The World Beyond the Moon

51 2 0
                                    

———

MARAHAN akong tumingala at pinakatitigan ang bilog na buwan na nagmamagandang gabi sa lahat. Naghahari ang liwanag nito sa madilim at mapanglaw na kalangitan. Mariin kong ipinikit ang aking mga mata nang manumbalik sa aking isipan ang mga katagang nabasa kanina.

"Ang manunulat sa mundo ng pantasya."

Umiling ako bago muling pinagmasdan ang pula at hugis pusong talaarawan ni Mama. Muli akong humugot ng malalim na hininga bago ito binuklat.

"Oras na," malumanay at waring naglalambing ang tinig na nagmumula sa pulang talaarawan .

Matapos mag-alay ng kuwento, ngumiti ako nang bahagya bago nag-umpisang isulat ang mga letra ng salita at numero ng taon sa blangkong pahina.

"Sa mundo ni Mama. Taong 1993."

Sa bawat letrang ginagawa ng lapis na aking hawak, katulad noong una ay unti-unting lumitaw ang mga asul na alitaptap. Nagkalat ang mga ito sa paligid na waring mga bituin na sumasayaw sa langit.

Sa pangalawang pagkakataon simula nang sumapit ang araw ng aking ikalabing anim na kaarawan ay muli ko na naman narating ang mundo ng aking ina—ang mundo ng pantasya.

Muli kong nasilayan ang kagandahang hatid ng matingkad na kulay lilang kalangitan. Ang hugis suklay at kulay melocoton na buwan, ang mga ulap na kulay rosas na animo'y mga koton kendi, isama na rin ang mga bituin na may iba't ibang kulay at tila kumikindat sa akin. Lumapad ang ngiti sa aking mga labi. Lalo pa nang malanghap ko ang hangin sa paligid—ang tamis! Animo'y mga matatamis na pagkaing pinaghalo-halo.

Muli kong hinanap ang daan patungo sa bahay ng aking ina. Hindi katulad sa mundo ng mga tao, kakaiba ang bahay nila rito. Lahat naman yata ng narito ay kakaiba.

Sa pakiwari ko ay buwan ng Nobyembre sa mundo ni Mama, kahit na ang totoo ay papatapos pa lang ang buwan ng Marso sa mundo ng mga tao. Marahil ito ay dahil sa itsura ng paligid. Nakahilera sa daan ang ulo ng mga kalabasang may disenyo ng isang mukha. Umiilaw pa ang mga ito na katulad sa disenyo ng mga tao sa aming mundo. Ang mga puno naman ay tila ba patay na, wala itong mga dahon. Ngunit makikita ang mga sapot at buhay na higanting gagamba sa itaas nito.

Dito ay napagtanto ko na ang mga halaman ay nakagagalaw. Ilang hakbang pa mula sa akin ay naroon naman ang madilim na gubat. Nang mapasok ito, nakita ko ang mga punong sumasayaw kasama ng mga alitaptap. Nakarinig din ako ng hagunos at lagaslas ng tubig na nanggagaling sa malapit na talon.

Sa dulong bahagi ng gubat, tanaw ko na ang bahay ni Mama na yari sa tsokolate. Katulad ng ibang bahay na narito na pawang gawa sa mga tinapay, wafol, at pankeyks, ang ibang parte ng kanilang bahay na gaya ng bintana at pinto ay gawa naman sa kendi.

Mabilis akong nagyuko ng ulo bago dumiretso nang takbo sa malaking puno na nasa tabi ng bahay ni Mama nang marinig ang tawanan ng mga bata mula sa kung saan. Habang nagtatago, pinagmasdan ko kung paano habulin ng mga batang nakasuot ng damit na parang sa mangkukulam ang mga lumilipad na paniki.

Ngumiti ako nang makita ang sigla sa mukha ng mga bata. Ganoon sila rito. Ang mga bagay na kung para sa mga normal na tao ay nakatatakot katulad ng mga paniki, ahas, iba't ibang kulay ng mga palaka, bungo, malalaking gagamba, para naman sa kanila ay labis itong nakatutuwa.

Sa tuluyang paglayo ng mga bata, muli kong pinagmasdan ang paligid ng bahay. Nakita ko ang pagngiti ng mga bulaklak sa aking pagdating. Umihip ang malakas na hangin at naramdaman ko sa aking katawan ang malamig na atmospera.

Mula sa kinatatayuan ay nakita ko ang pagdungaw ng isang babae mula sa bintana. Namangha agad ako sa kagandahang taglay niya. Kasing ganda niya ang bulaklak ng isang lotus. Walang papuring sasapat upang isalarawan ang kaniyang taglay na ganda. Pinagmasdan ko ang maamo niyang mukha habang nakatingala siya sa kalangitan. Nakasuot siya ng kulay puting naytgaun, at mahaba at maalon ang kulay olandes niyang buhok. Matingkad din ang kaniyang pulang-pulang mga mata.

Espasiyo ng PusaWhere stories live. Discover now