tumingkad naman ang suot nitong puting bestida, lalo pa sa tuwing tumatapat iyon sa sinag ng araw.

Makikita ang natural na kagandahan ng babae. Maamo ang mukha at namumungay ang mga mata. Ang kaniyang itim at matingkad na buhok ay isinasayaw ng hangin habang siya ay tumatakbo. Animo'y isang bagong pitas na rosas na walang sinuman ang hindi mabibighani.

Maraming lalaking trabahador ang naroon ngayon sa malawak na hardin ng Hacienda Salvador, nakatulala habang nakatitig sa magandang amo. Marami sa kanila ang pinagpapantasyahan ang babae at nagnanais na manligaw rito ngunit sa kasamaang palad, hindi na malaya pa ang babae dahil pagmamay-ari na ito ni Don Emilio.

"Sinungaling!"

Isang malakas na sampal ang dumapo sa pisngi ni Barbara na ikinapiling ng kaniyang mukha sa ibang direksiyon. Namimilog ang mga mata nang muli niyang tingnan ang matandang lalaki.

"Malandi ka! Hindi pa ba sapat ang lahat ng ibinibigay ko sa 'yo?"

Naramdaman ni Barbara ang pangingilid ng luha sa kaniyang pisngi. Ilang beses siyang umiling sa pagbibintang ng matandang Don ngunit wala siyang nagawa kundi ang lumuha.

"H-Hindi 'yan totoo, Emilio! Hindi!"

Umigting ang panga ng matanda at nagkuyom ito ng kamao. Sasabog na ito na parang bulkan. Hindi na napigil pa ang sarili at muling dumapo ang kamay sa pisngi ng babae. Sa pagkakataong iyon, bumagsak sa kama si Barbara. Mabilis niyang nalasahan ang malansang dugo mula sa kaniyang pumutok na labi.

Dinuro ni Don Emilio ang batang asawa. May kung anong init ang kumukulo sa kaniyang loob na umakyat hanggang sa kaniyang ulo.

"Iyan ang nararapat sa 'yo! Akala mo ba, hindi ko napapansin ang ginagawa mo sa tuwing nasa harap ka ng mga trabahador ko?"

Lumuhod pa ang matanda sa ibabaw ng kama kung nasaan si Barbara. Marahas niyang hinila ang buhok ng babae saka ipiniling ang mukha sa kaniya.

"Hindi ka pa rin nagbabago, malandi ka pa rin!"

Nang bitiwan siya ni Don Emilio, narinig niyang papalabas ng pinto ang mga yabag nito. Sa pagkakataong iyon, hindi na niya napigil pa ang sarili. Ang luhang ilang buwan na rin niyang sinisikil ay tuluyan nang umagos sa kaniyang pisngi.

Padapa siyang nakahiga sa kama habang tahimik na lumuluha sa mapait niyang kapalaran. Ilang sandali pa, naramdaman na niya ang paghagod ng isang kamay sa kaniyang likod. Nang mag-angat siya ng mukha, bumungad sa kaniya ang naluluhang kapatid na babae. Mabilis itong yumakap sa kaniya ng mahigpit.

"Anna," nasambit niya bago gumanti ng yakap dito.

Walang patid ang pag-agos ng kaniyang mga luha. Sa ngayon ay sa nakababatang kapatid at sa ina na lamang siya kumukuha ng lakas ng loob.

"Tahan na, ate."

Ramdam niya ang panginginig ng balikat nito. Alam niyang lumuluha ito para sa kaniya.

Ilang minuto rin sila sa ganoong ayos. Para bang ayaw na niyang bumitiw sa kanilang yakap dahil natatakot siyang maiwan mag-isa kasama ang malupit na asawa. Nabalik lang siya sa reyalidad nang marinig ang sinabi ng kapatid.

Espasiyo ng PusaWaar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu